Ang Mangangaral sa Damasco

in #religion7 years ago

Kabanata 7

Sama sama ang iyong mga disipulo na magta-trabaho para sa iyong relihiyon na walang bayad sa paniniwalang sila ay lalong mababanal sa kanilang mga pagtupad bilang mga maytungkulin. Kahit abutin sila ng gabi at magbuwis ng buhay ay maligaya sila dahil naniniwala sila na dahil sa mga hirap nila ay maninirahan sila sa bayang maluwalhati at mawala man ang buhay nila dahil sa pagtatanggol sa iyo ay mayroon naman silang buhay na walang hanggan. Sila ay lagi mong bigyan ng regular na masahe - ang pagbibigay ng lektura sa kanila. Panumpain mo sa Diyos ang bawat isa sa kanila upang maging banal ang kanilang pagkakilala sa kanilang karapatan. Maging ikaw- ipakita mo sa kanila na ikaw ay nanumpa rin sa harap ng Diyos. Gagawin mo ito hindi dahil sa kinikilala mo na ang iyong mataas na tungkulin ay galing sa Diyos, ikaw ang tunay na diyos sa iyong relihiyon, papaniwalain mo lang sila na ikaw ay hamak ding tagapaglingkod at nananagot sa Diyos.
Sa pagkuha ng salapi ay gamitan mo ng mga banal na salita gaya ng abuloy, handog, pasalamat at iba pa. Ang mga salitang iyan ay dugtungan mo ng mga pang-uri na malakasan, sabay sabay, tangi, katangi-tangi, masagana, makasaysayan at puspos, pagkatapos ay ituro mo sa kanila na sila ay pagpapalain, uunlad at lalong mababanal. Itaga mo sa bato, tatabo ka ng katakot-takot na salapi. Bukod dito ay lumikha ka ng mga kung ano-anong mga drama o paghahalintulad na ang bunga ay daragdagan pa nila ang salaping kanilang ibibigay. Diyan mo balutin ang iyong panghihingi ng salapi. Lagi mong sabihin sa kanila na ang Diyos ang siyang nag-uutos nito at kapag ginawa nila ito ay malulugod sa kanila ang Diyos, magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan, maliligtas, makapapasok sa kaharian ng Diyos. Sasagana ang kanilang buhay sa mundong ito. Kung mag-iisip sila na bakit hanggang ngayon ay mahirap pa rin sila, ituro mo naman na mamalagi lang sila sa pagsunod at maghintay ay pagpapalain din sila kung hindi man sila ay ang kanilang mga anak sa hinaharap na panahon. Sa ganito ay malulugod silang ibigay ang kahit nakabaon nilang pinaghirapan.
Ganyang kagago ang mga tao sa mundo.Madaling makiliti sa mga pangako na kamamatayan na nila sa kahihintay. Mahihiya pa sila kung maliit ang kanilang naihandog. Lagi silang magsisikap na matapatan ng salapi ang mga nakasisilaw mong mga pangako sa kanila. Isipin mo kung gaanong kayamanan ang makukuha mo sa kanila. Kahit maliit lang ang ibigay nila na halos hindi nila maramdaman ngunit kapag pinag-sama-sama ito ay isa ng napakalaking kayamanan. Ang maliliit na salapi na galing sa mga mahihirap ay nakakatulad ng mga pinong ginto na halos di mo makita ngunit kapag ang mga ito ay napag-sama-sama at dumaan sa tunawan ay nakalilikha ng mga barang ginto. Ngunit huwag kang pumayag na gayun-gayun lamang ang kanilang mga ihahandog. Nasa hanay ng iyong mga leksiyon at mga mangangaral kung papano bubulwak ang napakaraming salapi papunta sa iyo. Gumawa ka ng pagsamba ng mga bata at turuan mo silang maghandog ng salapi sa gayun kahit sa kanila ay makakuha ka ng salapi. Sa pagsamba ng mga bata ay sabihin mo sa mga magulang na ipagmalasakit nila ang kanilang mga anak, ihatid at samahan nila sa pagsamba kapag nasa loob na sila ay hindi nila namamalayan ang nakatago mong layunin na kasama na pala sila sa mga nag-aabuloy. Gawin mo ang walang puknat na pag-hingi ng salapi, iba't ibang mga drama, stratehiya at mga nakaka-lulang mga pangako. Magtatag ka ng mga pagpapanata o panalangin, may nakatayo, nakaluhod, nakatuwad at kung ano-ano pa. Gawin ito na isang linggo, buwan, at taon para dumating sa kanila na totoong-totoo na maghahandog sila sa Diyos. Hindi nila mamamalayan na ikaw na ang nagpapakasarap. Ang mga disipulo mo ay mga habang buhay lang na tagabigay, sila ang mga pang-habang-buhay na tagatustos at ikaw ang habang buhay na taga-gastos. Wala silang karapatan na suriin ka, kapag mayroong magtangka ay itiwalag mo kaagad at gamitin mo ngayon ang salapi nila na pang-lupig sa kanila. Kasuhan mo sila ng kung ano-ano, kung maaari ay ipakulong mo. Habang tumatagal ang relihiyon mo ay dumarami ang iyong mga mananampalataya na mga alagad ng batas, mga abogado, mga dalubhasa sa mga teknolohiya, sila ang magagamit mo na hawakan sa leeg ang lahat ng iyong mga disipulo. Asahan mo na darating ang panahon ikaw na ang mag-hahari sa bansang iyong kinaroroonan. Sa gayun ay mamamalagi ang takot sa iyo ng mga miyembro. Pagkatapos at maglunsad ka ng katakot-takot ng mga pangkabanalang aktibidad ng sa gayun ay mabaling sila sa mga aktibidad na pangkabanalan hanggang sa malimutan nila ang mga kasamaan mong ginawa at balik uli sila sa pagkilala sa iyo na ikaw ay sugo ng Diyos.
Huwag kang mag-alala kung ikaw may walang patawad sa paghingi ng salapi, pagtatayo ng mga negosyong gamit ang abuloy ng iyong mga miyembro, pagbili ng mga lupa sa murang halaga. Hindi bababa ang Diyos mula sa langit para sawayin ka, pulungin ka, o tawagan ka ng pansin at sabihin na ikaw ay isang sakim,masama at walang kabusugan sa salapi at kapangyarihan. Gagamitin mo lang ang Diyos upang magkaroon ka ng kapangyarihan, kayamanan, kaluwalhatian at matakot mo ang mga miyembro mo at makontrol mo sila. Gagamitin mo ang Diyos na bukal ng iyong kapangyarihan, ngunit sa katotohanan ikaw ang tunay na diyos sa iyong organisasyon. Ang Diyos ay magiging pinaka-watawat mo, iyan ay subok na sa maraming mga pagkakataon sa kasaysayan, na sa oras na ipa-wagayway ng hari ang watawat ay nagsusunuran ang mga tao. Ang watawat ay nakakapag-pakilos sa mga taong uto-uto ngunit ang bandera mismo ay hindi nakikialam sa pangunguna at pamamalakad ng isang emperador o hari. Ang Diyos ay hindi makikialam sa iyo kung paaano mo pinangungunahan ang iyong relihiyon, kahit ikaw ay magkamali ng pagpapasya o kaya'y may nagawang masama, ginamit sa kung ano-ano ang abuloy ng iyong relihiyon ay hindi bababa ang Diyos mula sa langit para didiplinahin ka sapagkat higit kang pansamantalang makapangyarihan kaysa Kanya. Gagamitin mo lang ang Diyos na pinaka-roba mo na kapag suot mo ay magkakaroon ka ng kapangyarihan na parang sumasaiyo ang Diyos. Mahahawakan mo sa palad ang buong mundo na tuwang-tuwa naman ang iyong mga alagad. Isigaw mo ng napakalakas sa kanila na ang tagumpay ng inyong relihiyon ay gawa ng Diyos at tagumpay din nila. Maghihiyawan din sila na "Mabuhay ang aming lider!!!" Ngayon hugutin mo ang tunay nakapaloob sa iyong isip at puso, isigaw mo sa kanila na napakalakas na walang tunog "Mga uto-uto at mga gago!!!"

Coin Marketplace

STEEM 0.20
TRX 0.20
JST 0.034
BTC 89955.66
ETH 3105.10
USDT 1.00
SBD 2.98