Literaturang-Filipino: Ang Bulag na Batas

in #literaturang-filipino6 years ago (edited)

Ang Bulag na Batas


isang maikling kwento tungkol sa kabiguan (bilang ng salita: 493)



Larawan ay galing sa pixabay.com


“Tuwid at tapat.
Yakapin ang katuwiran sa tuwina habang tangan ang iyong tabak sa tagiliran.
Ang batas ay patas, lubos at hindi madadaig.

Ang tama ay tama. Ang mali ay mali.”

Sa pangaral ng aking ama, naitaga sa puso ko ang imahe ng pinuno na gusto kong abutin. Isang pinunong tapat at patas, tinatangi at ipinagmamalaki ng bawat isa sa tribo. Para sa aking bayan at para sa aking pamilya, nagaalab ang aking resolusyon.

Batas ay batas; tama ay tama; mali ay mali.


“Ama, marahil nakarating na sa iyo ang balita … Hindi ko man ninais pero nakapgdulot ako ng matinding pinsala kay Madiwa sa paligsahan namin sa eskrima kanina …”, paunang bulalas ng aking nagiisang anak na si Duma.

“Ngayo’y di na sya nakakakita ... Kung maari’y sa iyong kamay mapatupad ang hustisya.”, buong tapang na pag-amin ng aking anak kasabay ng pagabot sa akin ng kanyang punyal. Tumango ako’t tumangis. Malupit ang ama na mamanakit sa kanyang anak subalit mas masahol ang pinunong hindi aayon sa batas.

Lumipas ang ilang buwan gumaling at nanumbalik ang paningin ni Madiwa. Samantalang ang katapatan ng aking anak ay humantong sa pang habang buhay na kadiliman.


“Irog ko … “, masalimuot na bungad ni Mayari, ang aking liwanag at pagibig.

“Naidulot ko ang pinakamatinding pagkasasala na maaring gawin ng isang kabiyak ...“, umiiyak na isinilaysay ng aking irog ang mga pangyayari. Sa buong pagkakataon ay yapos ko sya ng mahigpit habang ang diwa ko’y matulin na nagiisip. Tunay ngang nagkasala si Mayari ngunit mapapahintulutan ko ba na masktan ang aking mahal gaya ng nangyari sa aking anak? Alam ko ang sagot ay “Oo”. Ang batas ay batas pero ...

“Irog ko.”, bulong ko sa kanya kasama ng hiling sa kanyang pagtahan. “Ang iyong pagkakamali ay sa akin. Ang kailangan lang ay maging patas. Ang iyong sala ay sya ring aking magiging sala.”

Wala na akong inibig at iibigin pa bukod sa aking nagiisang irog. Ngunit yaong pagibig na iyon ang syang nagtulak sakin sa pinto ng aming tagapagsilbi na si Adana, sa gitna ng gabi.


Lumipas ang maraming taon at gumising ako sa pinakamatindi, pinakamalupit at … pinakamadugong … pagkakahati ng aming tribo.

Sa isang panig, ang aking anak na si Duma. Bagama’t bulag ay punong puno ng tikas, talino, at tapang. Lahat ay namamangha sa kanyang husay, maliban na lang kay Apolaki sampu ng kanyang mga kapanalig. Si Apolaki, ang bunga ng isang gabing pinamtubos ko sa kasalanan ng aking irog.

Mainam ba na hindi ko nilaslas ang kinang ng mga mata ng aking anak?
Marapat ba na hindi ako nakisiping sa babaeng hindi kailanman naabot ang aking puso kahit sa rurok ng kabaliwan?

Kung hindi ba ako naging lubos na bulag sa batas …

Subalit wala ng saysay magmuni pa. Mahigpit kong hawak ang aking tabak, handang ipaglaban ang naayon sa batas. Ang tama ay tama. Ang mali ay mali.

Ngayon’y saksi ako sa pagkawasak ng aking tribo - ang pinakasaklap kong kabiguan.

~ Wakas ~


Karagdagang Pagmumuni


Ang may-akda ay naniniwala na ang isang tao ay tunay na makakaranas ng kabiguan sa oras na itakwil nya ang isang tao, bagay o ideyalohiyang lubos nyang pinahahalagahan. Ang pangunahing tauhan ba ay nabigo dahil sa pagkawasak ng kanyang tribo? O hindi? Dahil sa huli nanaig pa rin sa puso't diwa nya ang pagsunod sa batas?

Tinampok ang kwentong ito sa lumang panahon upang bigyan ng mas maiging pansin ang "bulag" na mga idealohiya, kung saan ibang iba sa modernong konteksto. Wala sa layunin ng akda ang kahit anupamang komentaryo paukol sa mga kasalakuyang paksa.


Ang akdang ito ay orihinal at ginawa para sa paligsahan ng literaturang Filipino sa pangunguna ng @steemph.cebu. Lubos ang aking pasasalamat sa bumubuo at nakaisip ng patimpalak na ito para sa pagkakataong at inspirasyong naibigay sakin upang magsulat muli sa sariling wika.

pahabol: Maraming salamat sa steemph.cebu sa pagkilala sa aking akda at pati na rin sa gantimpalang 5 SBD. Mabuhay po kayo!


Sort:  

Grabe si Jazz oh! Ibang klase napa travel ako bigla sa isang magulong tribo dahil dito.

Salamat sa pagbabasa @tpdkidkai :D Puro kaguluhan na lang nga talaga ang naitampok ko sa kwento haha.

Ilabas ang mga tabak! Susugod na tayo sa kabilang tribo.


Yung mga pangalan na ginamit Filipino na Filipino. Kung di lang kami nanood kagabi ng Bagani sa channel 2 iisipin ko po na si Mayari ay taga bayan ng Taga Laot.

Maraming salamat sa pagbasa at pagtampok ng aking akda sa @tagalogtrail :)
Makapanaod nga din ng Bagani pag nagkaoras hehe

Sige po 9:00 PM po iyon sa channel 2 pagkatapos ng Probinsyano ni Coco Martin.

Kapamilya advertising @tagalogtrail? lol. Noted and thanks!

Hindi po @jazzhero, hindi nila ako nabayaran para sa advertising ng show nila pero bukas may marathon ang Bagani sa KBO 30 pesos lang na load sa ABS-CBN TV plus solve na po ang weekend nyo.

Bat ngayon ko lang to nabasa?

Ang galing! The message is strong and clear! Would love to read more of your works bro. 😍😍😍

Thanks for reading sis Maine :) It's not true-to-life but I ponder on these things sometimes. Hehe.
Glad the message was received. And likewise, sis, I'm always happy to read your work.

Nakakaiyak tuuuu!

Aside sa di ko maabot ang lalim ng Tagalog mo, ramdam ko talaga yung mensahe na gusto mo ipaabot. Story is well-narrated, pinag isipan ang concept at theme. Characters are intact, very realistic. Manner and language is excellent. Galiiiiing!!!!

PS:
Minsan lang ako ma impress sa Tagalog works kasi rare yung "wow" effect sa kin. But this one is one the few Tagalog reads in Steemit na sobra humanga ako.

Kala ko dati galing ko na rin sa Tagalog. Napahiya ako nung mabasa ko tu. hahah!

Salamat sa mainit na pagtangkilik sa aking akda. At tunay na nakakagalak ang iyong papuri, bagama't ako'y naniniwala na hindi ito ako karapat dapat :D

Hindi ko na mamaintain ang purong tagalog. Hehe. Salamat sa pagbabasa @valerie15, solve na ko sa comments nyo ni TP (although welcome pa ang mas maraming feedback). Salamat sa pag-appreciate, medjo hinugutan ko ng unti yun topic ng "pagkabigo" at yan ang lumabas.

This is a beatifully sad story, thanks @jazzhero, 'luv it :)

@ending: Feels ko nabigo pa din si chief. (1 - pagbulag kay Duma, 2 - price for wife), he did "legally lawful" things na against sa kanyang moral instincts as a father & asawa. Overall great combo ng conflicting reason + emotions :'(

Salamat sa pagbabasa ng aking kwento @raiserxn.
Tumpak ang iyong sagot :) Nabigo ang tauhan sa kwento dahil nabulugan sya sa kung ano ang tunay na mahalaga sa kanya - ang kanyang tribo at pamilya, at hindi ang batas. Nakakatuwa at nakuha mo ang mensahe bagama't pinaikli ko ng husto ang kwento para sumapat sa 500-salita na limitasyon :)

May mga hindi nakikitang salita ang nakasulat sa gitna ng mga linya. Sakto lang ang 500-words limitasyon. GJ!

Tito @jazzhero permission po na ipost ko tong gawa nyo sa FB page ko po.


shameless plug:

Mayroon na pong FB page si @tagalogtrail follow nyo din po sya sa facebook para sa mga Likhang Steemit

Oo ba. Salamat sa pa-feature , Toto. Ila-layk ko rin ang FB page mo. :D

Yehey salamat tito jazz

Congratulations @jazzhero! You have completed some achievement on Steemit and have been rewarded with new badge(s) :

Award for the number of upvotes received

Click on any badge to view your own Board of Honor on SteemitBoard.
For more information about SteemitBoard, click here

If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

Upvote this notification to help all Steemit users. Learn why here!

Coin Marketplace

STEEM 0.20
TRX 0.13
JST 0.030
BTC 67271.13
ETH 3515.41
USDT 1.00
SBD 2.70