Filipino Fiction : Tagalog Serye XI : Ikalawang Bahagi ng Ikalawang Pangkat

in #tagalogserye6 years ago (edited)

Basahin ang unang bahagi mula kay Manong @oscargabat.

Dali dalian pinuntahan nya ang kanyang lola at nabigla sya sa kanyang nakita.


Ang kanyang Lola Delia ay magiliw na nagsasayaw na may matamis na ngiti sa kanyang labi. Ang kanyang mga braso'y nakadantay sa hangin at ang mga binti'y matikas na umiindayog na tila bang hindi inaalintana ang madalas na nirereklamong rayuma. Walang musika, walang kumpas na maririnig kundi ang mga maingay na yabag ng paa ng kanyang lola. Ang bawat bagsak ng paa ay mala-lindol na umuugong sa kuwarto at kabahayan na para bang buong bayan ang nakiki-fiesta.

Ito marahil ang maingay na gabog mula sa may bandang aparador, winari ni Jem. Nais nyang pigilan at paalalahanan ang kanyang lola na magpahinga na. Sa pag-apak ng kanyang kanang pagkalampas sa may pinto ay bigla na lang nanikip ang dibdib ni Jem at nahirapang huminga. Napasandal sya sa bukasan ng pinto, animo'y ang bawat yabag ng mga paa'y unti-unting inuubos ang kanyang hangin. Nang halos makahandusay na sya sa sahig ay tumingala sya sa kanyang Lola.

Marahil ay dahil sa medyo nagdidilim na ang kanyang panigin kaya naman hindi nya maaninag ang mukha nito. Napakisap-mata si Jem at sa muling pagdilat ay hindi na sya makatingin nang tuwid sa kanyang lola. Ilan segundo ang lumipas ay natigilan na rin ang pag-iingay, batid nyang nakatitig sa kanya ang kanyang Lola. Mahihinang yabag ng paa ang narinig nyang papalapit sa kanya. At bago sya tuluyan mawalan ng ulirat, naramdaman nya ang isang kakaibang lamig na dumampi sa kanyang mga braso.


Pinukaw ng mainit na sinag ng araw ang mga mata ni Jem. May kaunting hilo pa syang nararamdaman na para bang napasabak sa inuman pero gayunpaman naginhawahan na rin sya sa pagkakagising mula sa isang kakaibang panaginip. Nabagabag sya sa tila ba parang bangungot na alalala noong gabi. Ika nga ng marami, ang panaginip ay mga bagay na hango mula sa totoong buhay... O kaya naman ay isang babala. Kung senyales o babala man iyon, ano kaya ang ibig sabihin ng kanyang mga nakita?

Mas lalo pang naguluhan si Jem nang mapagtantong nakatulog pala sya sa kuwarto ng kanyang Lola.

Halos ala-una na ng hapon nang magising si Jem kaya naman naiwang nakahain na ang kanyang tanghalian kasama ang isang baso ng tsokolateng hinanda ng kanyang Nanay Rome nuong umaga. Naubos nya ang kanin at ang medyo lumamig nang tirang ulam. Hindi na nya gustong inumin ang tsokolate dahil nais nya ito'y mainit o di kaya'y nagyeyelo sa lamig - walang gitna. Nakarating na sya sa may refrigerator, naipasok ang baso at akmang isasara na ang pinto nang maramdaman na naman nyang may presensya sa kanyang likuran. Natigilan sya dahil sa naalalang eksena kagabi.

"Apo, alam kong may aircon kayo sa iyong dormitoryo, pero pridyider yan. Bilis at isara mo na yan bago lumabas ang lamig." Nabitawan na ni Jem ang napigil nyang paghinga nang marinig ang boses ng kanyang Lola. Bago isara ang ref ay kinumpas ni Jem ang kamay nang paulit-ulit, aktong iniimbita na pumasok ulit ang lamig.

"Gusto mo makurot sa singit, aber?"

"Lola naman hindi na mabiro."

"Kayo talagang kabataan ang hilig nyo pagkatuwaan ang mga sinasabi ng matatanda. Pag sinaway kayo, lagi na lang kayong hindi nakikinig. Sising alipin kayo sa huli. Halina kayo't dito makinig may kailangan akong sabihin sa inyo." Litanya ni Lola Delia. Hindi masyado inisip pa ni Jem ang paggamit ng kanyang Lola ng kayo at inyo kahit isa lang ang kausap nito.

Naupo sa may sala ang dalawa, hinanda ni Jem ang sarili na makinig at pagbigyan ang kanyang lola ngunit natahimik ito na tila bang nakalimot na sa gusto nyang sabihin. Malipas ang halos dalawampung minuto, naisipan na ni Jem na linisin ang ilang bahagi ng bahay na hindi pa nya natapos kahapon.

"Sige. Lola, maiwan ko muna kayo at ako'y maglilinis muna."

Nang makatayo na sya's saka naman nagsimulang magsalita si Lola Delia.

"Apo, pagpasensyahan mo na ang Lolo. Alam ko naman na medyo nagtampo ka sa kanya nuong bata ka dahil madalas ka nyang mapalo. Ganun lang talaga sya magdisiplina."

Binaling ni Jem ang tingin sa lola. "Lola ... alam ko naman po iyon. Makulit ako dati."

"Oo makulit ka nga. Sa totoo lang mana ka sa lolo mo, madalas ay makulit din. Ang hilig nyang manggulat, gaya nang kapag abala ako sa aking pananahi, maya-maya'y nasa likod mo na pala at gugulatin ka na lang. Pilit ko syang sinasaway pero hindi pa rin nagpapa-awat. Pagpasensyahan mo na lang sya."

Napangiti si Jem sa pag-alala ng kanyang Lola sa kanyang Lolo. At bahagyang natawa dahil patango-tango na ang ulo ng Lola dahil sa pagka-antok.

"Si Lydia pag nakasalubong mo sa hagdan ay huwag mong pansinin. Mabait iyon, mahilig lang talaga sya magakyat-baba sa hagdan. Paulit-ulit. Akyat at baba."

"Kapag may nakita ka namang gusgusin sa may bandang banyo, mabuti pa'y magpigil ka na lang muna. Minsan sinusumpong si Kanor at manggugulo habang ikaw ay nasa banyo."

"At yung kuwarto. Mainam pa layuan mo na lang ang kuwarto kung nasan ang ... ang ... Huwag mong bubuksan iyon at lalong huwag na huwag mong titignan ang salamin..."

Napabilis bigla ang tibok ni Jem sa huling sinabi ng lola. Biglang nawala ang planong maglinis sa isip nya dahil sa kakaibang kaba na naramdaman. Mas mainam siguro na huwag na muna syang magpupunta sa kung saan-saang bahagi ng bahay. Nais pa sana usisain ni Jem ang kanyang Lola pero nakatulog na talaga ito. Sa kagustuhang may mapagsabihan ng kanyang mga agam-agam, agad nyang inilabas ang cell phone upang matawagan ang kaibigan.

"Apo ... huwag mo rin papasukin ang nakamasid sa atin kanina pa sa may bintana."

Ngunit hindi na ito narinig ni Jem dahil nakalayo na ito upang hindi maistorbo ang kanyang Lola habang sinusubukang kontakin ang kaibigan.


Lumipas ang maraming oras at maraming subok na tawagan ang kaibigan pero hindi makontak ni Jem si Jazz. Sa pagsulat nya ng ika-walong SMS sa kaibigan ay bigla na lang umatungaw ang lumang orasan sa kabahayan - senyales na alas-sais na ng gabi. Matapos ang maingay na tunog ay malakas na katok naman ang kanyang narinig.

Tatlong tok-tok-tok. Tigil sabay katok ulit. Hindi pa oras ng uwian ng kanyang Nanay Rome kaya naman napaisip sya nang husto kung sino itong biglaang bisita. Tumungo sya sa pinto at sumilip sa maliit na silipan habang patuloy ang maingay na pagkatok. Hindi nya makita masyado ang taong nasa pinto dahil sa malabong salamin ng silipan pero naaninagan nya ang isang pamilyar na postura at salamin.

Jazz?! Takang-taka si Jem dahil narito sa Tarlac ang kaibigan at bumisita. Surpresa ba ito? Kaya ba hindi sya sumasagot sa telepono?

Sumigaw sya at kinausap ang kaibigang nasa kabilang panig ng saradong pinto. Tumugon naman ito kaya binuksan nya ang pinto nang tuluyan para makausap nang maayos ang kaibigan. Hindi mawari ni Jem kung bakit pero ginapos na naman sya ng kakaibang pakiramdam kagabi - tila bang kapos sa hangin at medyo madilim ang paningin. Parang narinig nyang nagsalita ang kaibigan.

Pwede ba kaming tumuloy?, tanong nito.

Hindi naman makahanap ng dahilan si Jem para tumanggi pero tila bang may nagbubulong sa kanyang diwa na huwag umayon. Gayunpaman, nabitawan nya rin ang katagang oo.

Lahat kami? ... Pwedeng tumuloy?, tanong muli nito.

Napatango si Jem bago tuluyang napaatras mula sa pinto. Naramdaman nyang hihimatayin na naman sya. Nasilayan nya ang pamilyar na pigura ng kaibigan. Ngunit may napansing kakaiba si Jem bago ito tuluyang mawalan ng malay.

Para bang basag ang salamin na tangan ng mukha nito at may mayabong na agos ng dugo sa kanyang ulunan.



Galing sa Getty Images


Interesanteng kuwento ang nasimulan ni @oscargabat. Medyo nahirapan akong ituloy ito dahil hangga't maari ay gusto kong ituloy ang misteryo at timpla na nasimulan ni Manong. Hindi ko lang sigurado kung tumugma nga ba. Bagama't di ko pa lubos na nauunawaan ang misteryo ng bahay at salamin, ayan at nagdagdag pa ako ng bago. Lol.

Ipinapasa ko po ang karugtong ng kuwento sa mga natitirang olodi na sina @jemzem at @beyonddisability. Alam kong mas magiging maganda ang takbo ng kuwento sa mga kasunod at pang-wakas.

Sort:  

Para sa kumpletong kuwento:
Unang Bahagi
Ikalawang Bahagi
Ikatlong Bahagi
Pangwakas na Bahagi

Mabuhay ang Team Mumu!

Nanginginig na ako rito kanina pa dahil sa sobrang lamig ng aircon tapos ganito pa ang nabasa ko! 2 paragraphs pa nga lang 'yong nabasa ko, pero gusto kong ipagpaliban muna kasi ramdam ko na 'yong kilabot plus ako lang mag-isa rito sa office ngayon. Huhuhuhu. Buti na lang feeling strong pa rin ako at natapos ko ito. Grabe ka, @jazzhero! Tutok na tutok talaga ako sa pagbabasa kasi walang part na boring at mema. Damang-dama ko talaga 'yong kilabot! Napatanong nga ako sa sarili ko pagkatapos kong basahin e kung talagang hindi ka fan ng horror stories. Kasi sobrang galing ng pagsulat mo nito! Walang eksena at part na patapon o memasingit, lahat ay ramdam ko na parte talaga ng kwento. Ang galing! Pwedeng-pwede ka pala sa horror writing, Jazz! :D

Medyo napaisip ako kung tama ba yung na-commentan mong post haha. Pero salamat ng marami sa pagtangkilik ng gawa. Marahil nakatulong ang setting mo ngayon dyan sa opisina para sa horror mood. Pasensya na dahil sa timing XD Sa totoo lang medyo fan ako ng horror, pero minsan ay ayoko din na nagbabasa nun haha.

Mas nabuild ang excitement ko para sa susunod nyong gawa ni BD. Salamat :)

Bilang mga napiling hurado para sa round ng serye na ito, narito ang aming mga komento...

Red : Pakiramdam ko naroon ako mismo sa bahay at isa ako sa mga multo na nagmamasid. Multong hindi nanakit o nagpapakita kundi nag-aantabay lang sa kung anuman ang magaganap kay Jem, kay Lola at sa iba pang tauhan. Muli ay natangay na naman ang aking kamalayan sa isang mundo na punumpuno ng substance, emosyon at deskripsyon. Kaugnay na yata ng pagkatao ng manunulat ang kahusayan sa paglalarawan kahit sa pakiwari ko ay mahirap mailarawan ng may akda ang kanyang sariling likha. Para sa akin, isa itong obra na pwedeng tangkilikin ng masa. Siksik sa impormasyon at sagana sa detalye. Malaking puntos din sa daloy ng kwento. Napapapalakpak ako habang binabalikan ang mga eksenang nagustuhan ko.

Pinkish : Scriptwriter ka rin ba? Ito ang mga linyahan na hinahanap ko. Gusto ko i-quote iyong

"Gusto mo makurot sa singit, aber?"

"Lola naman hindi na mabiro."

"Kayo talagang kabataan ang hilig nyo pagkatuwaan ang mga sinasabi ng matatanda. Pag sinaway kayo, lagi na lang kayong hindi nakikinig. Sising alipin kayo sa huli. Halina kayo't dito makinig may kailangan akong sabihin sa inyo." Litanya ni Lola Delia. Hindi masyado inisip pa ni Jem ang paggamit ng kanyang Lola ng kayo at inyo kahit isa lang ang kausap nito.

Well, wala na akong ibang masasabi dahil sobrang napahanga talaga ako. Wala rin akong mapuna na mali. Siguro magiging masyadong panatiko ako kung iisa-isahin ko pa ang magagandang puntos. Sapat na ang nasabi ko. Exceptional ang skills mo sa scriptwriting.

Dark : Eto na yata ung parte na inaabangan ko, ung magpapanggap na ang mga multo na sila ung mga karakter sa kwento. Eto talaga ung mga kwentong gusto ko rin isulat at gusto ko ring gamitin na eksena. Lalo na ung kung paano papatunayan ng totoong tao na siya talaga ang tunay at hindi multo. Gusto ko rin purihin ung mga naka-bold na mga pangungusap. Doon napopokus ang atensyon ko. Parang nabibigyan ako ng katanungan at paminsan-minsan hint din sa kung ano ang i-eexpect ko na mangyari sa kwento.

Medyo mahaba magpaliwanag ang tatlong hurado. Pero napagpasyahan nila na PASADO sa kanilang panlasa ang naisulat ng ikalawang kalahok sa Horror Serye.
Congratulations @jazzhero makakapagpahinga ka na muna
Antabayanan na lamang ang anunsyo sa discord na gagawin ni @lingling-ph

💓💓💓Nakakataba ng puso at ang iyong komento kung sino man ang katauhan sa likod nyong mga huradong - Red, Pinkish at Dark (tawang-tawa pa rin ako sa naming ninyo 😂). Inaabangan ko talaga ang komento mo matapos ninyo matapos ko mabasa ang mga naisulat ninyo kahapon.

Na-apperciate ko ang effort ninyo na suriin mabuti ang aming mga akda. Alam kong mahirap ito sa parte ninyo pero malaking tulong ito sa manunulat para mas mapabuti pa ang aming mga gawa. Salamat!

Jazz! Kung itutuloy ko ang bahagi ng aking nasimulan na kwento, tiyak ganito ang isusulat ko. Nakakamangha nga kasi may mga parte ng kwento na “wow! Ang lawak ang imahinasyon” lalo na ung nagsasayaw si lola. 😀 nice one Jazz! Sabi nga nila, hindi magiging maganda ang kwento kung walang mamumuong katanungan sa bawat magbabasa. At ayun nga! Tuloy tuloy pa din ang misteryo! Haha. Kapana panabik ang susunod na istorya. 👌

Nakakatuwang mabasa ang iyong kumento, Manong. Ayos at sumakto pa rin ang timpla ng kuwento sa una mong akda. Medyo naisip kong tanungin ka ukol sa mga misteryo ng bahay, kasi wala ako ideya, pero sila Jemzem at BD na bahalang mag-resolba nyan haha. Salamat sa magandang panimula.

Naku kahit di ko sabihin ang mysteryo, alam ko naman na kayang kaya nyo yun. Kayo pa ba mga lodi. Tyaka sisiw lang ulit nito ni titser @jemzem at lodi @beyonddisability ito. Kay lalawak din ng imahinasyon ng mga yan, talo pa ang edsa.😃

As always. Nakakabitin. Akala ko may kasunod pa po. Excited pa naman ako. Hahaha

Ang paglalarawan ng bawat kilos ng karakter ang pinaka nagustuhan ko dahil habang binabasa ko ito ay namumuo sa utak ko ang mga eksena na parang nasasaksihan ko ito sa totoong buhay.

Sabik na ko sa kasunod. :)
Ang galing galing nyo po talaga magsulat. @jazzhero

Posted using Partiko iOS

Salamat sa pagbabasa ng kuwento, Czera. Kung nabitin ka, mas lalo mo talaga dapat abangan ang kasunod na kuwento nila Jemzem at BD Boom. Maski ako ay excited na sa kasunod at hindi ko rin alam ang mangyayari :)

Nakadalawa na sila. Grabe kayo team mumu! Hahaha

Si Jazz dito, true to his nature in real life. Lalakeng mahilig sa horror at nakasalamin.

Na achieve naman ang pagpanatili ng misteryo sis. Mahusay ang transition, ang paglalarawan, at ang katatakutan na ipinasok mo sa kwento.

Mahusay mahusay. ☺

Salamat sa suporta, Maine. Alam mo naman na naghahabol tayo sa sikat ng araw kaya nagmamadali ako haha. Kailangan kasi kapag gabi na, nakalimutan ko na yung naisulat ko. At talagang inaabangan ko ang kuwento naman ng team brutal :)

Naaalala ko tuloy yung programa sa radyo nung kabataan ko, "Gabi ng lagim". Lahat kaming magkakapatid makikinig habang nakabalot sa kumot tapos mag tatakip ng tenga kapag sa nakakagulat na parte na at kapag malapit na yung inaabanganng parte matatapos na at 1 araw na naman ang hihintayin namin. Nakakalungkot lang na di na mararanasan ng iba iyon pero kapag nabasa nila mga ginagawa niyo kahit papano makukuha nila yung pakiramdam.

Mahirap din yung ginagawa niyo na dugtungan, nakaka pressure sundan yung istorya lalo na pagmataas na yung na i set na standard, good luck sa mga susunod na kabanata haha

Salamat sa pagbabasa, bro. Nabanggit mo nuong nakaraan na medyo nose-bleed sayo ang Tagalog kaya naman salamat sa effort. Haha. Grabe di ko kaya yang mga radio show dati. Nakakakilabot ang level ng kuwento at acting ng mga voice actor.

Ito ang katuwaan naming writing exercise - ang dugtungan sa #tagalogserye. Gaya ng nasulat mo kanina. Napansin ko rin na mas nahahasa ako sa pagsulat kada akdang natatapos.
This is the drill that will pierce the heavens!

Sayang lang wala nang mga ganong programa ngayon buti na lamang at may internet na haha.

Magandang bonding yan sa mga kapwa nating Pilipino, mapapatibay niyan ang komunidad ng mga pinoy dito sa steemit. Antabayanan ko yung susunod na kabanata.

Show 'em what Filipino Horror stories are made of! Row, row fight the power!

Who the hell do you think we are? Hahaha.

Oo madalas nakakatuwa makipag-dugutngan, minsan nakakaiyak sa hirap. Kung sakali baka magustuhan mong sumali sa mga susunod na round :D

Medyo alanganin yung timing dahil lilipat ako ng tinitirhan kaya kailangan kong magadjust saka di ko alam kung kaya kong magsulat ng mga istorya lalo na yung mga pansindak haha

Alright, no worries man. Only if you are in a Tagalog storytelling mood. Besides, I'm more than fine if you continue blogging the way you do :)

He's a bro pala. Kala ko he's a sis, if u know what i mean @jazzhero. 😅 hello po sa nu. ✌

Ay lahat na lang mistaken identity @chinitacharmer. Parang isang gender lang ba nageexist? Hahahaha.

Nabasa ko na po ang unang bahagi ng Team Brutal. Magaling, magaling. Kaabang-abang ang kasunod na mangyayari sa karakter ni Ineng :D

Hello po ma'am o sir? haha

Kahit ano pong gusto nu. Flexible naman ako. 😅

@jazzhero, sa buhok kasi. Kaya ganern. ✌

Haha sige ma'am na lang para mas masarap pakinggan

sali na po kayo sa weekly @tagalgoseye sir @ascheriit
kada linggo iba iba po ang tema ng serye :)

magoobserve muna ako, pero salamat sa imbitasyon :)

  • pwede ba kaming pumasok ?
  • lahat kami ...pwedeng tumuloy?
  • lakas ng trip ng mumu
  • pwedeng tugon, "may dala ba kayong foods?"
  • mas feel magbasa ng halos alas dose na ng gabi
  • boss @jazzhero bakit bihira ka lang magsulat. more more more pa
  • ang taas ng antas ng descriptive words as always present in your write ups

Nagkatotoo ata na nakalimutan ko na yun sinulat ko pagsapit ng gabi haha. Yan kasi plano ko kaya tinapos ko ng maaga kanina. Hindi ko tuloy naintindihan agad ang "pwede ba kaming pumasok?"

Salamat sa pagsuporta BD Boom, kayo na ni Jemzem ang bahala kay Lola Delia at kay Jem. Yang si Jazz sa kuwento, natulayan na ata haha. Excited ako mabasa ang mga susunod.

  • hopefully magawa ko ng fri ..kais kung sat... di ko talaga magagawa
  • kinilabutan ako sa "pwede ba kaming pumasok ...lahat kami"

Congratulations @jazzhero! You have completed the following achievement on Steemit and have been rewarded with new badge(s) :

Award for the number of comments received

Click on the badge to view your Board of Honor.
If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

Do you like SteemitBoard's project? Then Vote for its witness and get one more award!

Coin Marketplace

STEEM 0.19
TRX 0.15
JST 0.029
BTC 63287.47
ETH 2569.39
USDT 1.00
SBD 2.81