Kaugaliang Po at Opo Buhay Pa Ba Ito?
Kapag hindi ka "nanganopo" papaluin kita. Iyan ang isa sa mga palaging sinasabi sa amin ng aming mga magulang noong bata pa kami. Kaya't lumaki kami na kahit papaano ay sumusunod sa kanilang turo, bagama't hindi naman talaga kami napalo noon. Parang naging panakot lamang ito sa amin.
Sa panahon ngayon, napansin ko na hindi na ganoon kapalasak ang pag gamit ng "Po" at "Opo" sa mga kabataan, lalo na sa aming lugar.
Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng "Po" at "Opo" at bakit sa aking palagay ay parang hindi na ito ganon kabuhay?
Kapag iyong sinuri ang internet at hinanap ang katumbas ng salitang nabanggit, wala kang makikitang kahalintulad. Masasabing ang "po" at "opo" ay tunay na atin at ito ay isang paraan upang magbigay galang sa mas nakakatanda. Siguro ang pinaka malapit na pwede nating magamit ay ang salitang "Yes" sa Ingles para dito. Ngunit hindi ito ang direktang kahulugan mas magalang at mas marespeto parin ang "po" at "opo".
Sa aking palagay, isa sa mga naka apekto dito ay kung paano tayo napalaki ng mga magulang. Dahil ang ibang mga magulang ay medyo moderno, nais nila na parang barkada lamang ang turing ng kanilang anak sa kanila kaya't ang salitang "po" at "opo" ay hindi nila masyadong nabibigyang halaga.
May iba ring pagkakataon na kung saan tayo na mismo ang nagsasabi sa ating kausap na huwag nang gumamit ng dalawang salita dahil sa ating pakiramdam ay ito ay nakakatanda. Aminin mo man o hindi, kapag ikaw ay medyo nasa bente anyos o trenta, may mga pagkakataong ayaw mong makarinig ng "po" at "opo" mula sa iyong kakilala.
Isa rin sa aking naiisip na maaring naka-apekto sa pag gamit nito ay ang pag-unlad ng teknolohiya. Ang mga kabataan ngayon ay nahilig sa pag te text o chat sa kanilang selepono at ang dagdag na salita gaya ng nabanggit ay magdudulot lamang ng ekstrang trabaho mula sa kanila. Sa pagtetext lalo na, dahil sa limitado lamang ang iyong maaring ipadalang mensahe.
Noong nauso ang salitang jejemon, hindi rin nakaligtas ang "po" at "opo" diyan. Bagama't masasabi nating ang konteksto ng salitang "phowz" at "ohpowz" ay nagmula dito, hindi parin siya natanggap ng ibang matatanda dahil sa unang-una hindi mahirap basahin ang lengwaheng nabanggit lalo na sa isang mensahe sa selepono. Isama mo pa na kapag ito ay binigkas sa iyo ng kabataan, medyo hindi siya maganda sa tainga. (O siguro ako lang ang nakakaramdam noon)
Isa pa sa mga bagay na naiisip ko kung bakit ay ang pag gamit din ng salitang ito bilang pagsagot ng pauyam sa iyong kausap. Minsan kung ayaw mo nang pakinggan ang iyong kausap ay sasabihin mo nalang na "opo" para ito'y matapos na. Oo ako ay guilty diyan minsan.
Ngayon kung sasabihin natin na ito ay patay na, sa tingin ko naman ay hindi pa, ngunit ito ay naghihingalo na. Sa ating simpleng paraan na pagtuturo sa mga bata palang ang halaga ng "po" at "opo" malaking bagay na ito. Huwag na nga lang silang takutin na sasaktan dahil sa magagalit ang DSWD at Bantay Bata diyan. Ang hamon sa atin ay kung paano muli ito palalakasin pa at maipamalas ang halaga ng ating nasabing kaugalian upang hindi rin makalimutan ng susunod na mga kabataan.
Sa tingin mo ano pa kaya ang naging mga hadlang upang mapaunlad ang nasabing kaugalian at ano ang maari pa nating gawin upang mapagyabong ito?
Di pa naman patay siguro, nasa tao din kasi yan at environment nila. pero nasa pamilya ng bawat tao na. gabayan at turuan ng magagandang asal.. at kong ano nakikita nila sa kanilang bahay bahay nagagaya nila kaya dapat tayong medyo may edad na hhehe eh tayo ang maganda nilang halimbawa. nakaka tuwa yong phowz at ohpowz, pitikin ko kaya hahaha
Hahahha malaking factor talaga ang kinalikhan para mahubog ito. Salamat phowz sa inyong pagbasa sa aking akda! Minsan sabawan na talaga hahahah
maaaring dumadaan tayo sa ebolusyon ng lenggwahe kaya ganoon
Tama sa bilis ng daloy ng impormasyon, minsan ang dami ng bagay na nakakaligtan tayo. Ngunit sana'y di mawala itong nabanggit na kaugalian.
sa tingin ko po ay isa ring dahilan ang environment na kinalakhan, maaring sa environment na nakagisnan ay hindi gaano nagagamit ang po at opo. Nakakapanghinayang laman po at ang karamihan ng kabataan y nawawalan ng respeto na minsan ahy sinisigawan na ang mga magulanh. Tuloy ako ay nagdududa na sa sinasabi ni rizal na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
Tama bro, sana sa pag-usad ng panahon ay dapat napasabay din ang pag-unlad at pagpapayabong ng kaugaliang ito. Yung environment nandyan na yan. Sa kabataan naman hmmmm pag-asa ng bayan parin sila kailangan lang siguro may gabayan pa. Kasi alam mo na pag medyo matanda na hindi naron ganun ka functional 😂.
Base sa aking araw araw na pamumuhay, Buhay na buhay pa po ito! , Salamat po sa pagbahagi!
Buti pa sa inyo @rave1086! Hahah dito sa amin naku po! Jusmiyo di mo na alam ang nangyayari hahaha.