Tula #2: Adobo [Filipino Prose Poetry Series - Recipe inside]

in #pilipinas7 years ago (edited)

Ito ang ikalawang paglalathala sa seryeng: "Tula".


Untitled.png
by @deveerei | Orihinal na katha: Inilathala sa Wordpress

  • ‘Masarap’.
  • ‘Talaga?’.
  • ‘Oo, papasa na sa Sinigang’.

Ang ingay na naman ng alarm clock ko, araw-araw na lang siyang laging hindi matahimik. Buti sana kung hindi siya nakakaistorbo sa tulog ko… Pero ano pa nga bang magagawa ko? Eh, ako naman yung nagsabi sa kanya ng gisingin ako ng gantong oras.

Alas singko. Madaling araw pa lang. Wala pa yung araw, pero nagmamadali na syang silawin ako mula sa mga bintana ng aking silid.

Alas singko trenta. Tapos na akong magkape ng walang asukal kasi naubos na pala, tapos na akong maligo nang mabilisan, pang-militar, kasi ang ginaw talaga. Lumalamig na naman ba ang panahon? Anong buwan na ba lalamig ngayon, hindi mo na rin masasabi, iba-iba na rin yata kada taon. Wala nang matinong klima. Tapos nang magbihis, hindi ako puporma, kasi para sabihin ko sa nakababasa nito, mamamalengke lang ako.

Alas singko kwarenta’y singko. Andaming tao sa paligid, hawak-hawak kanya-kanyang nabiling tinda para sa kanya-kanyang lulutuin putahe para sa kanya-kanyang agahan, tanghalian, meryenda, at hapunan; kasi kanya-kanya naman talaga dito sa mundo.

‘Ano nga ulit yung rekado ng lulutuin ko?’, wala akong dalang listahan pero buti na lang may silbi yung internet at cellphone, madaliang tulong, sandaliang access lang.

  • Manok isang kilo
  • Suka isang pakete
  • Toyo isang pakete
  • Bawang isang buo
  • Paminta tres
  • Laurel limampiso
  • Buti pa yung listahan kumpleto

‘Magkano ho…?’, ‘Magkano ho…?’, ‘Magkano ho…?’, paulit-ulit.

‘Ale, yung limampisong laurel pwedeng dos na lang?’, bano pa kung tumawad.

Alas singko dagdagan mo ng animnapu. Alas sais. Pauwi na. Ang init na. Amoy palengke na. Luto-luto din pag may oras. Pero syempre tulog muna ulit…

Alas diyes ng umaga. Kumakalam na yung sikmura. Nakahanda na yung rekado. Bubuksan na lang yung kalan at isasalang yung kaldero tinatamad pa akong gawin.

‘Paano nga ba lutuin to?’, hingi ng tulog sa google.

  • Directions (English lang)
  • Combine the chicken thighs, vinegar, soy sauce, garlic, peppercorns and bay leaves in a large pot. Cover and marinate the - chicken in the refrigerator for 1 to 3 hours.
  • Bring the chicken to a boil over high heat. Lower the heat, cover and let simmer for 30 minutes, stirring occasionally. Remove the lid and simmer until the sauce is reduced and thickened and the chicken is tender, about 20 more minutes. Serve steamed rice.
  • Buti pa pagluluto may direksyon at patutunguhan.
    Alas onse na. Masunurin naman akong bata kaya nasundan ko naman ng maigi yung sinabi ng recipe. Masunurin naman akong matanda kaya sinunod ko rin yung tingin ko na mas ayos kung babaguhin ko dun sa recipe.

Puta, nalimutan kong magsaing, gutom na ako. Takbo na lang sa labasan at maghahanap ng mabibilhan ng lutong kanin. Ayos, meron.

Alas onse kinse. Kainan na.

  • ‘Sama naman ako dyan’.
  • ‘Sino ka?’
  • ‘Ako ang iyong konsensya’
  • ‘Bakit andito ka sa labas ng utak ko?’
  • ‘Kasi wala siya, kaya magtiis ka na lang na ang kasama mo ay si konsensya.’
  • ‘Sa kanya tong niluto kong adobo, wag kang makisawsaw. Nag-effort ako para lang maipagluto ko siya.’
  • ‘Talaga? Ang sweet mo, pero sinong sya? Asan sya? Wala namang ibang tao dito kundi ikaw, at ako, pero hindi ako tao. Pero kumakain ako ng adobo.’
  • ‘Hindi natin to pwedeng ubusin. Tumikim ka lang. Hahatian na lang kita sa ulam ko. Tutal konsensya naman kita, ikaw lang din naman ako.’
  • ‘Okay, sabi mo yan.’ (Sabay tikim sa adobo)
  • ‘Ano’ng lasa? Ayos ba?’
  • ‘Masarap’.
  • ‘Talaga?’.
  • ‘Oo, papasa na sa Sinigang’.

Alas dose. Tanghaling tapat. Walang masabi, hindi na kita kayang iangat. Sa pedestal ng puso ko. Sa manibela ng buhay ko.

Ala una. Pumapangalawa. Sumesegundo ang mundo sa pagsang-ayon na hindi ako sapat sa’yo. At nakakatawa, kasi wala naman akong ibang layon kundi ang maging tapat sa’yo.

Alas dos. Dumating din ang araw ng pagtutuos. Yung araw na pakakawalan natin ang isa’t isa sa pagkakagapos. Nasanay ako sa’yo at nasanay ka na sa akin. Nagsawa na tayo sa lahat pero nakakakapit pa din. Kahit duguan na mula sa lubid at tanikala ay ang isa’t isa’y pilit pa ring inaangkin.

Alas tres. Hindi ko alam kung hindi kita matiis o hindi ko na matiis.

Alas kwatro. Nakatulala na lang sa bawat sulok at dingding sa kwarto. Nabibingi na lang at rinding-rindi na sa katahimikan ng pagkawala mo. Ako yung bumitaw pero hindi mo ako kinapitan. Ako yung lumayo pero hindi mo ako nagawang habulin. Nawalan ako ng boses pero sumuko ka lang sa pagkausap sa akin. Unti-unti na akong nabubulag, wala na yata akong paningin at pagtingin.

Alas singko. Ng hapon, padilim na lang ng padilim. Nagbubukasan ang mga artipisyal ng palara ng mundo ngunit namamaalam ang araw na nagbibigay liwanag dito. Hindi ko na maipon pero wala akong balak itapon, memorya ng pag-iibigang may matamis at mapait na mga kahapon.

Alas sais. Ano ba talaga ang ating nais? Manatiling nakakapit sa palad ng isa’t isa at manatiling nakagapos sa pagmamahalang posible, kaya pa, pwede pa, pwede pa bang; ipaglaban. Marami na tayong labis, sa masaya at sa malungkot; marami na rin tayong pagkukulang, na unti na lang hindi na rin mahahakot.

Alas siyete. Iisa-isahin ko ang mga oras hanggang matanaw ka muli. Hindi lang yung simpleng ikaw, kundi yung ikaw na may tunay na ngiti.

Alas otso. Tila walang katapusan ang mundong malupit.

Alas nuwebe. Inabot na nang siyam-siyam hindi pa rin mapakali. Hindi na alam ang gagawin at mga susunod na hakbang. Hindi na alam kung ano pa bang mararamdaman o kung nakakaramdam pa ba.

Alas diyes. Isa at wala. Nagsama sila at nakabuo ng perpektong numero. Isa. Wala. Nang may bumitiw ay parang guguho.

Alas onse. Isang bilang na lang hatinggabi na. Andami nang nasayang at sinayang na oras, sinadya mang sayangin o hindi, wala namang pinagkaiba. Andaming oras na sana ginugol na lang sa pag-eensayo na magluto. Para kahit papaano sana’y yung adobo ko naglasang adobo.

Alas dose. Hinati ang gabi, ang kalahati ay sa nakaraan at ang natirang kalahati ay para sa kinabukasan. Hinati ang puso, ang nakaraan ay uulilain at ang kinabukasan ay walang katiyakan. Isang hakbang lang madaling araw na naman. Panibagong araw lang ngunit walang panibagong pagkatao. Walang panibagong buhay at walang panibagong kayo. Hindi na ako gigising ulit ng alas singko dahil patay na yung alarm clock ko. Wala nang mag-iingay at gagambala sa natutulog kong mundo. Hindi na ako mamamalengke kasi wala naman akong ipaghahain, kundi ang sarili at mga alaalang unti-unting magugutom sa pagkawala damdamin at ng pagmamahal, ng pag-ibig na galing sa’yo.

Hindi na ako magluluto ng adobong walang tamis at malapit nang maging ibang putahe. Adobong puno na ng pait ay matatawag mo nang papaitan. Hindi na magpupumilit na ipilit ang damdamin kasi dyahe. Kung yung putahe ko naman, puta he, ay puro kakulangan.

Sa ngayon, eto na lang yung pwede kong ipamalengke:

  • Puso isang kilo dinikdik
  • Luha isang bagsakang buhos
  • Tiwala isang basag na piraso
  • Pangako isang buong ipapako
  • Kataga tres, pero hindi ‘I love you’
  • Kundi ‘Paalam na Sinta’

Buti pa yung listahan kumpleto…


Maraming Salamat!


Thank you so much!

Mga kababayan! Ang post na ito ay pagpapahayag ng aking intensyon na lumago pa lalo ang komunidad natin sa Steemit. Sinadya kong palalimin ang Filipino ko sa post na ito. Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga blog post na nasa sarili nating wika o mga wikang gamit sa Pilipinas (Bisaya, Ilokano, Bikolano, atbp.) na nagpapakita ng katangi-tangi nating kultura: kasama rito ang magagandang tanawin, literatura, sining, at kung ano pa mang pangkas na maiisip nyong isulat. Ilathala ito sa Steemit at gamitin natin ang mga tag na #pilipinas o #philippines. Pilipinas para sa mga post na nasa wika natin at Philippines para sa mga post na nasa Ingles. Kung maaari - maglagay ng pagsasalin sa Ingles.

Simula sa araw na ito, sa loob ng pitong araw o isang linggo, maglalathala ako ng pitong tula sa Steemit. Pindutin lamang ang 'Follow' upang sundan ang progreso ng initiative na ito. Marami akong nakikitang mga post na tinatangkilik at sinusuportahan kahit na nasa lokal na wika. Ipinakikita lamang nito na ang mga Pilipino ay may natatanging kakayahan na kinikilala hindi lang ng ating mga kababayan ngunit pati na ng buong mundo.

For my international readers, I apologize for I am unable to translate this literary work into English. It was written in Filipino and not all words and phrases work when translated - it may also lose its emotions if I try to translate it.
This is an original work authored by @deveerei, posted originally in Wordpress (View it here).
Photo used in the title banner "Adobo" is from here.

Any comments? Thoughts about my piece? I'll gladly accept that on the comment box below! Have a great day Pinoys!


Tula #1: Huling Paalam





Sort:  

Ang ganda ng tula mo Sir.

Astig, nung una kala ko nakakatawa pero habang binabasa ko eh palalim ng palalim. Wala akong masabi :-)

Nakakalungkot isipin na minsan ang mga mahal natin eh pdeng pde tau iwan ng biglaan.

Masakit kasi hindi ka handa

pero mas masakit kasi mdmi kang tanong na hindi na masasagot.

Pag-ibig nga naman.

P.S.

Parehas kami tumawad ng character dyan lol

Ganun talaga sir - lahat naman ng aspeto ng buhay may ups and downs - di natin maiiwasan masaktan at manghinayang. Pero ang importante - bangon lang ulit!

Salamat!

To be honest, I have not understood anything you have written (except the English part), but the photo of the meal is just simply amazing. It looks so delicious from my windows screen. I have no doubts that the poem is great as well, haha. Keep it up!

Haha. I'm sorry about that, the poem is actually about being unable to cook for the one you love anymore - and more heartbreaking rants. Yes, that photo looks really delicious.

ay ginalingan na naman! haha ikaw na talaga! ipagluto moko niyan ahh

Haha. :) Galing ba? May 5 pang kasunod na Tula (pinagpipilian ko pa, parang di aabot sa 7, baka gumawa ako, tingin ko aabot pa rin - daming laman ng Wordpress ko).

Masarap ba ako magluto ng Adobo? Di ko alam e.

Adobo pa morrre. 😂😂😂

:)))) Ayaw mo?

Astig! Wala na akong masabi!!!

Hoho. Salamat. Hindi astig - malambot ako magluto ng adobo. ;)

Ganyan magluto ang isang makata! Hehehe... galing mo @deveerei, ikaw na!

Maraming salamat sa pagtangkilik. Abangan ang mga susunod na katha. ;)

Sarap nyan kakagutom!

Luto ka po.

Haha papaluto na lang ako.para siguradong masarap.

Paluto ka kay Ser Chef. XD

Katuwa basahin, galing. :)

:))) Salamat!

Coin Marketplace

STEEM 0.19
TRX 0.18
JST 0.031
BTC 86390.02
ETH 3257.29
USDT 1.00
SBD 2.93