Ito na ang Huli

in #steemph6 years ago (edited)

image

Minsan pa ay sinulyapang muli ni Rica ang asawang himbing na himbing sa pagkakatulog. Kasunod ng paglibot ng kaniyang paningin sa bawat sulok ng kuwartong naging saksi ng kanilang pag-iibigan. Sariwa pa sa alaala niya kung paano silang nagsimula. Bawat parte ay may alaala ng lahat ng kanilang kahapon. Kung paanong ipinangako ni Joel ang buwan at mga bituin, kung paanong nangarap silang dalawa ng pamilyang bubuuin sa mismong bahay na kanilang pinag-ipunan at pinaghirapan. Kung paanong nabuong muli ang paniniwala niya sa pag-ibig na walang hanggan. Parang nauulinigan niya pa ang tinig ng asawa habang buong puso siya nitong sinusuyo noong ayain siya nito na magpakasal.

Hinding-hindi ko hahayaang matulad ang pamilya natin sa nangyari sa inyo. Hindi ko gagayahin ang ginawa ng iyong ama.

image
Pinagkunan

Minasdan niya ang gitarang inaalikabok na dahil hindi na nila nabigyang pansin nang matagal na panahon. Napangiti siya sa alaala ng tugtugan nilang mag-asawa. Pareho silang mahilig sa musika kaya't nagkakasundo silang dalawa. Tuwing Sabado ay animo silang may gig sa bahay. Umaawit siya sa saliw ng gitara nito. Pinuno ng kanilang musika ang buong kuwarto ng saya at sigla.

Ang bookshelf na dati ay punong puno ng koleksiyon niya ng libro. Walang hilig si Joel magbasa kaya't babasahin niya ang aklat at buong sigla niyang ikukuwento rito kung ano na ang nangyayari sa binabasa niya. Buong interes naman itong makikinig at paminsa'y magtatanong habang nagkukuwento siya. Nakagagawa sila ng paraan para mapunan ang kung ano mang kulang sa kanilang dalawa. Napakalaking puwang na lamang ng bookshelf ngayon. Katulad ng nararamdaman niya. Isang malaking blangko.

Katulad ng kung paanong parang hindi siya nito minahal dahil sa natuklasan niya.

Hindi niya na mabilang kung ilang beses siyang nasaktan, nagpatawad, nagmahal muli para lamang sa huli ay masaktan ulit. Sukdulan ang pagmamahal niya kay Joel kaya makailang ulit man siya nitong lokohin ay nagagawa pa rin niya itong patawarin kahit na alam niyang malaki ang tsansa na uulit itong muli sa kataksilan. Pero ngayon ay ibang sitwasyon na.

Kinausap niya ang babaeng umagaw sa pwesto niya sa puso ng asawa. Pakikiusapan niya itong lumayo na sa kanila. Ngunit nang makita niya ang umbok sa tiyan nito at makumpirmang ang kaniyang asawa ang ama ay hindi na siya nag-atubili pa. Para siyang sinaksak ng isanlibo't isang punyal direkta sa puso sa sobrang sakit.

Ilang beses na silang sumubok na magkaanak. Nakailang doktor na sila sa kalilipat-lipat para lamang makahanap ng makatutulong sa kanilang tuparin ang kanilang pangarap na makabuo ng pamilya. Ilang daang libo na rin ang nagastos nila pero hindi talaga siya mabuntis. Hindi talaga siya magamot.

Hindi pa siya sumusuko. Pero ang asawa niya ang nawalan na ng pag-asa para sa kanila. Ang kuwartong dati ay puno ng musika ay naging puno ng sigawan at bangayan. Ang dating kuwentuhan tungkol sa libro ay naging katahimikang nakabibingi. Ang dating tawanan ay naging iyakan. Ang dating saya ay naging luha.

image
Pinagkunan

Ayaw niya pang sumuko. Pero iniwan na siya ng asawa sa gitna ng laban. Oo nga't nariyan ito, kasama niya, pero ang puso at isip nito ay nasa iba na.

Ngayon ay anibersaryo nila. Hindi niya ipinakita sa asawa na may alam na siya. Nagluto siya ng espesyal na hapunan. Sinigurado niyang malinis ang buong bahay. Nagpatugtog pa siya ng theme song nila habang kumakain sila. Masaya siya't nakangiti habang nakikipagkwentuhan sa asawa. Pagkatapos ng hapunan ay tinulungan aiya nitong magligpit.

Nang gabing iyon ay pinuno nila ang kuwarto nila ng pagmamahalan nilang dalawa. Ipinaubaya niya ang sarili sa kaniyang asawa. Nais niyang ang huling alaala niya rito ay kung paano silang nagmahalan. Gusto niyang maalala pa rin kung paanong magmahal at maging baliw sa pag-ibig.

Nangingilid ang luha niya habang nakatitig sa kanilang kama. Magiging bakante na ang bahagi niya rito. Humugot siya ng natitira niya pang lakas na pigilan ang sarili na bumalik sa kama at yumapos muli sa asawa.

Inilapag niya ang sulat sa mesa at ipinatong ang susi ng kotse.

image
Pinagkunan

Minsan pa ay sinulyapang muli ni Rica ang asawang himbing na himbing sa pagkakatulog. Mahal na mahal niya ang asawa pero unti-unti na siyang nauubos. At kailangan niyang gawin ito para sa sarili niya. Hindi sapat ang pagmamahal lang. Hindi siya sapat. At tuluyan niya nang pinalaya ang mga luhang nag-uunahang tumulo sa kaniyang mga pisngi.

Minsan pa ay lumingon siya. Pero iyon na ang huli. Dahan-dahan niyang isinara ang pinto.

Ipinangako niya sa sarili na iyon na ang huli. At hindi na siya lilingon muli.


Ang akdang ito ay ginawa ko bilang tugon sa request ng isang kaopisina. Hiniling niyang gumawa ako ng kuwento mula sa kantang All I Ask ni Adele. Sana ay nabigyan ko ng hustisya ang kanta sa naging takbo ng aking storya.


Maraming salamat sa pagbabasa!


Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan


Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord


2123526103.gif

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  

maganda ang maiksi pero detalyadong paglalarawan mo. un ung gusto ko magaya sa'yo ate @romeskie. kaya mong limitahan ung words nang hindi nako-compromise ung flow nung story. napakahusay mo talaga! 👏👏👏

Pag may kulang sa mga parte ng kwento, iniisip ko na lang "pag may nagtanong, explain ko na lang sa comments"

Hahaha

Walang duda, isa na namang mahusay at malikhaing pagsulat ang iyong ipinamalas, sanay ay masundan pa ng mas nakaka kilig at nakaka antig na istorya ang mga susunod mong akda,

Ang iyong tagahanga!
cradle

Salamat @cradle... Susubukan kong sumulat ng hindi gaano malungkot sa mga susunod.

Napakaganda nang kwento. Ang galing nang pagkakasulat. Nainspire tuloy ako sumubok magsulat ♥♥♥ salamat mem @romeskie ♥ Mabuhay ka!

Awww. :-) thanks! ♡♡♡ sulat lang nang sulat mam @annazsarinacruz! :-)

Pwede po ba kita gawing mentor mam?

Hahaha... Hindi ko pa naranasan na maging mentor pero walang problema sa akin mag-share ng kung anu man ang natututunan ko sa pagsusulat. :-)

Hihihi Salamat mem :)

Coin Marketplace

STEEM 0.29
TRX 0.21
JST 0.039
BTC 97652.91
ETH 3729.32
SBD 3.91