Nakaraang Pag-ibig | Kathang Isip

in #tagalogtrail6 years ago

Katatapos lang ng pagkahaba-habang exam namin sa Marketing na aakalain mong essay writing contest. Gusto ko nang umuwi karakaraka dahil para akong naubusan ng dugo sa dami ng sinulat kong ingles! Paglabas ng gate ng eskwelahan namin na nasa tabi lamang ng main road ay pumara ako kaagad ng van. Pwede naman akong mag-jeep na lang pero gusto ko ay isang deretsong byahe na lamang para hindi na ako ma-stress pa. Deserved ko naman siguro iyon pagkatapos kong pigain ang utak kong halos matuyot sa dami ng mga tanong ni sir!

image
Pinagkunan

Pagkaupong-pagkaupo ko ay nagbayad na ako kaagad ng pamasahe. Sakto lang ang binigay kong bayad dahil baka hindi na naman ako masuklian. Parang yung pag-ibig na ibinigay ko sa di ko na mabilang na lalaking dumaan sa buhay ko. Kung hindi ako friend zoned, out of my league kasi. Kung hindi man, taken na. (Hmmp! Tanggalin lang natin yung letter T dun sa salitang taken, aken na siya eh.)

Nang maiabot na ang bayad ko ay sumandal na ako at humanda nang magrelax dahil rush hour na. Ibig sabihin, ang biyahe kong dapat ay treinta minutos lang ay magiging dalawang oras. Di bale, makakatulog naman siguro ako. Sana walang maingay na pasahero.

Parang nananadya ata ang tadhana, may dalawang babaeng sumakay at sa tabi ko pa sila nakaupo dahil iyon na lamang ang bakante. At talaga ngang trip ako ng tadhana dahil nagkwentuhan sila sa buong biyahe! "Naku, huwag mo nang isipin 'yang ex mong mukha namang bakulaw. Ipaubaya mo na siya din sa mangkukulam na iyon. Bagay silang dalawa," puro panlalait ang lumabas sa bibig nito ni ate! "Ano ba talaga ang nakita mo sa lalakeng yon?"
"Magaling kasi siya," napadilat ako sa sinabi ni ateng nalulungkot! "Magaling siya mag-basketball," mag-aantanda na sana ako, buti na lang idinugtong niya yun! "Mahusay makisama, marunong sa klase, at higit sa lahat, kinakain niya..." Gusto kong sumigaw ng "Time out! TMI ate! Too much Information!"

"Kinakain niya anuman ang iluto ko kahit alam kong halos ubusin niya ang isang pitsel na tubig malunok lang ang isinubo kong pagkain sa kaniya," bumalik na ako sa pagkakasandal sa upuan. Marami pa silang pinagkuwentuhan, pakiramdam ko ay kilala ko na sila, pati ang ex niya. Nagrereklamo si ate na lagi na lang siyang iniiwan ng mga nagiging kasintahan niya. Ang dami niya nang ex. Ayaw niya na raw.

Gusto kong sumabat. Gusto kong sabihin sa kaniya na Buti ka pa, may EX, ako marami lang akong Y." As in WHY. Bakit wala pa rin akong jowa? Bakit walang nanliligaw sa akin? Bakit hindi ako crush ng crush ko? Bakit pagdating sa pag-ibig, para akong nagbayad ng isanlibo para sa pamasaheng bentesingko tapos hindi na nasuklian? Ganoon kalugi! Bakit para akong pakontes na walang gustong sumali kahit na maganda naman ng mga premyo?

image
Pinagkunan

Hindi ako kasing ganda ni Pia Wurtzbach, pero hindi rin naman ako pangit. Alam mo kung paano ko nalaman? Siyempre, tinanong ko ang Mama ko kung pangit ba ako. "May anak ba akong pangit? Siyempre hindi. Kamukha kita eh," sagot niya sabay utos na isampay ko yung mga pinaikot niyang damit sa dryer. Hindi ako nakuntento, humingi ako ng second opinion. Tinanong ko ang Papa ko. "Anak, para kayong pinagbiyak na bunga ng Mama mo. Siyempre maganda ka!" Gusto ko nang maniwala. Pero naisip ko pa rin na tanungin ang bunso kong kapatid. "Ineng, pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako? Then, why?" May pag-emote pa ako, parang si Liza Soberano. Ate, di ka niya pinalitan kasi di naman naging kayo, duh!"

Minsan talaga masarap itiklop sa labinglimang tupi itong kapatid kong ito eh. Pero totoo naman ang sinabi niya. Lahat na lang ng lovelife ko, ang madalas na ending ay *Muntik na!" O kaya naman ay "Sayang naman!" May mga nangahas naman na manligaw sana kaya lang pag nakita na nila ang dalawa kong kuya na tadtad ng tattoo sa katawan ay umaatras na. Pero may nakalampas sa dalawang iyon! Akala ko siya na nga. Nakita naman nito ni bunso na may ka-hoolding hands na lalake doon sa 7-11 sa kabilang kanto! Kaya pala naglaho na lang siya na parang bula. Wala man lang pasintabi na ititigil niya na ang paniningalang pugad sa akin dahil ibon pala ang gusto niya!

image
Pinagkunan

Muntik pa ako lumampas sa babaan dahil sa layo ng itinakbo ng mga iniisip ko. Hanggang sa makauwi ako ay nasa isip ko pa rin ang mga bakit ko. May mga gabing biling-baligtad ako sa kama dahil sa kaiisip. Akalain mo nga naman, habang ang iba ay kaulayaw ang kanilang mga iniirog at sinisinta, heto ako, kasiping ang mga katanungang sa tingin ko ay hindi na magkakaroon ng kasagutan kailanman.

Hindi naman ako mapili. Hindi ako mahilig sa bulaklak kaya siguradong makatitipid sila kapag Valentines day. Mahilig akong magluto, di na kailangan sa mga restawran mag-date. Minimalist ako kaya hindi mo ako kailangang regaluhan ng kung anu-ano.

Simple lang ang hinahanap ko sa lalake. Kailangan mabango para masarap amuy-amuyin. Kailangan matangkad para naman may height ang magiging anak namin. Dapat matalino, hindi yung pang suma cum laude kundi yung madiskarte. Gusto ko yung may mala-adonis na pangangatawan, may abs para alam kong may sipag at tiyaga siyang abutin ang pangarap niya. (O kung hindi man ay may lahi siyang pinagpala sa matipunong pangangatawan.) Pwede na rin, di ba? Dapat din ay yung handa akong ipagtanggol, may angking tibay at lakas ng loob!

image
Pinagkunan

Simple lang naman ang mga hinihiling ko, hindi ba? May mga nakita na nga akong pasado sa mga criteria for judging na iyan eh. Handa na ako para sa kanila. Pero sila ang hindi handa para sa akin.

Nakalulungkot din minsan. Pero wala namang masamang tumingala sa bituin at humiling. Ayoko nang mag-masteral sa larangan ng "unrequited love." Gusto kong maranasan na may magmahal sa akin. Gusto ko rin na sana magkaroon na ako ng EX. Para naman mabawasan na ang aking mga Whys".

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

Ito ang aking unofficial na entry sa Pagpipinta Gamit ang Mga Salita | Isang Patimpalak

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  

yung nag enjoy ako magbasa haha

Coin Marketplace

STEEM 0.31
TRX 0.12
JST 0.033
BTC 64341.19
ETH 3145.13
USDT 1.00
SBD 4.00