Bitter No More: Ikalabinlimang Bahagi
BITTER NO MORE
Ang nakaraan...
Nang makarating na sila sa ipinarada nitong kotse ay isinandal muna siya nito bago sila pumasok sa loob.
"Ang ganda mo talaga! Jackpot ako sa 'yo!" Muli siyang hinalikan ng estranghero habang kung saan-saang parte ng kaniyang katawan naglalakbay ang mga daliri nito.
Binuksan nito ang kotse at ipinasok siya sa loob. Ngunit bago pa man siya tuluyang naipasok nito ay may biglang sumigaw ng pangalan niya.
"Anchelle!"
Nagulat ang lalaki nang marinig ang sigaw na iyon. Napalingon naman ito sa pinanggalingan ng boses.
"Saan mo siya dadalhin?" galit na tanong ni Ariel habang tumatakbo papalapit sa kanila.
"I'll bring her to heaven!" Ngumisi ito nang nakakaloko.
Biglang uminit ang ulo ni Ariel sa sinabi ng lalaki. "Do you want me to break your face?" tiim-bagang na sigaw ni Ariel.
"She's mine, Dude! I'm gonna make her mine!"
Matapos nitong sabihin iyon ay tuluyan na nitong ipinasok si Anchelle sa loob ng kotse. Agad din itong pumunta sa driver's seat para makaalis na sila. Pero biglang hinatak ni Ariel ang estranghero at dumapo sa mukha nito ang kamao ng binata. Natumba ito sa sahig at basag ang ilong nito.
Akmang tatayo ito para suntukin din si Ariel nang may biglang nagsidatingan na dalawang guwardiya.
"Anong kaguluhan 'to?" sita ng isang guwardiya.
"He's going to rape my best friend!" galit na sagot ni Ariel sa nagtatanong na guwardiya.
"Best friend ka lang pala, e! Kung umasta ka, para kang boyfriend niya! E 'di ko naman siya isasama sa 'kin kung 'di siya pumayag! Gago!"
Muli na namang tumama sa mukha ng lalaki ang kamao ni Ariel.
"Loko ka pala, e! You're taking advantage of her! Kita mong lasing siya! Tapos sasabihin mo sa aming pumayag siya sa katarantaduhang binabalak mo? Ikaw ang gago!" Susuntukin na naman sana ni Ariel ang estranghero pero inawat sila ng dalawang guwardiya.
"Mga Sir, aayusin n'yo ba 'to? O dadalhin na lang namin kayo sa estasyon ng pulis para doon kayo mag-areglo?" tanong ng isang guwardiya sa kanila.
Tiningnan nito si Ariel nang masama habang kitang-kita sa mukha nito ang nagpupuyos na galit sa binata. "Tatandaan ko 'yang pagmumukha mo, Gago ka!" Bumalik ito sa kotse at inilabas si Anchelle.
Lumapit naman si Ariel at inalalayan si Anchelle. Nang makalabas ang huli ay nagmaneho na palayo ang estranghero.
Agad namang isinakay ni Ariel si Anchelle sa kotse nito. Inayos ng binata ang paglagay ng seatbelt sa kaniyang katawan nang bigla siyang nagsalita, "Akala ko iniwan mo na ako."
Napatitig si Ariel sa kaniya at iniisip kung nananaginip ba siya.
"Salamat at hindi mo ako iniwan, Ariel," muli nitong sambit habang nakapikit.
"Uuwi na tayo, An An. Lasing na lasing ka na."
"Bakit ka ba biglang nawala kanina? Akala ko iniwan mo na rin ako, e…."
Pinutol ni Ariel ang kaniyang pagsasalita, "Kaya ka ba sumama sa lalaking muntik nang gumahasa sa 'yo?" Mataman siya nitong tinitigan. "Hindi kita iniwan, An An. Bigla kang nawala sa paningin ko kanina dahil maraming babaeng humatak sa 'kin kaya hindi ko alam na sumama ka na pala sa manyak na lalaking 'yun! Paano na lang kung hindi ko kayo nakita bago kayo umalis? Paano na lang kung pinagsamantalahan ka ng lalaking 'yun? E 'di lalong magiging miserable ang buhay mo! Lalong mahihirapan kang bumangon!" sermon ni Ariel sa kaniya.
"Mahal mo ba ako, Ariel? Gusto mo tayo na lang?" wala sa sariling sabi niya at tila hindi narinig ang sermon ni Ariel sa kaniya.
Bigla namang nag-init ang pisngi ng binata sa sinabi niya. Pero agad ding binalewala ang narinig nito. Napabuntong-hininga na lang si Ariel sa kalokohang pinagsasabi niya.
"Lasing ka na. Uuwi na tayo!"
"Gusto ko ikaw 'yung ipapalit ko kay Jade kasi alam kong hindi mo ako sasaktan dahil mahalaga ako sa 'yo," parang sira pa rin siyang nagsasalita habang nakapikit pa rin ang kaniyang mga mata. "Pero kung ayaw mo, si Alex na lang, o kahit sino basta mapalitan ko agad 'yung hayop na Jade na 'yun!" patuloy niya sa pagsasalita.
Muling bumuntong-hininga si Ariel at pinaandar na ang sasakyan. Nakatuon ang paningin ng binata sa daan habang nagsasalita, "Rule one point fourteen, don't rush into another relationship. Kaya mong mag-move on nang mag-isa. Hindi mo kailangang gumamit ng tao para gawing panakip-butas. Hindi porke't nasaktan ka, e may karapatan ka na ring manakit ng iba. Ika nga, time will heal all wounds. Maghihilom din ng kusa 'yang sugat sa puso mo. Magiging maayos ang lahat, An An. Darating ang araw na magiging masaya ka ulit."
Ibinaling nito ang tingin kay Anchelle at napailing na lang nang makitang mahimbing na pala siyang natutulog habang humihilik pa.
Itutuloy...
Ito po ang mga naunang bahagi ng ating kuwento:
Bitter No More: Panimulang Bahagi
Bitter No More: Unang Bahagi
Bitter No More: Ikalawang Bahagi
Bitter No More: Ikatlong Bahagi
Bitter No More: Ikaapat na Bahagi
Bitter No More: Ikalimang Bahagi
Bitter No More: Ikaanim na Bahagi
Bitter No More: Ikapitong Bahagi
Bitter No More: Ikawalong Bahagi
Bitter No More: Ikasiyam na Bahagi
Bitter No More: Ikasampung Bahagi
Bitter No More: Ikalabing-isang Bahagi
Bitter No More: Ikalabindalawang Bahagi
Bitter No More: Ikalabintatlong Bahagi
Bitter No More: Ikalabing-apat na Bahagi
Ang schedule ko sa pagpo-post ng karugtong ng kwentong ito ay Lunes, Miyerkules at Biyernes kaya antabayanan na lang ang susunod na pangyayari. Kung hindi man ako nakapag-post sa nasabing schedule sa kadahilanang abala ako sa mga bagay-bagay, titiyakin ko namang habulin ang bilang ng ipo-post kong bahagi.
At para sa inyong mga komento at kuro-kuro, 'wag mag-atubiling ilagay ito sa comment box sa ibaba. Ako po'y labis na magagalak na mabasa ang komentong magmumula sa inyo. :D
Maraming salamat sa pagbabasa! :)
Narito po ang link sa lahat ng bahagi ng Bitter No More: Thank you!
Binge-reading ako ngayon ate @jemzem! Mahal na mahal ko na talaga si Ayel!!! Wooooh!!! Hahaha
Mahal ka rin daw niya mam @romeskie. Kaya ikaw na lang ipa-partner ko kay Ayel. Hehehehe. Charot :D