"Word Poetry Challenge #9 : Maskara"
Sa Likod ng Maskara
Napagod na ang mga ngipi’t gilagid
Sa kadudungaw ng ngiting kay pait
Mga mata ngayo’y namamanglaw
Sa nananakit mong sinag na tanglaw
Ikaw ang paraiso’t langit
Ang pinapangarap ng pusong naghihinanakit
Dahil anino mo’y may dalang patalim
Kinikitil ang pusong naglilihim
Ikaw ang tinitingalang bantayog
Habang heto ako’t sa lusak nakalubog
Kinasusuklaman ang pagkatao’t kaluluwa
Habang ika’y dakilang tinitingala
Paano mo nga ba mamahalin ang taong ipinaglihi sa hangin
Paano mo iibigin ang batong nakakubli sa buhangin
Umaasa sa hampas ng alon sa baybayin
Upang maibunyag ng bulag mong paningin
Kinakalyo na ang mga daliri sa karorosaryo
Umaasang mahabag ang langit at pakinggan ako
Na sana’y kahit saglit, sa aki’y magawang dumapo
Ang mga tingin mong nanunuyo
Ngunit ang salamin ay nananampal
Pinapaalalang ako’y hangal
Kapangahasan ang ika’y mahalin
Higit lalong kapangahasan ang ako’y ibigin
Minsa’y nasaksihan ko ang iyong pagtangis
Sinaktan ka raw ng taong inibig mo nang labis
Gusto kitang ikulong sa aking mga bisig
At sabihing, “tahan na, heto ako’t handang makinig”
Ibig kong ibulyaw, nais kong pumalahaw
“Narito ako’t di mo lang natatanaw!”
Ikaw ang Poong aking sinasamba
Sa likod nitong makapal kong maskara.