Magkarugtong (Ikalawang bahagi) | Desisyon

in #tagalogtrail6 years ago

image

Narito ang unang bahagi: Ang Mama Namin

Ang Nakaraan...

"Karina..." Nahintakutan si Marga nang makapa ang dugong umaagos sa kaniyang hita. "Mark! Diyos ko po! Dinudugo si Marga! Dumeretso na tayo sa ospital!" Kahit ayaw niyang ipakita ang pagkataranta ay lumabas pa rin sa kanyang boses na nahihintakutan siya sa kaniyang nakikita. Unang trimester pa lamang ng pagbubuntis ng kaibigan at napakahaba ng binaybay nilang byahe. Dali daling minaniobra ni Mark ang sasakyan patungo sa ospital.

Marla?

Kakaibang katahimikan ang naririnig ni Marco habang ang mga mata'y nananatiling nakapikit. Nararamdaman niya ang banayad na haplos ng malamig na hangin na siyang ikinagulat niya. Bigla soyang napadilat at bahagyang nasilaw sa liwanag na sumalubong sa kaniyang paningin. Nasa labas ako ng tiyan ni Mama? Oras na ba? Pero parang sandali pa lamang akong namamalagi roon. Gulong-gulo ang isipan niya at hindi niya maunawaan ang nangyayari.

image
Pinagkunan

"Gising ka na pala, hijo. Ang cute mo habang natutulog." Bati ng mabining boses sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit pero tila napakagaan ng kalooban niya sa babaeng may malambot na kamay na malambing na hinahaplos ang kaniyang pisngi. "Kamukhang-kamukha mo ang tito Mark mo. Panigurado magiging kasing pilyo ka niya paglaki mo," buong giliw nitong sambit sa kaniya habang punong-puno ng pagmamahal na nakangiti sa kaniya. Parang may naaninag siyang namumuing mga luha sa mga mata nitong nangingislap sa tuwa sa pagkakakita sa kaniya.

Tumingin siya sa paligid. Nasa ilalim sila ng isang napakalaki at mayabong na puno na di niya mawari kung ano pero hitik na hitik ito sa bunga na hindi niya rin alam kung ano ang pangalan. Napalilibutan sila ng malalambot na damo na tila nag-aanyaya na siya'y tumakbo at magpagulong-gulong dito. May batis na ubod ng linaw ng tubig na kakikitaan ng sangkatutak na mga isdang tila nakikipaglaro sa isa't isa. Nagdadamihan din ang mga makukulay na bulaklak na iba't ibang klase ang ganda at halimuyak. Maliwanag ang langit na may manaka-nakang ulap na paminsan-minsan at itinatago ang araw. Muli siyang tumingin sa babaeng may malambing na tinig. "Kumain ka, Marco. Gusto mo ba ng sandwich? Mayroon din tayong juice. Halika at baka gutom ka na."

Hindi niya pinansin ang mga sinabi nito. "Sino po kayo at bakit po kilala niyo ako? Nasaan po ba ako?" Bahagyang natigilan ang babae bagama't hindi pa rin nawawala ang nakahahalina nitong ngiti sa maninipis at mapula nitong labi. Parang sumasayaw ang mahaba nitong buhok habang marahang hinahampas ng hangin. Hinawakan siya nito sa kamay at iginiya na umupo siya sa tabi nito. Nag-aalinlangan man ay lumapit na rin siya. "Ako ang iyong Lola Martha. Mama ako ng mama mo," tumingin uli ito sa kanya at ngumiti saka nagpatuloy sa pagsasalita. "Hindi ko sila naalagaan noong ipinanganak ko sila. Nahirapan kasi ako manganak kaya sinundo ako ni Papa G. Mamaya, ipakikilala kita sa kaniya. Kaya kumain ka para makagayak na tayo," parang excited si Lola Martha kaya napakain na rin siya ng iniabot nitong tinapay na may palamang keso.

Nang mailigpit na ni Lola Martha ang pinagkainan ay giniya na siya nito papunta kay Papa G. Hindi niya alam kung sino ang tinuturing ng lola pero wala naman siyang ibang pagpipilian kaya sumama na rin siya.

image
Pinagkunan

May isang malaking tarangkahang ginto na kumikinang sa ilalim ng sikat ng araw siyang nakita sa di kalayuan. "Magandang araw Kuya Pedz! Ang apo ko nga pala," buong pagmamalaking pagpapakilala ni Lola Martha sa kanya. Hindi siya tiningnan ni Kuya Pedz dahil abala itong maglipat-lipat ng pahina sa librong hawak nito. "Wala naman ang pangalan ng apo mo rito, Martha. Alam ba ni Papa G ang pagdating niya?" saka pa lamang nito inalis ang mata sa aklat at mataman siyang tiningnan. "Alam ni Papa G ang lahat at may iba siyang plano sa batang ito. Kakausapin pa muna siya ni Papa G," kumindat pa si lola Martha nang makahulugan sa tagabantay bago sila nito pinayagang makapasok.

Nang makalampas sa tarangkahan ay dere-deretso ang mag-lola sa isang malaking pintong kasing puti ng mga ulap. Awtomatikong bumukas ang malaking pinto at bahagya pa siyang nasilaw sa sobrang liwanag sa loob. Nang makabawinsa pagkasilaw ay may naaninagan siyang lalaking nakaupo sa pinakadulo ng malaking kuwarto. Napakaamo ng mukha ng lalaki at tila ba nakawawala ng kahit na anong alalahanin. Nakalimutan niya ang pag-aalinlangan, takot at pag-aalalang nararamdaman niya kanina pa mula nang mapunta siya sa kakaibang lugar na iyon.

"Marco, anak! Halika at mayroon tayong pag-uusapang mahalagang bagay. Sandali na lang ang mayroon tayo pero depende pa rin naman sa sagot mo, siyempre," kagalang-galang at ma-awtoridad ang boses nito na kung hindi lamang sa magiliw nitong tono at nakahahawang ngiti ay mahihintakutan ka dahil dumadagundong sa bawat sulok ng kuwartong iyon ang tinig nito.

Tumingin siya sa kanyang Lola Martha, hindi tiyak kung humihingi ba ng permiso o ng tulong. Tumango lamang ito sa kanya bilang panghihikayat na lumapit siya kay Papa G. Nang kaharap niya na ito ay tumambad sa kaniya ang isang lalaking may mahaba at maputing buhok at balbas. Balingkinitan ang pangangatawan na nababalutan ng puting-puting roba. Mukhang masayahin ito dahil sa nangingislap nitong mga mata na wari ba ay nakangiti parati kahit hindi kita ang mga labi dahil natatakpan ng makakapal ma bigote at balbas.

Seryoso itong nakatingin sa bintana kung saan makikita ang mga doktor at nars na nakapalibot sa isang babae. Abalang abala ang mga ito na tila ba may emergency. "Anak, marami akong magagandang balak para sa iyong kakambal at sa iyong ina. Masyadong marami siyang pinagdadaanang hirap at pasakit ngayon," bahagyang nawala ang ngiti nito at bumaling sa kaniya. "May nakalaan din ako para sa iyo Marco. Pero sa ngayon ay kailangan mong mamili."

Tumingin ulit siya sa kaniyang lola na buong tiyagang naghihintay na matapos ang kanilang pag-uusap. Hindi ko po alam kung ano ang pipiliin. Sa atin pong dalawa, di hamak po na kayo ang mas nakaaalam dahil ni hindi ko pa po nakikita ang mundo sa labas ng tiyan ni Mama," buong katapatang sagot niya kay Papa G. Napahalakhak ito sa tinuran niya. "Gusto ko itong apo mo, Martha. May angking dunong at kababaang-loob," pagdaka'y tumingin ulit ito sa kanya na tila ba hinihintay ang susunod niyang sasabihin.

Hindi niya maunawaan kung bakit nito hinihintay ang desisyon niya. Ito marahil ang sinasabing freewill. Hindi niya alam kung ano ang pipiliin. Isa lamang siyang fetus na tatlong buwan pa lamang naglalagi sa sinapupunan ng kaniyang ina subalit napakabigat ng gustong ipapasan ni Papa G sa kaniya ngayon.

Muli ay tumingin siya sa kaniyang Lola Martha. "Kayo po ang mas nakaaalam, Papa G. Sundin po natin ang inyong plano. Mayroon lamang po akong isang hiling," buong kaseryosohang turan ni Marco. Tila lalong humanga si Papa G. sa kaniya. "Ano iyon, anak?" Ibinulong ni Marco ang kaniyang kahilingan. "Maliit na bagay, anak! Pwede nating magawan ng paraan iyan!"

Niyakap siya ni Papa G. at inihatid pa siya nito sa tarangkahan. Niyakap niya rin ang Lola Martha niya bago nagpaalam.


Marco? Marco?! Nasaan ka na? Natatakot na ako. Iyak nang iyak si Mama. Hindi ko alam ang gagawin.

Diba sabi ko sa'yo yakapin mo lang si Mama? Nandito lang ako. Huwag kang mag-alala. Magiging maayos din ang lahat.

Pinag-alala mo ako! Huwag mo nang uulitin yun ha!

Sorry na. Di na mauulit. Nandito na nga ako, di ba? Tsaka diba sinabi ko naman sayo, kahit anong mangyari, magkarugtong tayo.


••.•´•.••ITUTULOY…••.•´•.••

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  



See your post featured here by @johnpd on Monday Short Stories & Poetry, a community curation initiative by @SteemPh.

If you would like to support the Steemit Philippines community, please follow @SteemPh.Trail on SteemAuto

Coin Marketplace

STEEM 0.21
TRX 0.14
JST 0.030
BTC 69247.12
ETH 3346.07
USDT 1.00
SBD 2.75