Nalinlang (Isang Maikling Kuwento)

in #tagalogtrail6 years ago (edited)

sunset-3087474_1920.jpg


ISANG masamang tingin ang ipinukol ni Buddie sa akin nang makita niya ang masayang pag-uusap namin ng kaibigan kong si Boy. Napaawang na lamang ang aking bibig nang mahagip ng aking paningin ang tuluyang paglapit niya sa kinaroroonan namin.

Walang imik niyang hinawakan ang aking braso at agad ko namang nakuha kung ano ang kanyang gusto.

“S-sige, Boy. Salamat sa pagpapahiram ng libro. Kailangan ko nang umalis,” malungkot kong wika sa kanya.

“Walang anuman, Girly. Sa susunod na lang ulit at mukhang nagmamadali kayo,” nakangiti naman niyang tugon.

Napalingon ako kay Buddie at kanyang tinugunan ng pagngiti ang kaharap namin. Tinitigan niya pa ito nang matagal bago niya ipinukol ang paningin sa akin. Natitiyak kong may pagtatalo na namang mangyayari sa amin mamaya. Hindi ko maintindihan kung bakit kakaiba ang galit niya sa tuwing napapalapit ako kay Boy. Mas una ko pa nga itong nakilala kaysa sa kanya. Hindi ko mawari kung talagang nagseselos lang ba talaga siya sa pagiging malapit namin o may iba pa.

“Na naman, Girly! Ilang beses ko nang sinabi sa ‘yo na huwag kang lumapit-lapit kay Boy! Bakit hindi mo maintindihan?” pabulong nitong sambit ngunit ramdam kong nagpipigil lang siya ng galit dahil maraming tao.

“Isinauli ko lang naman ang librong hiniram ko sa kanya. Wala namang malisya roon.”

“Kahit na! Hindi ba’t sabi kong ako na lang ang utusan mo sa tuwing hindi mo mapipigilang lumapit sa kanya? Bakit ba kasi hindi mo maintindihan na nagseselos ako?”

Napatitig ako sa kanya at kitang-kita ko ang labis na selos na bakas sa kanyang mga mata.

“Wala ka namang dapat pagselosan.” Paglalambing ko sa kanya na lagi kong ginagawa sa tuwing nagkakaganito kami. “Magkaibigan lang naman kami. Ikaw ang mahal ko, alam mo ‘yan.”

Umiwas siya ng tingin sa akin at nilingon si Boy na nakaupo pa rin sa kinaroroonan namin kanina.

“Mahal ka niya. Ramdam ko iyon.”

“P-pero…”

“Huling beses ko na itong sasabihin sa ‘yo,” putol niya sa pagsasalita ko. “Huwag na huwag mo na siyang lalapitan.

Hindi pa man ako nakasagot ay umalis na siya’t iniwan ako. Naiwan na lamang akong naguguluhan habang tinatanaw ang kanyang paglalakad papalayo.


ISANG linggo na rin ang nakalipas simula nang iwasan ko si Boy. Ramdam kong nalulungkot din siya sa kakaibang kinikilos ko. Ni hindi niya magawang makalapit sa akin dahil nakikita ko pa lamang na papalapit siya’y agad na akong umiiwas. Labag man sa aking kalooban, ngunit para sa katahimikan ng relasyon namin ng kasintahan ko’y gagawin ko. Mahal na mahal ko siya kaya gagawin ko ang lahat mapasaya lamang siya.

Isang linggo na ring bumabalik ang sigla ni Buddie na matagal-tagal ko na ring hindi nasisilayan. Sa tuwing nakikita ko ang saya sa kanyang mukha ay tunay na galak ang hatid nito sa akin. Alam kong nakakalungkot ang ginawa kong pag-iwas kay Boy, ngunit hindi ko naman ito pinagsisihan dahil nakikita ko namang masaya ang nobyo ko sa pagtupad ko sa kanyang gusto.


“Bes, hindi ka ba pupunta rito sa birthday party ni Boy? Kanina ka pa niya hinahanap,” bungad ng kaibigan ko sa telepono.

“Hindi na. Alam mo naman, ayaw na ayaw ni Buddie na lumalapit ako sa kaibigan natin. Ibati mo na lang ako ng happy birthday sa kanya, a.”

“Iyon na nga, Bes! Nagtataka ako kasi nandito si Buddie, tapos wala ka rito. E ikaw nga ang kaibigan ni Boy, ‘di ba?”

Nabato ako sa aking narinig. Walang sinabi sa akin si Buddie na pupunta siya sa birthday party ni Boy. At saka hindi ko alam kung bakit hindi siya nagpaalam na pupunta siya roon.

“At saka, heto pa…maraming babaeng umaali-aligid dito sa kanya. Kaya kung ako sa ‘yo, pumunta ka na agad dito. Now na!”

Hindi na ako sumagot at agad kong ibinaba ang telepono. Tila hindi maproseso ng utak ko ang mga narinig mula sa kausap sa telepono. Ilang segundo pa ang lumipas at patuloy lang ako sa pag-iisip kung anong nangyayari. Hanggang sa awtomatikong kumilos ang aking katawan palabas ng bahay.

Hindi ko na naisipang magbihis at agad na akong pumara ng taxi para agad na makarating kina Boy. Habang nasa loob ng taxi, hindi ko maipaliwanag ang kakaibang nararamdaman. Magkahalong kaba, duda, at lungkot ang yumayakap sa puso ko sa mga oras na iyon.

Nang makarating ako sa bahay nina Boy ay agad kong hinanap ang aking nobyo. Nang oras na iyon ay ipinagdasal ko na sana ay hindi ko siya maabutang may kausap o kahalikang babae. Naiisip ko pa lamang iyon ay naninikip na ang aking puso.

Patuloy ako sa paghahanap sa kanya at hindi inalintana ang pakikipagsiksikan sa mga taong nakakasalubong ko sa may bakuran at ang ingay ng kapaligiran. Tagaktak na rin ang pawis sa aking noo dahil sa mga hindi magagandang bagay na sumasagi sa aking isipan.

Agad na lumiwanag ang aking mukha nang makita ko si Buddie sa may kadilimang parte ng bakuran. Agad ko siyang nilapitan, ngunit bigla na lamang akong napahinto nang masaksihan ko ang hindi inaasahang tagpo.

Tila tumigil ang oras nang mahagip ng dalawa kong mga mata ang paglalapit ng mukha ng dalawang tao sa aking harapan. Kasunod niyon ay ang paglapat ng kanilang mga labi.

Awtomatikong bumagsak ang luha sa aking mga mata dahil sa nasaksihan. Wari’y nanlambot ang aking mga tuhod at gayon na lamang ang panginginig ng buo kong kalamnan. Sa palagay ko’y mawawalan na ako ng bait ano mang oras.

Ngunit mas ikinabaliw ko pa ang mga katagang dumurog nang tuluyan sa puso ko.

“Hindi ko na kayang itago ang nararamdaman ko sa ‘yo. Hindi girl ang gusto ko, kundi ikaw, Boy. Aaminin kong ginamit ko lang ang kaibigan mo para mapalapit ako sa’ yo dahil iyon na lang ang nakikita kong paraan. Oo, desperada na ako! Nang malaman kong may gusto siya sa akin ay sinunggaban ko na ang pagkakataon na mapalapit sa ‘yo. Kasi mahal na mahal kita, Boy.”



pinagkunan ng larawan
Ang kuwentong ito'y aking tugon na maaaring nangyari bago ang pagkakasulat sa tulang PAGBANGON ni @aboutart para sa Biglaang Kolaborasyon Ika-Apat na Araw ni @tagalogtrail
Sort:  

HUWATTT!!! Plot twist ulit na bro-mance hahaha. Grabe ang husay nun. Ganyan na ba siya ka uso sa ngayon?

Congratulations! This post has been upvoted by the communal account, @steemph.cebu by jemzem being run at Teenvestors Cebu (Road to Financial Freedom Channel). This service is exclusive to Steemians following the Steemph.cebu trail at Steemauto. Thank you for following Steemph.cebu curation trail!

Don't forget to join Steem PH Discord Server, our Discord Server for Philippines.

Yes may plot twist din 😁 Salamat sa entry mo @jemzem :)

Maraming salamat din, @aboutart. 😊

wow! galing ah pinag isip mo mambabasa mo. salamat @jemzem

Maraming salamat, @fherdz. 😊

Congratulations! This post has been upvoted from the communal account, @minnowsupport, by jemzem from the Minnow Support Project. It's a witness project run by aggroed, ausbitbank, teamsteem, theprophet0, someguy123, neoxian, followbtcnews, and netuoso. The goal is to help Steemit grow by supporting Minnows. Please find us at the Peace, Abundance, and Liberty Network (PALnet) Discord Channel. It's a completely public and open space to all members of the Steemit community who voluntarily choose to be there.

If you would like to delegate to the Minnow Support Project you can do so by clicking on the following links: 50SP, 100SP, 250SP, 500SP, 1000SP, 5000SP.
Be sure to leave at least 50SP undelegated on your account.

Congratulations @jemzem! You have completed some achievement on Steemit and have been rewarded with new badge(s) :

Award for the number of upvotes

Click on any badge to view your own Board of Honor on SteemitBoard.
For more information about SteemitBoard, click here

If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

Upvote this notification to help all Steemit users. Learn why here!

Coin Marketplace

STEEM 0.17
TRX 0.15
JST 0.028
BTC 59700.98
ETH 2415.17
USDT 1.00
SBD 2.43