Tula #3: Walang Laman [Filipino Prose Poetry Series - A Short Story]

in #pilipinas7 years ago (edited)

Ito ang ikatlong paglalathala sa seryeng: "Tula".


1.png
by @deveerei | Orihinal na katha: Inilathala sa Wordpress

‘Tao po’, bakit kaya walang tao sa tindahan. Nagugutom na ako wala pang panghapunan.‘Pagbilhan po’, kumukulo na yung tiyan kong kaninang umaga pa walang laman.

Umaga na pala, ang ingay na nung manok sa labasan. Tandang ng lolo ng kapitbahay naming si Nathan. ‘Ang sarap barilin, ang aga-aga tilaok nang tilaok!’, sabi ko pero naalala ko bigla wala nga pala akong baril, kahit baril-barilan, wala. Napilitan akong bumangon, madilim pa sa labas. Bukang-liwayway. Ang ganda ng sinag ng araw mamaya pero ayaw kong abutan, gusto ko pang matulog, kukuha lang ako ng inumin tapos babalik na’ko sa panaginip ko, mahuhuli ko ng yung huling Pokemon pag nagkataon.

Nangyari nga ayon sa plano, pagkainom ko ng tubig bagsak ulit ako sa kama. Hindi ko nabaril yung manok ng kapitbahay namin pero tumigil din naman siya, napagod na siguro. Baka narealize nyang mapapatay ko siya pag patuloy pa siyang nag-ingay. Tanghali na nung bumangon ako. Ang sakit sa ulo, masyadong mahaba yung tulog ko pero parang kulang pa din. Lagpas labindalawang oras pero bitin na bitin. Tatlong araw na tulog yata ang kailangan ko nito.

Walang almusal kasi tanghalian na. Pero walang laman yung pridyider kasi wala akong binili. Tamad akong lalabas ng pintuang ito at tamad akong maghahanap ng pagkain sa labasan. Lutong ulam. Andaming pagpipiliang nagtitinda pero wala kang pagpipilian sa lasa nila, lahat maalat, lahat perpektong sinigang kung sinigang yung luto pero hindi.
‘Teka ba’t ang dilim?’, pagkabukas ng pintuan, nasabi ko yan. Tanghali na dapat, sabi ng relo ko. Sabi rin ng telepono. Sabi rin ng orasan na nakapako sa dingding.

‘May eclipse?’, bigong tanong kasi wala naman. May araw sa langit pero madilim ang paligid. Akala mo labas sa photoshop yung nakikita ko. Maliwanag yung kalangitan, karaniwang tanghaling kaunting kaulapan lang ang tanaw at mataas ang araw, hubad ang asul na langit. Pero madilim ang lansangan, walang ilaw ng bagong kabit na LED lights mula sa mga poste sa bawat kanto. Walang ilaw yung mga kabahayan sa lahat ng sulok.

‘Astig to’, pero parang nakakatakot.

Wala yung manok ng kapitbahay namin. Andoon pa yung tali niya pero wala na siya dun. Walang ring senyales na may bumaril sa kanya dahil sa kaingayan niya.

May naglalakad papalapit sa akin, dahil nga madilim hindi ko masyadong maaninag. Medyo kasingtangkad ko lang, fit ang damit, nakaboxer at tsinelas. Si Nathan siguro. Si Nathan nga.

‘Uy pre, brownout ba? Pero ang weird, nananaginip pa yata ako. Bakit ganto yung paligid?’, tanong ko sa kanya, tanong ko din sa sarili ko. Bakit parang zombie mode maglakad yung papalapit sa akin. Puyat ka din ba? O groggy lang? ‘Putsa’.
‘Pwede ba kitang tikman?’, nagsalita bigla si Nathan kahit may kagat siyang kamay sa bibig niya.

Hindi ko alam kung ano’ng magiging reaksyon ko. Zombie apocalypse na ba ito o demonyo lang ang nasa harapan ko? Isang halimaw. Isang kathang isip na hindi dapat nagiging totoo.

Hindi na ako nakasagot. Hindi na ako sumagot. Wala akong sagot. Huminto ang paligid. Dumilim ang paligid. May tumawag sa pangalan ko. Tumugtog ang Spoliarium ng kamatayan ko.

Tamad akong aalis sa mundong ito. Tamad akong papasok sa pintuan ng kamatayan patungo sa kung saan. Haharapin ang kung ano.

Mabilis siyang lumusob papunta sa akin, isang dating kaibigan ngayon ay pagkain ang tingin sa akin. Ramdam ko ang pagkagat nya sa aking braso at parang may kung anong lason ang dumaloy mula sa sugat na nilikha nito. Isang malakas na hila ng kanyang panga at natulala sa nakita. Kagat-kagat pa rin nya ang kaliwang braso ko, pero wala na sa pagkakakabit sa akin, sa katawan ko, naputol, pinutol ni Nathan. Napasigaw ako.

‘Aaaaaaaaaaaahhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!’, mahabang sigaw, malakas na sigaw. Unti-unting naglaho ang boses ko. Unti-unting nagliwanang ang buong paligid, nagkaroon ng ilaw ang mga bahay, ang mga poste, nagsi-sindihan ang mga telebisyon sa loob ng mga bahay at nagsitutok sa iba’t ibang palabas at patalastas. Ngunit kasabay nito ay unti-unting nagdilim ang kalangitan, gaya ng natanaw kaninang bukang liwayway, hindi, takipsilim na. Humihiwalay na ang mundo sa araw at makikipagtalik na sa gabi. Lilikha ng panibagong mga bituin sa dilim ng kalangitan.

Unti-unting nagdilim ang paningin ko at kasabay nito ay isang ngiti ang nabuo.

‘Alam ko na’, maghahanap ako, hindi patas na ako lang, hindi patas na hindi maranasan ng iba ang isang pambihirang pagkakataon tulad nito. Pareho na kami ni Nathan. Hindi, higit ako sa kanya, tama, mas magiging mapait ang karanasan ng unang taong makasasalubon ko. Hindi ko siya titikman lang. Hindi lang isang parte ng katawan nya ang aalisin ko. Kundi lahat, wala akong ititira. Uubusin ko lahat ng pwede kong ubusin.

‘Tao po. Naghahanap po ako ng hapunan’…


Maraming Salamat!


Thank you so much!

Mga kababayan! Ang post na ito ay pagpapahayag ng aking intensyon na lumago pa lalo ang komunidad natin sa Steemit. Sinadya kong palalimin ang Filipino ko sa post na ito. Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga blog post na nasa sarili nating wika o mga wikang gamit sa Pilipinas (Bisaya, Ilokano, Bikolano, atbp.) na nagpapakita ng katangi-tangi nating kultura: kasama rito ang magagandang tanawin, literatura, sining, at kung ano pa mang pangkas na maiisip nyong isulat. Ilathala ito sa Steemit at gamitin natin ang mga tag na #pilipinas o #philippines. Pilipinas para sa mga post na nasa wika natin at Philippines para sa mga post na nasa Ingles. Kung maaari - maglagay ng pagsasalin sa Ingles.

Simula sa araw na ito, sa loob ng pitong araw o isang linggo, maglalathala ako ng pitong tula sa Steemit. Pindutin lamang ang 'Follow' upang sundan ang progreso ng initiative na ito. Marami akong nakikitang mga post na tinatangkilik at sinusuportahan kahit na nasa lokal na wika. Ipinakikita lamang nito na ang mga Pilipino ay may natatanging kakayahan na kinikilala hindi lang ng ating mga kababayan ngunit pati na ng buong mundo.

For my international readers, I apologize for I am unable to translate this literary work into English. It was written in Filipino and not all words and phrases work when translated - it may also lose its emotions if I try to translate it.
This is an original work authored by @deveerei, posted originally in Wordpress (View it here).
Photo used in the title banner "Walang Laman" is an original art by @deveerei.

Any comments? Thoughts about my piece? I'll gladly accept that on the comment box below! Have a great day Pinoys!


Tula #1: Huling Paalam
Tula #2: Adobo





Sort:  

Good job Dev!
Upvoted

check your wallet ^_-

Thanks so much Gil. You are an awesome friend. Glad I've met you here.

:)

^_- virtual hugs! more than one yan ahh lol

An amazing poem from an amazing person.

Akala ko simpleng kwento lang ng kahirapan tas naging science fiction, galing mo talaga master.

Kakabitin ung dulo Sir, sana may kasunod pa :-)

Cheers!

Thanks sir @rye05. Medyo hindi ako nakakapagsulat ngayon e. Pag may time - sana makasulat ulit ng mga bago.

Yeah, looking forward to it Sir @deveerei, di ko pa nababasa ung 4th, I'm sure patok ulit un, so far eto ung favorite ko sa 3 kasi my science fiction, thrilling

Coin Marketplace

STEEM 0.16
TRX 0.15
JST 0.028
BTC 54642.70
ETH 2317.98
USDT 1.00
SBD 2.33