Word Poetry Challenge #19 : Ulan

in #wordchallenge6 years ago


Magandang gabi mga kabayan. Ang post na ito ay ibabahagi ko sa inyo ang aking lahok para sa patimpalak ni @jassennessaj na Word Poetry Challenge #19. Kung nais ninyong lumahok sa patimpalak na ito, paki-click sa link sa itaas.

Ang tema sa linggong ito ay "ULAN". Sana ay magustuhan ninyo ang aking akda. :)




ULAN



Sa unti-unting paglamig ng hangin
Hangad ng puso, ako'y iyong yakapin
Mga munting ugoy ng dahon, aking natatanaw
Dama kong paparating ang magagabgo sa buhay kong mapanglaw

Sa una kong paghakbang palabas sa mundong kinagisnan
May di mawaring damdamin, aking naramdaman
Unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko
At ang pangungunot sa noo'y biglang naglaho

Naramdaman ko ang mumunting patak ng tubig sa aking balat
Pinapawi ang kirot sa puso sa bawat nitong paglapat
Malamig ang tubig na galing sa kalangitan
Ngunit binabalot nito ang puso ko ng kainitan

Ang kainitan na galing sa puso ay tila naglakbay sa aking mga mata
Pilit na pinigilan, pero di ko naiwasan ang lumuha
Dala lang ba ito ng pangungulila ko sa'yo?
O sa tuluyang pagtanggap na wala na talaga tayo

Sumikip ang dibdib at tuluyang sumigaw
"Wala na! Wala ng ako at ikaw!"
Kasabay ng paglabas ng mga kataga mula sa aking bibig
Ang pagkawala ng lahat ng hinanakit at ligalig

Lumakas ang buhos ng ulan, tila naghahamon
Mga hikbi at mga luha ko'y tuluyan nitong nilamon
At sa pagpatuloy ng buhos ng ulan
Inanod rin nito ang ating nakaraan

Ako'y napangiti nang makita kong sumilip ang araw
Ang mahiwagang sinag nito na tila sumasayaw
Nagsasabing ang mundo ay patuloy sa paggalaw at pag-ikot
Kaya pahalagahan ang buhay; mapa-saya man o lungkot


@tegoshei




Salamat sa pagbasa ng aking tula. Sana ay nagustuhan nyo ito. ^^
Ang larawan na ginamit ko ay kuha ko nang pumunta ako sa kanayunan habang umuulan. <3

Sort:  

Ang ganda ng mensahe ng tula mo. Puno ng pag-asa. Kahit na masakit ang pinagdadaanan, may liwanag pa rin sa bandang huli.

At ang ganda rin ng tingkad ng kulay ng mga halaman sa larawan.

Napangiti mo ako @tegoshei. Salamat. 😊

Maraming salamat @romeskie.. Natuwa naman ako at nagustuhan mo ang aking tula. <3 pati narin ang larawan... umuulan nang kinuha ko ang larawang yan, pero hindi makulimlim. :)

Coin Marketplace

STEEM 0.28
TRX 0.13
JST 0.032
BTC 61293.86
ETH 2930.90
USDT 1.00
SBD 3.65