Tula #5: Late ka na Naman [Filipino Prose Poetry Series]

in #pilipinas7 years ago (edited)

Ito ang pang-limang paglalathala sa seryeng: "Tula".

Ano'ng bago?

Lagi namang nahuhuli, tulad ng pagsuyo ko.

Mabilis kaya akong tumakbo, lagi akong sumasali sa Milo marathon nung highschool days kasi required. Limang kilometro lang yon pero tinatapos ko ng kalahating oras lang o mas mabilis pa. Hindi tulad ng mga kaklase kong nilalakad lang kaya bago sila dumating sa finish line lagpas na isang oras. Gusto ko ngang tumakbo ng mas malayo pero mas malaki yata yung registration fee dun, hindi ko rin alam lahat ng detalye. Pero natutuwa ako, na naiinggit, pag nakikita ko yung mga kasali sa full marathon, tumatakbo pa rin para tapusin ang karera samantalang kaming mga kasali sa 5 kilometer run papauwi na, nakasakay na sa inarkilang jeep, o sa kotse ng magulang ng kabarkada.

Pero huli pa din, kahit kumaripas ako ng takbo nun oras na iyon, akala ko kasi aabot pa ako. Hiningal ako. Nanikip yung dibdib ko, pero hindi dahil sa kapaguran kundi sa pagkagulat. Huli na pala ako. May nakahawak na sa kamay mo. Kung tutuusin, mga isang buwan na pala akong huli. Napagtanto ko lang yan nung nalaman ko pagkatapos ng tatlong buwan na apat na buwan na pala nyang nararamdaman ang makinis na balat sa palad mo.

Ano nga bang bago? Ganyan naman lagi, kahit mas maaga ko pang i-set yung alarm clock sa utak ko huli pa rin akong magigising sa katotohanang ang pangarap ko, pangarap pa din. Ang kamay mo, kanya pa din. At ang kamay ko, eto naghihintay ng pagkakataong kumatok dyan sa pintuan ng bahay niyo. Itatanong ko lang sana sa'yo, kung maaari kitang ligawan, suyuin, kung may pagkakataon bang ako yung hahawak sa kamay mo habang naglalakad ka kasama ako. Kaya lang hanggang gate lang ako ng subdivision niyo. Hindi ako pinapapasok ng guwardiya kasi wala namang permiso galing sa'yo. O galing sa kahit sino.

Kaya ayun. Binilisan ko na lang ang takbo hanggang makasabay ako sa mabilis na takbo ng oras at ng panahon. Hanggang naiwan ko na lahat ng pinangarap. Hanggang makalimutan ko na minsan sa buhay ko, may isang pahinang nakasulat ang pangalan mo. Pangalan mo lang, walang pangalan ko, walang pangalan natin, kasi walang tayo. Tayo? Nakakain ba yun? Nakalimutan ko na din.

Patas naman di ba? Hindi na kita maalala gaya ng hindi pagsagi sa isip mo na dati ay nandon ako, handang ibigay ang mundo at ipatong sa palad mo para maramdaman ng makinis mong balat na ikaw lang din ang tanging bagay sa mundo ko na binigyan ko ng importansya.

Pero ayun, sa bilis ng takbo ko, nakalimutan ko na ang sumali pa sa mga marathon na kinahiligan. Nakalimutan ko na kung gaano kasarap yung pakiramdam na dahil ambilis kong tumakbo, hindi ako nahuhuli, hindi ako nagpapahuli.

Kaya ayun. Late na naman. Wala na kasi akong hahabulin. Wala na akong kamay na nais abutin. Kaya kahit gaano ko kaaga i-set yung alarm clock sa tabi ng higaan ko, huli pa rin akong magigising para sa pagpasok ko sa trabaho. Sa trabaho kong pampalipas na lamang talaga ng oras. Isang paraan lang para mabuhay ako. Paulit-ulit na routine, araw-araw.

Ano nga bang bago? Memo na lang yung nahahaplos ng palad ko.


Maraming Salamat!


Thank you so much!

Mga kababayan! Ang post na ito ay pagpapahayag ng aking intensyon na lumago pa lalo ang komunidad natin sa Steemit. Sinadya kong palalimin ang Filipino ko sa post na ito. Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga blog post na nasa sarili nating wika o mga wikang gamit sa Pilipinas (Bisaya, Ilokano, Bikolano, atbp.) na nagpapakita ng katangi-tangi nating kultura: kasama rito ang magagandang tanawin, literatura, sining, at kung ano pa mang pangkas na maiisip nyong isulat. Ilathala ito sa Steemit at gamitin natin ang mga tag na #pilipinas o #philippines. Pilipinas para sa mga post na nasa wika natin at Philippines para sa mga post na nasa Ingles. Kung maaari - maglagay ng pagsasalin sa Ingles.

Simula sa araw na ito, sa loob ng pitong araw o isang linggo, maglalathala ako ng pitong tula sa Steemit. Pindutin lamang ang 'Follow' upang sundan ang progreso ng initiative na ito. Marami akong nakikitang mga post na tinatangkilik at sinusuportahan kahit na nasa lokal na wika. Ipinakikita lamang nito na ang mga Pilipino ay may natatanging kakayahan na kinikilala hindi lang ng ating mga kababayan ngunit pati na ng buong mundo.

For my international readers, I apologize for I am unable to translate this literary work into English. It was written in Filipino and not all words and phrases work when translated - it may also lose its emotions if I try to translate it.
This is an original work authored by @deveerei, posted originally in Wordpress (View it here).
Photo used in the title banner "Late Ka Na Naman" is an image sourced from here.

Any comments? Thoughts about my piece? I'll gladly accept that on the comment box below! Have a great day Pinoys!


Tula #1: Huling Paalam
Tula #2: Adobo
Tula #3: Walang Laman
Tula #4: Pangakong Ikaw at Ako





Sort:  

Isa ka nang tunay na makata! hehe

Bow. Salamat!

Super relate @deveerei! Pero according to a study, if you're always late, you're probably more creative. Lol.

Creativity isn't that useful if you get terminated from being tardy nga lang. Hahaha!

Hahaha! Yun lang. Tapos when you run out of excuses, ang masasabi mo nalang, "I'm late because of who I am as a person" 🤣

Hahaha. Natawa ako dito.

Coin Marketplace

STEEM 0.19
TRX 0.18
JST 0.031
BTC 86390.02
ETH 3257.29
USDT 1.00
SBD 2.93