Epilogo
EPILOGO
Ito ang epilogo ng isang storyang hindi pa dapat natapos.
Ang epilogong kinailangang isulat kahit kulang pa ng napakaraming kabanata ang kwento.
Parang kantang may chorus pero walang refrain.
O kaya nama'y pelikulang may magandang simula pero bitin ang ending.
Pero tapos na. Tapos na talaga.
Patay na ang ilaw. Sarado na ang libro. Wala ng tugtog. Tapos na.
Tapos na kahit hindi pa talaga.
Tapos na kahit ayoko pa.
Narito na ang tulang ilang beses mong kinulit sa'kin.
Ang tulang gusto mong isulat ko, kasi sabi mo kaya ko, magaling ako, magagawa ko 'to.
Sabi ko, ayoko. Nahihiya ako.
Sabi mo, isulat ko lang, hindi ko naman kailangang iparinig sa mga tao.
Sa huli, pumayag ako.
Ang sabi ko, gagawin ko, pero ikaw lang ang makakabasa at makakarinig nito.
Heto na, nagawa ko na, natapos ko na.
Natapos ko na kung kailan wala ka na.
Wala ka na para sabihing, "ang galing! Sabi ko sayo, 'di ba? Kaya mo!"
Wala ka na para purihin ako at ang gawa ko.
Wala ka na para pagtawanan ang mga hugot ko.
Patawad. Huli na ako.
Sa unang kabanata ng ating kwento, natural, nagkakilala tayo.
Nagkangitian, nagkakwentuhan, nagkatawanan at naging magkaibigan.
Hindi ko makakalimutan ang mga masasayang araw ng ating mga kainosentehan.
Walang ideya sa kung ano ang susunod na mangyayari, kabado, nangangapa sa dilim.
Unang beses nating pumasok sa totoong mundo no'n.
Unang trabaho, unang totoong hirap, at syempre, unang sweldo.
Lahat 'yan, ating pinagsaluhan.
Bawat hirap, bawat kalituhan at bawat saya, lahat 'yan ay sabay nating nilasap.
Sabay nating hinarap habang nakangiti... Habang nakatawa.
Sa ikalawang kabanata ng kwento, naging mas malapit tayo.
Mas nagkakilala at mas natanggap ang kapintasan ng bawat isa.
Dumami nang dumami ang mga alaala.
Mga lugar na ating ginala.
Mga musikang sabay nating kinanta.
Mga taong ating nakilala.
Hanggang sa lumaki at naging isang barkada.
Pumasok na tayo sa ikatlong kabanta.
Ito na siguro ang pinakamasaya, pinakamakulay, pinakanakakatawa at pinakamagandang kabanata ng ating istorya.
Parang nagkaro'n ng rising action ang kwento natin.
Nakakilala tayo ng mga taong nagmahal sa atin at literal na sinakyan ang trip natin.
Mga taong minahal tayo sa kabila ng walang katapusang asaran at laitan.
Mga taong tinanggap tayo kung ano at sino tayo.
Mga taong hindi tayo iniwan sa kahit saang laban.
Hindi lang basta barkada ang nabuo.
Hindi lang simpleng pagkakaibigan
kundi tunay na pagkakapatiran.
Kasama sa one to sawang tawanan
hanggang sa pang-teleseryeng iyakan.
Sinuong ang karagatan, inakyat ang kabundukan, ano pa?
Siguro hanggang buwan, kung posible man.
Sobrang saya pag tayo'y magkasama.
Lima lang tayo pero tila atin ang mundo.
Walang pakialam sa kahit na sino.
Basta patuloy lang ang pagkambyo, umabot man hanggang norte o kanluran.
Kainan, kantahan, lakwatsahan,
lahat 'yan, ating pinagsaluhan.
Sobrang saya.
Sobrang masaya.
Ayokong matigil. Ayokong matapos.
Pero okay lang, kasi alam ko, makapal pa ang libro.
Nakaka-tatlong kabanata pa lang naman tayo.
Marami pang kasunod. Marami pang mangyayari.
Marami pang twists, U-Turn at mga karakter na pwedeng dumating.
Ganya'n naman talaga ang normal na kwento, hindi ba?
Pareho tayong manunulat kaya alam natin na sa bawat kwento, may saktong pagdaloy ang mga eksena bago matapos.
Pero ano'ng nangyari sa ikaapat na kabanata ng ating kwento?
Parang may higanteng kamay na kumukurot sa puso ko nang makita kang buto't balat na.
Nanghina ako nang makita kang hinahabol ang iyong hininga pero pinipilit pa ring magsalita.
Pinipilit mo pa ring magkwento kahit halos hindi mo na kaya.
Ang sabi mo "aja!"
Ayaw mo kaming manghina at mawalan ng pag-asa.
Gusto mo kaming kumalma kasi lalaban ka.
Hindi ka mawawala.
Pero ano'ng nangyari?
Kinabukasan, bumalik kami pero hindi ka na namin makausap.
Kung anu-anong makina at aparato ang nakakabit sa katawan mo.
Nakakabingi ang katahimikan.
Hindi iyon ang depinisyon ko ng kapayapaan.
Sino'ng mag-aakalang darating sa ganoong punto ang ating barkada?
Sino'ng mag-aakalang isa sa atin ang maagang mang-iiwan?
Sa lahat ng kabanata, ito ang ayaw kong balikan.
Ito ang ayaw kong tanggapin.
Kasi kung naging nobela lang ang kwento natin, buburahin ko ang kabanatang ito.
Buburahin ko ang eksenang pumikit ka at hindi na muling dumilat pa.
Buburahin ko ang parteng pinagmasdan ka naming nakabalot, malamig, walang buhay at ipinasok sa isang makina upang sunugin at gawing abo.
Buburahin ko ang malakas na dagundong ng makina kung saan ka ipinasok.
Buburahin ko ang mga luha at sigaw namin habang tinatawag ang pangalan mo.
Tinatawag ka namin.
Tinatanong kung ano'ng nangyari?
Bakit ka nang-iwan?
Paano na kami?
Walang sagot. Kasi hindi ka na makakasagot.
Wala ka na... 'Yon ang nakaka-putangina.
Ang kaibigan kong mahal na mahal ko,
ang kaibigan kong kasama ko sa bawat mahahalagang parte ng buhay ko,
kakwentuhan ko mapa-musika, libro o K-drama,
kasama sa lakwatsa abutan man ng umaga,
ang kaibigan kong naniniwalang kaya ko at magaling ako,
ay wala na.
Pumikit at hindi na muling dumilat pa.
Ang puso niyang ilang beses nasaktan ngunit kahit kaila'y hindi napagod magmahal,
ay hindi na muling tumibok pa.
Wala na siya.
Kami'y iniwan niya.
Hindi niya ginusto, pero kami'y iniwan niya.
Ang daya.
Ang daya-daya.
Gusto kong magalit sa mundo, gusto kong magmura, gusto kong sisihin ang kahit na ano at kahit na sino.
Pero mas nananaig ang sakit dito,
dito sa puso ko.
Ang puso kong may marka ng pagmamahal niya.
Kaya kung nasaan ka man, sana masaya ka.
Sana wala na ang sakit na iyong nadama.
Sana nakakangiti ka.
Sana naiintindihan mo ang bawat patak ng luha sa aming mga mata.
Sana tandaan mong kahit kailan, hindi ka makakalimutan ng barkada.
Palagi ka pa rin naming isasama.
Masaya man o masakit, hindi namin itatapon lahat ng ating mga alaala.
Ito na ang epilogo ng ating kwento.
Ang epilogo na masyadong maagang dumating.
Panira sa magandang kwento.
Ang epilogong tutuldok sa isang napakagandang storya.
Akala ko magkakaro'n tayo ng nobela, maikling kwento lang pala.
Pero naging masaya ako sa bawat pahina ng ating istorya.
Gumuho man ang mundo ko sa huling bahagi
subalit wala akong pinagsisisihan.
Habambuhay kong lalasapin ang tamis ng iyong ngiti at ang mahinhin mong tawa.
Miss na miss na kita.
Sana narito ka.
Sana naririnig mo itong tula na matagal ko ng dapat ginawa.
Sana nararamdaman mo bawat kataga na aking binibigkas.
Sana nariyan ka, nakatayo, nakangiti at pumapalakpak.
Kasi bawat bahagi ng tulang ito, bawat salita, bawat letra, ay para sa'yo.
Para sa'yo, aking kaibigan.
Tutuldukan ko na ang epilogo ng kwentong ito.
Salamat.
Paalam.
Geng, mahal na mahal kita.
Sana masaya ka na.
What happened? Totoo ba ito? Na feel ko yong malaking kurot sa puso...kakalungkot naman ang iyong epilogo.
Hi! Salamat sa pag-appreciate ng isinulat ko. Yes, totoo 'to.
Ramdam ko ang kalungkutan, ramdam ko kung gaano kahalaga siya. I'm so sorry for the loss and condolence @prudencianmund.
Congratulations @prudencianmund! You received a personal award!
You can view your badges on your Steem Board and compare to others on the Steem Ranking
Vote for @Steemitboard as a witness to get one more award and increased upvotes!