Katha sa Gabi: Ikalawang Kabanata
Akala ko matatapos na,
Ang mga gabing pampatulog ay pag-iyak at luha
Nakalimutan kong parating may susunod sa una;
Pighating nadarama'y may ikakalala pa pala.
Tila maling gamot ang napulot;
Sakit sa puso'y mas lumala't kumurot.
Dahil matapos mapaasang maibabalik pa
Ang pagmamahal na
unti-unti niyang pinamigay sa iba,
Sa maling landas at tao napunta,
Ang puso't katawan kong namanhid na sa sakit na nadarama.
Naging makasarili
At walang pinili.
Basta maramdamang uminit muli
Ang puso kong nanlamig, nasawi.
Kaya patawad.
Walang sinoman ang dapat makaranas ng dinanas ko.
Patawad.
Kung sa inyo naiganti,
Ang sakit at pighati.
Patawad.
Walang dahilan akong maibibigay
Kung sa dalamhati ko kayo'y nadamay.
Patawad.
Kahit alam kong 'di n'yo pa kayang ibigay
Sapagkat hiling ko lang sana'y
Dumating ang panahon na puso nyo'y matiwasay.
Nangyari na ang nangyari.
Nakasakit na ako't nagbigay dalamhati.
Ngayon ay siguro panahon nalang ang makakapagsabi,
Kung lahat ng iyon ay nangyari para sa mabuti
At kung mapapatawad ko rin ang aking sarili. #
Images are made using Canva. All background photos are taken using Asus Zenfone 5z camera and post-processed using Adobe Lightroom.