Philippine Poetry and Song Contest #1, "Hindi Makakalimutan ng Kamay Ko Na Iguhit Ka"

Kinuha ko ang ang lapis ko at masayang pumili ng mga kulay.
Maliwanag pa ang sikat ng araw ay maganda na ang bati nito.
Hindi man lang bakas ang ulan na parang may bagong buhay
Na sumisikat sa halos puting papel na hawak ko.

3-1-1.jpg

Nais kong iguhit ang matinding sikat ng araw
Na abot sa salamin ng aming munting bintana
Na tila ba sa nayon na may baka’t kalabaw
Na humahampas ang hangin sa palay na aanihin na.

Ngunit paulit-ulit kong sinisimulan ang mga linya
Dahil lagi silang lumiliko mula sa balak ko
Mga pangyayari sa buhay ang aking nagagawa
At hindi ka nawawala sa bawat grupo.

Nakikita ko na lang na naguguhit na ang unang pasyalan
Kung saan kita nakilala na kinamayan kita at tumango ka lang.
Akala ko iyon na ang huling pagpapakilanlan
Pero madaming naikwento sa tanong na dumating ng minsan.

Hindi ko alam kung anong meron noong araw na iyon
Bakit nag-iba ang lahat sa pagsakay ng pauwi na.
Pagkatapak ko sa lupa sa harap ng tinutuluyan ko doon
Para akong may halong pakiramdam—masaya at natatawa.

Yumuko ako sa harap ng iginuguhit kong larawan
Ayoko nang umulit—apat na papel na ang nasimulan.
Sisiguraduhin ko na lang na ang kwento’y aayusan
Ibibigay ang makakaya ng buo at lubusan.

Sumunod na ang mga panahong tayo ay nag-uusap
Sa isang tanong na una kong hindi masagutan.
Hindi ko alam na pagkatapos doon ay hindi na mahirap
Na maintidihan ang buhay mong ating pinag-usapan.

Mga bagay na gusto mo, nakapagpapasaya sa’yo,
Paano ka nagsimula na mahalin ang sining mo,
Mga pananaw mo sa buhay ‘sing kinang ng ginto
Mga hangarin at pangarap na walang katulad sa mundo.

Dumami ang mga pagkakataon na ako ang nagkwento
Mga kalokohan ko at kasiyahan sa kolehiyo
Sa buhay at simabahan, sa musika at koro
Hilig panoorin, kainin, at minsan tungkol na sa’yo.

3-2-1.jpg

Ngunit hindi nawala ang parang salamin sa umuulang gabi
Naging malabo at mahirap makipag-usap ‘di gaya ng dati.
Napaisip na ako ano ba ang nasabi ko sayong mali
Na katahimikan na lang ang wika natin lagi.

Tahimik man ako noong mga panahong iyon
Sa isip naman binabagyo ako ng tanong.
Ito na ba ang ating sasapitin sa kaunting mga taon
Na hinampas ng unos ang mumunti nating payong?

3-6.jpg

Dito naguhit ang mga anino at mga malungkot na mukha
Hinaluan ng kaunting madilim na klase ng kulay.
Siguro nga kailangan din ng katahimikan ng bahagya
O kaunting puwang para maghalaga ng sariling buhay.

Umatras ako ng konti at tinignan kita.
Sa gitna ng iyong buhay, masaya ka naman.
Hindi ko lang malaman ’pag ako’y kasama na
Napapawi ang ngiti at ikaw ay mukhang nagugulumihanan.

Napaisip ako at nag-isip muli,
Ano ba ang nangyari? Saan nagkamali?
Hanggang sa sagot ako’y nadapa at muntikang mabali
Pagkatao ko’y paulit-ulit na sinuri.

Dumami ang mga tao sa buhay mo,
Ako'y naging makasarili na akala’y ang nandoon lang ay ako.
Pero madaming napulot na aral mula sa iyo
Higit pang natuto sa pamumuhay na ito.

3-5-1.jpg

Napag-usapan natin ito kahit mahirap
Kahit mukhang napaikot-ikot mo na ang mga tanong para mahanap
Ang ibig sabihin ng gusto kong sabihin
Sa pagnanais na masalba pa ang pagkakaibigan natin.

Higit akong nagpapasalamat sa lahat ng aralin
Kung paano maging kaibigang tapat, maintindihin, matulungin
Kung paano magiging mabuti ng mula sa puso
Ngunit hindi pa lubos na tapos ang aral na ‘to.

Kung paano maging masaya sa tagumpay ng iba,
Na hindi umalis kapag ang iba’y wasak na.
Hangga’t pagkatao mo ay hindi naman minamasama
Kung ika’y may ganitong kaibigan, ika’y pinagpala na.

Wala nang ibang salita ang kayang bigkasin ng aking sarili
Sa lahat ng bagay na natutunan at ikalalago pa ng aking pagkawari
Malaking bahagi sa buhay ko ay nag-ukit
Ng mga karanasan at kaligayahan na tunay at sulit.

Natapos ang larawan sa madaming bagay na kasama ka
Pinakinang at pinaganda pa ng mga anino at panlalabo ng mga problema
Sila’y nagpatibay sa bawat kulay na iginuhit
Mahalaga, tulad ng kaibigang sa kahit ano man ay hindi kayang ipagpalit.

3-8.jpg

(Lahat ng mga larawan ay kuha ng manunulat ng tulang ito.)

Sort:  

wow so nice picture....

upvote and follow me @nijhum

Coin Marketplace

STEEM 0.17
TRX 0.15
JST 0.028
BTC 60228.69
ETH 2428.23
USDT 1.00
SBD 2.45