Magkarugtong (Unang Bahagi) | Ang Mama Namin

in #steemph6 years ago

Marahang inilapag ni Marga ang bag sa lamesa at pasalampak na naupo sa sofa. Tahimik niyang minasdan ang buong kabahayan. Maliit lamang ang kaniyang inuupahang apartment. Pagpasok mo sa pinto ay bubungad sa iyo ang munti niyang kusina na ngayon ay hindi na gaanong nagagamit dahil ayaw niyang magluto para sa isang tao lang. Sa bandang kaliwa ng pinto ay tila nag-aanyaya ang kaniyang may kalumaan nang maliit na sofa. Matagal niya na itong gustong palitan dahil nakikitaan niya na ng pagkabakbak ang itim na leatherette nito. Sa gilid nito ay makikita ang kaniyang malit na bookshelf na nagsilbing dibisyon ng sala at kuwarto. Hindi nito lubusang naitatago ang kaniyang kama na dati-rati ay daratnan niyang magulo ngunit ngayon ay maayos na nakasalansan ang mga unan at kumot.

IMG_20180903_101942.jpg
Pinagkunan

May kirot siyang nadama sa kaibuturan ng kaniyang puso. Mag-iisang buwan nang hindi umuuwi si Rodney simula nang nag-away silang magnobyo.

"Hindi natin pwedeng ituloy yan! Hindi mo pwedeng ituloy yan!" Mariing sabi ng kaniyang nobyo na ikinagitla niya nang labis. Pinakita niya rito ang resulta ng pregnancy test isang umaga habang sila ay nag-aalmusal. Sinamantala niya ang pagkakataon dahil iyon na lamang ang oras na magkasama silang dalawa. Halos para na silang tag team sa bahay na iyon. Uuwi siya ay aalis naman ito. Matutulog pa lamang siya ay kagigising lamang nito. Panggabi siya, pang umaga naman ito.

Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng lalaki. Hindi niya lubos akalain na ganoon ang magiging reaksiyon nito. Tatlong taon na silang magnobyo at mahigit isang taon nang nagsasama. Pareho silang may trabaho at may ipon naman siyang sapat para suportahan at ipagpatuloy ang kaniyang dinadala. Pero hindi niya inaasahan ang ganoong klaseng reaksiyon ng kaniyang nobyo.

"Please Marga. Hindi pa ako ready. Hindi ko alam kung kaya ko nang maging tatay." Sa narinig ay nagpupuyos siya sa galit. "Ang kapal ng pagmumukha mo! Ang laki mong tao, napakaduwag mo! Sana inisip mo 'yan 'nung sarap na sarap ka sa paggawa nito! Sana nag-ingat kang mamamatay tao ka!" Kung ano ang mahawakan niya ay ibinabato niya rito. Kumirot ang kaniyang puson. Natakot siya sa naramdaman niyang iyon. Kuyom ang palad at seryoso ang boses ay kalmado niyang pinaalis ang nobyo. "Lumayas ka. Lumayas ka hangga't may kapiraso pa akong respetong natitira sa iyo. At huwag kang babalik hangga't hindi mo nare-realize ang gusto mong ipagawa sa akin!"


Marco, ang tapang pala ni Mama, ano?

Oo naman! Sigurado akong hindi niya tayo pababayaan Marla.

Nagugutom na ako. Hindi pa ba tayo kakain? Kanina ko pa gusto ng spaghetti. Yung naamoy ko doon sa dinaanan ni Mama kanina.

Ako man. gusto ko na rin nung kinakain niyang maliliit. Teka, ipaalala natin kay Mama na kumain na siya.


Kumalam ang sikmura ni Marga na siyang nagbalik sa kaniyang kamalayan sa kasalukuyan. Inilabas niya ang Jolly Spaghetti na siyang kinatatakaman niya nang husto. Bukas na ang talipapa kaninang pag-uwi niya kaya't nakabili rin siya ng kiyat. Takam na takam siya palagi sa pagkaing iyon. Mas gusto niyang pagsabayin sa bibig niya ang prutas at ang spaghetti, tila ba kinikilig siya sa tuwing malalasahan ito. Pansumandali ay nawala sa isipan niya ang duwag at iresponsable niyang kasintahan.


Marco, bakit tayo umaalug-alog? Nahihilo ako.

Kalma ka lang diyan. Pupunta na si Mama kay Lolo. Ibabalita niya na tayo! Matulog ka na muna riyan. Ikukuwento ko na lang sa iyo kung ano ang maririnig ko.

Ang daya mo kasi. Dapat pareho tayong nariyan sa pwesto mo para pareho nating naririnig yung mga nasa paligid ni Mama.

Mas mainam nang nariyan ka lang Marla. Para tanging ang tibok ng puso ni Mama ang naririnig mo. Sige na, matulog ka na.



Pinagkunan

Abot-abot ang kaba sa dibdib ni Marga habang binabaybay nilang magkaibigan ang daan patungo sa bahay ng kaniyang ama. Mabuti na lang at sinamahan siya ng kaibigang si Karina para ipag-drive siya. Isa sa mga ka-batch niya ang dalagang titibo-tibo. Maganda naman ito at maganda ang hubog ng pangangatawan ngunit lagi ay mailap ang mga lalaki sa kaniya. "Salamat sa pagsama bes, ha. 'Di mo naman kailangang gawin to. 'Di naman ako galit sa'yo eh," nakangiting turan niya habang kita niyang nahihirapan ang kaibigan sa pagmamaniobra ng sasakyan sa lubak-lubak na kalsada. "Anu ka ba bes, hindi ko naman sinisisi ang sarili ko sa pagkakabuntis mo. Nireto ko lang kayo sa isa't-isa, kayong dalawa ang gumawa diyan kay Junior," nakangisi nitong saad. Ibinalik nito ang mata sa daan. "Kaya huwag kang mag-alala. Gusto lang talaga kitang samahan. Nag-eenjoy akong magdrive dito sa maputik at malubak niyong kalsada," pabirong sagot nito. Likas na masayahin ang kaibigan kaya natutuwa rin siyang kasama niya ito sa malayong biyahe.

Matapos ang mahigit apat na oras na pagmamaneho ay narating din nila ang bahay nila Marga. Masaya silang sinalubong ng lalakeng bersiyon ni Marga. "Bes, ang pogi mo pala kung naging lalake ka!" Bahagyang nakanganga pa si Karina habang nakatitig pa rin sa lalakeng papalapit sa kanila. "Kam!!! Hindi ko alam na narito ka ngayon. Buti nakauwi ka," kahit papaano ay nabawasan ang kaba ni Marga nang makita ang kakambal. "Magkahiwalay nga tayo Bal, pero tandaan mo, magkarugtong tayo. At hindi makalalampas sa akin ang mga ganitong balita," kumindat pa ito sa kanya at bumulong habang nakayakap sa kanya. "And besides, I know you need backup." Sabay silang lumingon sa veranda kung saan tiim-bagang na nakamasid ang kanilang ama.

Tulad ng inaasahan, nakatamo ng isang malutong na sampal si Marga mula sa ama. "Hinding hindi ko matatanggap ang bastardong dinadala mo! Hindi kita pinayagang lumuwas ng Maynila para lamang umuwi ritong isang disgrasyada!" Tahimik lamang na umiyak si Marga dahil kahit papaano ay inasahan niya na ang ganoong reaksiyon ng ama. "Tama na Papa, hindi makabubuti sa dinadala niya ang stress. Hayaan muna natin siyang makapagpahinga," pagtatanggol ni Mark sa kakambal. "Huwag kang makapasok pasok sa pamamahay ko! Ayoko nang makita ang pagmumukha mo!"


Pinagkunan


Okay ka lang ba Marco? Bakit hindi ka na kumikilos diyan?

O-okay lang ako Marla. N-napagod lang ako sa haba ng binaybay ni Mama. Mukhang babiyahe pa tayo ulit. Galit si Lolo.

Kawawa naman si Mama. Sigurado pagod na siya. Yayakapin ko na lang siya.


Lulan ng sasakyan pabalik ng Maynila ay panay pag-iyak lamang ang ginawa ni Marga. Sinamahan na sila ni Mark pauwi at ito na ang nagmaneho. Si Karina na ang nagpakilala sa sarili habang nasa biyahe sila. Naging napakatahimik ng biyahe nila liban sa hagulgol ni Marga. Hindi alam ni Karina kung ano ang sasabihin sa kaibigan kaya hinayaan niya na lamang itong umiyak nang umiyak habang nakasubsob sa kanya.

"Karina..." Nahintakutan si Marga nang makapa ang dugong umaagos sa kaniyang hita. "Mark! Diyos ko po! Dinudugo si Marga! Dumeretso na tayo sa ospital!" Kahit ayaw niyang ipakita ang pagkataranta ay lumabas pa rin sa kanyang boses na nahihintakutan siya sa kaniyang nakikita. Unang trimester pa lamang ng pagbubuntis ng kaibigan at napakahaba ng binaybay nilang byahe. Dali daling minaniobra ni Mark ang sasakyan patungo sa ospital.


Marco, gising! Parang nagkakagulo sila. Nasisilaw ako sa liwanag.

K-kalma ka lang Marla. Sandali lang ito. D-diyan ka lang. Yakapin mo lang si Mama.

Marco? Saan ka pupunta? Wala ka namang ibang mapupuntahan.

Hindi ako aalis Marla. Nandito lang ako. Lagi mong tatandaan, anuman ang mangyari, magkarugtong tayo.

Marco? Marco? Marco!!!


••.•´•.••ITUTULOY...••.•´•.••

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  

Anong klaseng panlasa iyan? Kiat at spaghetti magkasabay? Haha. Hindi ko kaya iyan.

Nasubukan mo na bang sumabay sa paglilihi ng isang buntis? Hahaha. Kailangang masanay ka sa mga ganiyang klaseng kombinasyon kung gusto mong magkaron na rin ng junior. Baka mas malala pa ang paglilihian ng nanay ng anak mo. Wahahaha

Bakit naman napunta sa akin aber? Pambihira nag-comment lang ako naipasa kaagad sa akin. Grabe! Savage 100%

Hahaha. Hindi pa yan savage. Eto yung savage na part.

Hanap ng jowa para magka junior na. Dali! 👪

Bwahahahaha!!!

Peace!!!✌

Ang husay ng konsepto ate Rome, at maganda rin ang pagsasalaysay. Naalala ko tuloy ang entry ko dati sa National Press Con, about siya sa abortion and parang ganito ko rin isinalaysay. Parang alam ko na ang mangyayari, pero excited parin akong mabasa ang karugtong. Sana naman ay mali ang aking iniisip. Kailan ba lalabas ang pangalawang bahagi? ☺

Hindi ko pa alam kung hanggang kailan ko pang bubuuin ang kasunod. Pero may mga major na scenario na akong nakahanda. Baka nga pareho tayo ng naiisip. Haha. Nae-excite na rin akong ipost eh.

Coin Marketplace

STEEM 0.16
TRX 0.15
JST 0.029
BTC 56596.99
ETH 2394.78
USDT 1.00
SBD 2.32