Tagpuan (Orihinal na Akda)

in #story7 years ago

Tagpuan

ni Krizia Michelle Erodias

1.jpg

Umuugong ang paikot-ikot na bentilador sa gitna ng silid na madilim. Wari’y liliparin ang anumang mahanginan nito. Maririnig ang mga kuliglig na tila nariyan lamang sa paligid at nakamasid. Isa lamang ang tiyak. Malalim na ang gabi ngunit gising pa rin ang diwa ni Isa. Hindi magkamayaw ang kanyang utak sa kaiisip sa misteryosong lalaking kanyang ginigiliw.

Tatlong beses palang niya itong nakikita ngunit nakatitiyak siyang iniibig niya ito at ganun din ito sa kanya. Sa sandaling ipikit niya ang kanyang mga mata, nagigising siya sa isang paraiso. Ang paraisong hindi niya mawari kung tunay o likha lamang ng kanyang imahinasyon. Nasa ganoong pagwawari siya ng abutan ng antok. Ipinikit niya ang kanyang nagpupungay na mata. Sa isang iglap lamang ay naglakbay na muli ang kanyang diwa.

Bughaw muli ang kalangitan at ramdam ang kakaibang kasiyahan sa paligid. Pansin na pansin ang naglalakihang mga bulaklak sa berdeng-berdeng damuhan na tila bumabati sa kanya sa bawat hakbang ng kanyang mga paa patungo sa kanilang tagpuan, ang higanteng puno ng mangga. Sa ilalim ng puno’y matatanaw ang isang binatang matikas ang tindig, kulay-puti ang kasuotan at mariing nakatingin sa kanya. Muli’y hinihintay siya ng kanyang prinsipe. Nakatali ang itim at mahaba nitong buhok. Kayumanggi ang balat nito, matangos ang ilong, mapupula ang may kakapalang labi ngunit ang kapansin-pansin sa lahat ay ang berde nitong mga mata. Berde ma’y tila nagbabaga ang mga mata nito’t mabibihag ang sinumang tumitig dito.

“Kanina pa kita hinihintay, aking irog,” wika ng lalaki.
Ngumiti ang dalaga ng pagkatamis-tamis.
“Bakit? Na-miss mo ko?” Pangungutya ni Isa.
“Lubos akong nasabik sa iyo Narcisa. Akala ko’y di ka makakarating.”
“Pwede ba naman yun? Syempre pupunta ako. Nag-promise ako, diba?”

Tumango ang lalaki at kinuha ang kamay ni Isa. “Halika.”
Naglakad sila sa parang at binaybay ang burol pababa sa batis. Naupo sila sa pampang at pagkaraa’y tinanggal ni Isa ng sapin sa paa at idinampi ang malamig na tubig sa kanyang balat.

“Sana’y hindi ng magwakas ang ganitong sandali,” wika ng binata sabay pisil sa palad ni Isa.
“Sana nga,” sambit ng dalaga sabay ilig ng kanyang ulo sa balikat nito.
“Nais mo bang magkasama na tayo habang buhay?” tanong ng lalaki.
“Pwede ba? Pwede kaya? Paano?” Sunod-sunod na tanong ni Isa sabay tingin sa kasintahan.

Inilapit ng binata ang mukha kay Isa. Akmang hahalikan niya ang dalaga. Bagaman nagulat ang dalaga’y ipinikit niya ang kanyang mata. Napakalakas ng kabog ng kanyang dibdib. Halos mabingi siya sa kabog nito. Ramdam niya ang mainit ng hininga ng kanyang irog sa kanyang mukha. Nang bigla-bigla’y narinig niya ang pagtawag ng kanyang ina.

“Narcisa, narcisa! Isa!!” sigaw ni Aling Doray. Niyuyogyog nito si Isa.
“Hmmmm… Inang? Bakit po?” tanong ng pupungas-pungas na dalaga.
“Binabangungot ka anak. Kalahating oras na kitang ginigising pero di ka magising.” Sagot ng ina niyang alalang-alala sa kanya.
“Ha? Hindi po. Ang ganda-ganda nga po ng panaginip ko. Bakit niyo po ko ginising ‘nang?”

Hindi maipinta ang mukha ni Aling Doray sa sinabi ng kanyang anak ngunit di na niya ito sinagot. Sapat na sa kanyang nagising ang nag-iisang anak.

Pagkaran noo’y di na muling nanaginip si Isa. Hindi na niya muling nakita ang binata. Napagtanto niyang hindi niya man lamang nalaman ang pangalan ng kanyang irog. Patuloy na umasa si Isa sa pagbabalik ng kanyang prinsipe subalit hindi na ito nangyari. Pagkalipas ng maraming taon nakalimutan na niya ang binata. Nagpatuloy ang buhay ni Isa. Nag-aral siya sa kolehiyo at naging matagumpay na guro. Tila naging isang malayong panaginip na lamang ang dating sinisinta ng dalaga.

Pagkaraa'y muling nagmahal si Isa. Nahulog ang puso niya kay Santiago, isang inhinyero. Isa ito sa mga tumulong upang maitayo ang mga bagong silid-aralan sa kanilang baryo. Sampung buwang panunuyo ang ginawa ng binata at tatlong taon silang naging magkasintahan bago nagpasyang magpakasal. Labis ang pagmamahalan ng magkatipan.

Handa na ang lahat para sa nakatakdang kasalan ngunit tatlong araw bago ang nakatakdang tipanan, nagkasakit ng malubha si Isa. Hindi maipaliwanag ang kanyang karamdaman. Dinala siya ng katipan sa iba't ibang doktor at iba pang mga dalubhasa ngunit walang makapagpaliwanag at makapagpagaling ng kanyang karamdaman. Naging sobrang mahina si Isa. Hindi na siya makakain. Para lamang makainom ay kailangang basain ng tubig ang bulak at pigain ito sa bibig ni Isa. Maliwanag na nararapat lamang ipagpaliban ang kasal.

Labis ang pag-aalala ni Aling Doray sa kanyang anak. Naging bulong-bulungan din sa kanilang baryo na konting panahon na lamang ang nalalabi kay Isa. Madalas ay napapaaway siya sa pagtatanggol sa naghihingalong anak. Lubos siyang nagdurusa sapagkat hirap na hirap na ang kanyang anak.

Isang matandang palaboy ang nagmagandang loob na magsabi sa kanyang mayroong manggagamot na nagngangalang Ka Tonyo sa karatig bayan na nakakapagpagaling ng anumang sakit. Bagaman hindi naniniwala ang pamilya nila sa mga albularyo't, isang kilalang baliw ang nagsabi nito'y, sinubukan nilang bumisita roon sapagkat wala na silang malapitan.

Napakahaba ng pila ng mga taong naroroon sa bahay ng manggagamot. Kinailangan nilang pumila ng labintatlong oras para sa wala. Tumigil ng manggamot ang albularyo pagsapit ng alas sais ng takipsilim at malayo pa sila sa pila. Nagsiuwian na ang mga tao subalit sinubukan pa rin nilang lumapit at makiusap. Ang sabi lamang sa kanila'y nagpapahinga si Ka Tonyo. Bandang alas dose na ng lumabas si Ka Tonyo sa silid nito at laking gulat siya ng maabutang naroon pa rin sina Aling Doray, Santiago at ang nakaratay na si Isa.

"Alam ko kung bakit kayo naririto. Hindi ko kayang gamutin ang anak mo," ani Ka Tonyo. "Mabuti pa't umuwi na lang kayo."

Umiiyak na si Aling Doray. Nagpakilala sila sa matanda at ikinuwento ang kanilang problema ngunit naging matatag ito sa kanyang sinabi. Nagpatiluhod na ang ina ni Isa sa sahig at nagmakaawa kay Ka Tonyo. Hawak-hawak naman ni Tiago ang kanyang magiging biyenan.

"Please po, Ka Tonyo," wika nito.

Huminga ng malalim si Ka Tonyo at naupo sa tabi ni Isa.
"Wala na tayong magagawa. Hindi ko kaya ang gusto niyo misis. Kakaibang nilalang ang nagkakursunada sa anak niyo. Malakas siya at hindi ko siya kayang labanan."

Biglang nagbalik kay Aling Doray ang umagang ginigising niya ang kanyang anak. Hindi niya inakalang malaking bagay ito sa nangyayari sa kanyang anak. Isinalaysay ni Aling Doray ang pangyayaring ito sa kanila.

***

Pumasok si Aling Doray sa kwarto ng kanyang anak upang gisingin ito para mag-almusal. Nagulat ito ng madatnan ang anak na nakataas ang kaliwang kamay na tila may inaabot. Umuungol ito na parang sinasakal. Dagli-dagli niya itong ginising. Niyugyog niya ito ng pagkalakas-lakas upang magising subalit hindi niya ito magalaw. Tumagal pa ng limang minuto ang anak sa ganoong posisyon. Nagdarasal na si Aling Doray at muli niya itong niyugyog. Naigalaw niya ito. Pagkatapos ng ilang minuto'y naalimpungatan na ito.

***

"Maaring nakakilala ng engkanto ang anak mo, Aling Doray. Maaring gusto o mas masaklap ay mahal rin ito ng anak mo kung kaya't mas lalong wala ako... tayong magagawa."

Maya-maya'y dahan-dahang iniangat ni Isa ang kanyang kaliwang kamay. Hindi nila ito maibaba. Pagkaraan ng tatlong minutong pagkakataas ay biglang bumagsak ang kamay ng dalaga. Binawian na ito ng buhay.Hindi na siya humihinga. Matigas ang katawan nito na tila isang kahoy. Tahimik na lumuha si Tiago samantalang isang nakakabinging ngawngaw ang pag-iyak ni Aling Doray.

Bughaw muli ang kalangitan at ramdam ang kakaibang kasiyahan sa paligid. Pansin na pansin ang naglalakihang mga bulaklak sa berdeng-berdeng damuhan na tila bumabati sa kay Isa sa bawat hakbang ng kanyang mga paa patungo sa kanilang tagpuan, ang higanteng puno ng mangga. Sa ilalim ng puno’y matatanaw ang isang binatang matikas ang tindig, kulay-puti ang kasuotan at mariing nakatingin sa kanya. Muli’y hinihintay siya ng kanyang prinsipe. Nakatali ang itim at mahaba nitong buhok. Kayumanggi ang balat nito, matangos ang ilong, mapupula ang may kakapalang labi ngunit ang kapansin-pansin sa lahat ay ang berde nitong mga mata. Berde ma’y tila nagbabaga ang mga mata nito’t mabibihag ang sinumang tumitig dito. Inabot ng lalaki ang kamay ni Isa.

“Halika. Tulad ng napag-usapan natin kanina, habambuhay na tayong magkakasama,” wika nito.

Gulat na gulat ang dalaga. Hindi na ito ang nais ng kanyang puso. Gusto na niyang umuwi ngunit hindi siya magising. Pakiramdam niya'y pinagsakluban siya ng langit at lupa. Nagdilim ang paligid. Namatay ang mga bulaklak at natuyo ang malawak na damuhan. Umiiyak ang hangin at naghihinagpis ang batis. Nais na niyang umuwi ngunit hindi na siya makaalis. Kadiliman.


Image Source

Sort:  

Dear i can't understand your language but i got your message
Picture tells it's story.

Yes, it is. It's Filipino. I'm still doing the English translation. I apologize.

Coin Marketplace

STEEM 0.17
TRX 0.16
JST 0.029
BTC 61659.26
ETH 2446.04
USDT 1.00
SBD 2.60