Kwentong Kuto

in #tagalogtrail6 years ago

image

Noong bata ako, isa sa mga pinakaaayawan ko tuwing hapon ay kapag tinawag na ako ni mama at nakita kong may hawak siyang suyod. Kakaskasin niya na naman nang ubod nang dahas ang aking anit makahuli lang ng mga parasitikong walang habas na nagpapasasa sa mga yaman ng aking ulo. Naging pugad at tanggulan kasi ng mga insektong ito noon. Huli akong nagkaroon ng kuto noong nasa ikalimang baitang ako sa paaralan. Nasa klase kasi ako noon nang nay makapa akong may kalakihang kuto sa gilid ng aking tainga. Buti na lamang at absent ang katabi kong bully na wala nang ibang ginawa kundi ang asarin ako kapag may nakikita siyang kakaiba o katawa-tawa sa akin. Sarap ipatangay sa mga kuto papunta sa bundok Tralala.

image
Pinagkunan

Nauunawaan ko na ngayon kung anong klaseng satisfaction kapag nakakatiris ka ng mga kuto lalo na kapag yung malalaki at nagsusumikap pang makatakas. Pero higit sa lahat parang achievement kapag napapirmi mo ang isang bata sa isang puwesto habang nanghihinguto ka. May dalawa akong pamangkin na babae na madalas dumadalaw sa bahay. At tuwing naririto sila ay siguradong may kutuhan session kami. At nagagamit ko ang mga "kwentong kuto" ng nanay ko noon.

Liliparin ka!

"Pumirmi ka at napakarami mong kuto. Sige ka, kapag sobrang dami na nila, ililipad ka na lang nila at tatangayin sa bundok," pananakot ni Mama sa akin dati. 'Iniipon nila doon yung mga batang puro kuto. Tapos doon na lang sila. Hindi na nila makikita ang mga mama nila, gusto mo ba iyon?" Matindi rin ang imagination ng nanay ko noon eh. At napapaniwala niya ako! Kasi natakot talaga ako na ilipad ng kuto nang mahabang panahon.

Pamilya Kuto

"Ayan, anlaki ng nakuha kong kuto! Ito yung tatay kuto. O, tingnan mo sinundan siya ng nanay kuto. Huwag kang malikot para makuha ko pati yung baby kuto!" Talagang nakakagawa ng kuwento si mama ora lang mapapirmi ako habang kinukutuhan niya. Magtatanong naman ako, "Bakit hindi pumasok sa opis yung tatay kuto?" Tapos haharap pa ako sa kaniya para magtanong, "May school din ba ang mga batang kuto?" Siguro dahil sa nanay ko kaya naging mapagpatol ako sa mga imbentong kwento.

Lagot ako sa unggoy

"Kapag hindi ka nagpahinguto sa akin, yung mga unggoy pupuntahan ka habang natutulog ka. Tapos kukunin ka nila kasi marami kang kuto. Yun ang pagkain nila. Naaamoy nila kapag may kuto ang bata!" Shookt ako! Tapos tinakot pa niya ako dati kapag pupunta sa Manila Zoo. "Huwag kang lalapit sa mga unggoy dahil sasabunutan ka nila para makuha nila ang mga kuto mo," matagal tagal din akong natakot sa unggoy dahil sa mga kuwentong kuto ni mama.

Inaagawan ako ng mga Kuto

"Kaya ka hindi tumataba dahil lahat na ng sustansiya sa katawan mo ay kinukuha na nila. Hindi na umaabot sa tiyan mo dahil pagkakain mo, sila na ang nauunang mabusog," nutritionist na rin ata si Mama dahil sa mga kuto ko. Matagal tagal kong inisip iyon pero kahit wala na akong kuto ay hindi pa rin talaga ako tumataba. Mag-alaga kaya ako ulit ng kuto ngayon, baka sakaling ikapayat ko iyon.

Kakalbuhin

Kapag hindi umeepekto ang mga kwentong kuto sa akin ni mama, pinakahuling sandata niya ay ang pananakot. "Kapag hindi ka pumirmi, kakalbuhin na lang kita para hindi ka na magkakuto kahit kailan! Pagtayawanan ka ng mga kaklase mo kasi makikita nila puro ka sugat sa ulo," hindi ko sigurado kung tototohanin nga iyon ni mama pero malaki ang posibilidad na taan ng topak ang nanay ko kaya minabuti kong magpahinguto na lang kahit na gustong gusto kong maglaro sa labas.

Marami pang mga kwentong kuto si Mama dahil halos araw-araw ay iba-ibang kwento ang sinasabi niya sa akin habang nanghihinguto dati. At ngayon ay gamit na gamit ko ang mga iyon sa mga pamangkin ko. Payback time ika nga. Hindi ko nami-miss ang mga kuto ko dati pero nami-miss ko yung mga panahon na nakasandig ang ulo ko sa kandungan ni mama. Ramdam na ramdam ko ang alagang nanay niya. Habang ang mga pamangkin ko naman ang pinanghihingutuhan ko ay naaalala ko kung gaano ako kabata at ka-inosente noon.

Ikaw? May mga kwentong kuto ka rin ba?

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  



See your post featured here by @johnpd on Travel Sunday, a community curation initiative by @SteemPh.

If you would like to support the Steemit Philippines community, please follow @SteemPh.Trail on SteemAuto

Namiss ko tuloy Mama ko habang binabasa to. Sigh. Ang sarap pala talagang maging bata nho? Ba't ba kasi ang excited kong tumanda noon? 😭

Coin Marketplace

STEEM 0.20
TRX 0.13
JST 0.030
BTC 65702.61
ETH 3485.24
USDT 1.00
SBD 2.51