The Tagalog's Edition #1: LANSANGAN (Kauna-unahang maikling kuwento na handog ko para sa lahat ng mambabasa.)

in #untalented7 years ago

 


Sa maingay at mabahong pook na ito, ako ay nakatira kasama ang iba pang mga batang lansangan. Hindi ko na maalala kung kailan at paano ako napadpad sa lugar na ito. Hindi ko rin kilala kung sino ang mga magulang ko at kung may kapatid pa ba ako. Basta ang alam ko, dito ako lumaki at nagkaisip.


........................................................................................................


Tawagin ninyo na lamang ako sa pangalang Nati. Iyon kasi ang nakasanayang tawag nila sa akin. Wawaluhing taong gulang ako, patpatin ang pangangatawan, marumi ang damit, gusgusin ang katawan at nakapaa lamang ako. Makikita mo ako sa isang bangketa dito sa Maynila na namamalimos mag-isa. Kung minsan naman ay nasa tambakan ako ng mga basura, naghahalukay ng kung anu-ano na maaaring ibenta sa junkshop.


........................................................................................................


Sabi nila, may napakahalagang okasyon ang kasalukuyang ipinagdidiriwang ng sangkatauhan. Ano pala ang tawag doon? Ah, naalala ko na! Pasko! Iyon ang narinig ko noong isang araw sa pangkat nina Ambong. Nilapitan ko kasi sila at nakinig ako sa kanilang pinag-uusapan.
"O ano, Pasko ngayon! Magkikita-kita tayo sa ikatlong kanto, bukas ng umaga. Doon tayo magsisimulang magkarol," ang naulinigan kong sabi ni Ambong sa tatlo niyang kasamahaan.
"Hindi ba natin isasama si Nati?" tanong ng pinakamaliit sa kanila.
"Ba't natin isasama ang Laing na iyon? May dalang kamalasan ang elepanteng mukha niya! Baka magmukhang elepante tayo lahat doon!" tugon ni Ambong sabay sulyap sa akin. Ngumisi siya na para bang ipinaparating sa akin na huwag akong mangarap na mapabilang sa kanilang grupo. Tumalikod ako at dali-daling humayo. Baka mapapaaway na naman ako at siguradong bugbog-sarado ang aabotin ko. Paano, ako na yata ang pinakabata sa lansangang ito. Lahat sila ay nasa edad na diyes pataas. Mas malakas pa silang sumipa at manuntok kaysa sa akin. Galit na galit ako sa kanila at pati na rin sa sarili ko dahil hindi ko magawang ipagtanggol ang aking sarili sa pangungutya, pang-aapi't pang-uuyam na nilalasap ko mula sa kanilang mga kamay, lalo na kay Ambong na siyang laging tumutukso sa akin. Siya kasi ang pinakamatandang naghahari-harian dito. Siya na nga rin ang nagbinyag sa akin ng pangalang "Laing" eh, mula sa dalawang salitang "Laki Tainga". Noong una, di ko pinapansin ang kanyang mga panunukso ngunit kalaunan ay malimit na akong nakikipagbabag sa kanya. Walang araw na hindi ako nakikipag-away. At wala ring gabi na hindi ako natutulog na may mga bukol at sugat ako sa katawan.


........................................................................................................


Parang gusto ko ng umalis sa lansangang ito ngayong pasko. Pero saan ako pupunta? Sa kalye? Sa kabilang lansangan? Panibagong kaaway na naman ang sasalubongin ko roon. Karamihan kasi sa mga batang lansangan tulad ko, ayaw nila na may bagong salta sa kanilang lugar. Aagawan lang sila ng puwesto. Kaya naisip ko na manatili na lang at tiisin ang panunukso nina Ambong sa akin. Okay lang iyon. Sanayan lang talaga eh.


........................................................................................................


Gaya ng dati, nagpunta ako sa mga tambakan ng basura at naghalukay. Marami akong nakuhang mga bote, lata, plastik at papel. Marahil, maraming tao ang naghanda ng mga pagkaing de-lata at iinuming nakaplastik dahil nga pasko. Buti pa sila, may perang pambili ng masasarap na pagkain. Samantalang ako, pambili ng kendi ay wala. Hindi pa nga ako nakakapang-umagahan eh. Kaya sa minsan pang paghalukay ko ng mga basura, may nakita akong isang supot ng kanin. Umangal agad itong tiyan ko. Medyo panis ang kanin ngunit di ako nakatiis sa sobrang gutom ko, kaya kinain ko na. Talagang inubos ko ang kanin na iyon at hindi pa ako nakontento ay hinimod-himod ko ang supot na kinalalagyan.


........................................................................................................


May dumaraan. Mapanuri ang kanilang mga mata. Pinagmamasdan ako mula ulo hanggang paa. Hindi ko na lang pinapansin dahil nasanay na ako. Maya-maya, may nakita akong bulto ng isang matandang lalaki na nakaupo sa bangko na malapit sa tambakang kinaroroonan ko. May katangosan ang kanyang ilong, maputing-maputi ang kanyang balat, asul ang kanyang mga mata, matangkad siya at mahihinuha mong hindi siya Pilipino. Nasagip ng aking tingin ang kulay asul na kahon sa kanyang tabi. Kahit na sa lansangan ako lumaki, hindi maikakaila sa aking paningin na mamahaling plastik ang nakabalot doon. Maya-maya, tumayo siya. Tiningala ang langit saka lumakad palayo. Nakita ko na hindi niya dinala ang kahon. Agad akong tumakbo palapit sa bangko at kinuha ang kahon. Hinabol ko siya habang kipkip ko ang kahon sa aking dibdib.
"Mama, mama!" sigaw ko sa kanya pero hindi niya ako nilingon. Kailangan ko talagang bilisan ang aking takbo upang maabotan ko siya.


........................................................................................................


Dahil nakatutok ang aking tingin sa lalaki, hindi ko nakita ang malaking bato na nakaharang sa aking daanan. Natisod ang aking paa at lumagpak ako padapa. Nabitawan ko ang kahon. Lumapag naman iyon sa di-kalayuan. Bumangon ako at pilit inaabot ang kahon nang may kamay na kumuha nun at inilahad sa akin.
"Sa iyo ba ito?" ang tanong ng babae na nakatunghay sa akin. Nag-angat ako ng tingin at nasilayan ko ang napakatamis niyang ngiti. Umiling ako at itinuro ang lalaki na medyo malayo na sa aming kinatatayuan. Sinundan ng babae ang direksiyon ng hintuturo ko. At nang makita niya kung sino itinuturo ko, sinabi niya: "Diyan ka muna ha? Ako na hahabol sa kanya. Babalikan kita."
Hindi niya hinintay na sumagot ako. Humahangos na tumakbo siya palayo upang habulin ang lalaki. Naglagos siya sa kakapalan ng mga tao hanggang hindi ko na siya makita.


........................................................................................................


Umupo ako sa gilid at kinapa ang sugat sa aking tuhod. Malaking sugat iyon at maraming dugo ang umaagos pababa sa aking paa. Hinipan ko ng hangin ang sugat ko upang kahit papaano'y maibsan ng kunti ang hapding nararamdaman ko. Nagpalinga-linga ako. May nakita akong maruming tissue na nakakalat. Pinulot ko iyon at itinapal sa aking sugat. Hindi pa rin humihinto ang dugo pero naisip kong balikan ang naipon kong mga basura. Baka may kumuha doon at wala akong ibebenta sa junkshop. Iyon pa ang inaasahan ko para sa aking panghapunan. Nakakailang hakbang na ako nang may humawak sa aking braso. Nilingon ko kung kaninong kamay iyon. Iyon pala, ang lalaking may-ari ng kahon. Nakita ko rin ang babae sa kanyang tabi.
"What's your name?" nakangiting tanmg sa akin ng lalaki. Hindi ko naintindihan iyon kaya tumitig na lang ako sa kanyang mukha. Siguro, nahulaan ng babae na di ko naunawaan ang sinabi ng lalaki. Nagsalita siya pero wala talaga akong naiintindihan. Nakita ko na lang na tumango-tango ang lalaki habang bumuka't sumara ang bibig ng babae. Maya-maya, binalingan nila ako.
"Bata, maraming salamat daw sa pagbabalik mo ng kahon. Lipos ang kanyang pasasalamat at napahanga mo siya sa iyong ginawa. Ano raw pangalan mo?" sabi ng babae sa akin. Tumungo ako at hindi nakapagsalita agad.
"N..Na...ti po.." pabulol kong sagot. Muli ay kinausap ng babae ang lalaki ng ibang lengguwahe bago siya nagsalita ulit sa akin.
"Wala ka bang mga magulang? Kapatid?"
Umiling ako ng umiling habang ako ay nakayuko, nakikipagtitigan sa lupa. Di ko namalayan na may mga butil ng luhang naglalandas sa aking pisngi. Pinahid ko iyon gamit ang laylayan ng aking damit. Sa pagpunas ko pala ng aking mga luha ay natawag ko ang kanilang pansin at nakita nilang humihikbi ako. Nagkatinginan sila. Sabay silang lumuhod sa aking harapan. Dinala ng lalaki ang kanyang kamay sa aking mukha at pinunasan ang natitirang luha sa aking mga mata.
"Don't cry. Don't cry" paulit-ulit niyang bulong sa akin.
Habang ang babae ay inalo at pinatahan ako.
"Huwag ka ng umiyak, Nati. Tahan na... Hindi ka na titira sa lansangan. Kukunin ka ni Robert kung gusto mo. Kasi nag-iisa lang siya sa buhay. ," anang babae.
Hindi ako umimik dahil hindi ko alam kung ano sasabihin ko. Tiningala ko ang babae at tinitigan ang kanyang maamong mukha. Doon ko napagmasdan na may kasingkitan ang kanyang mga mata at manipis ang kanyang mga labi. Morena siya kaya bumagay sa kanya ang puting blouse at kupasing jeans na suot niya. Idagdag pa na nakapusod lang ang kanyang buhok.


........................................................................................................


Sa ginawa kong pagsipat sa kanya ay natawa silang dalawa ng lalaki.
"Nati, sumama ka sa kanya ha? Maraming masasarap na pagkain doon. May bago ka pang damit. Titira ka pa sa malaking bahay," sabi ng babae sabay tampal sa aking balikat. Sinulyapan ko ang lalaki at bigla ay nakaramdam ako ng kakaibang takot. Iniisip ko kung paano na lang ang magiging buhay ko kapag sumama ako sa mamang ito. Napakaestranghero niya para sa akin.
"Huwag kang mag-alala, Nati. Magiging maalwan ang buhay mo sa kanya." muli ay pukaw sa akin ng babae.
Tiningnan ko ulit ang lalaki. Lalong tumindi ang takot ko. Siya kaya ang maaaring magpabago sa aking buhay? Paano na ang lansangang sumaksi sa akin mula noon hanggang ngayon? Tuluyan ko kayang lilisanin ang lugar na ito na araw-araw kong nakikita?


........................................................................................................


Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko sa mga oras na iyon. Ngunit alam kong may gustong ipahiwatig ang mga pintig ng puso ko. Matagal akong nag-isip bago nagsalita.
"Maraming salamat po. Dito na lamang po ako sapagkat higit kaninuman, naiintindihan ko ang buhay sa mundong ito."


........................................................................................................


Tumalikod ako. Dahan-dahan akong lumakad palayo sa kanila. Muli ay naramdaman ko ang pagkirot at pag-agos ng dugo mula sa aking sugat ngunit di ko inalintana iyon. Patuloy pa rin ako sa paghakbang habang patindi ng patindi ang pag-alingawngaw ng aking isipan sa bagong kasiyahan na makabalik sa lansangan kung saan umiinog ang mundo ko.
Babalik ako sa lansangang pinaghahari-harian ni Ambong. Dahil magpakailanman, hindi ako susuko. Lalaban ako magpahanggang-kailanman.


........................................................................................................


***WAKAS***


#philippines

#tagalog

#bayanihan

#promo-steem


Sort:  

Very few things leave me speechless but your work did.

Hellow @maverickinvictus. Thank you so much for reading my first published "The Tagalog`s Edition". :)
Until then, see you around!

Para sa isang taong nagsusulat din ng Tagalog na kwento. I can say na ito ay isang magandang likha.
Tip ko lang if ever na may word na medyo malalim/ hindi palasak gamitin mas mainam kung maglagay ka ng parang mini talahulugan gaya ng salitang "lipos" at "uyam" sobrang dalang na nilang gamitin ngayon at ang nakakabatang henerasyon ay hindi na alam kung ano ang kahulugan.

Overall deserve mo ang upvote at resteem sa post na ito. Keep it up!

My pleasure @tpkidkai. :)
Thank you for the upvote and reesteem. :)

woww. sobrang ganda. laki din kasi ako sa lansangan and I know and I feel it. keep up the good work to you

Hi @nenennikka!
Thank you for dropping by. :)
Wow talaga? Laki ka sa lansangan? Hindi nga! :D

Coin Marketplace

STEEM 0.18
TRX 0.15
JST 0.031
BTC 60708.09
ETH 2619.74
USDT 1.00
SBD 2.58