Maikling Kwento : Ninong Arman

in #philippines6 years ago

"May isang bata...
Ano 'yung bata?
'Yung bata 'yung katulad mo."

"Tapos 'yung bata, nakakita ng rabbit. Ano 'yung rabbit? 'Yung rabbit 'yung may mahabang tenga tapos kumakain ng carrots."

"Tapos 'yung rabbit nasa garden. Ano naman 'yung garden? 'Yung garden 'yung maraming halaman, bulaklak, paru-paro."

"Tapos dun sa garden, may isang bata... Ano 'yung bata? 'Yung bata 'yung katulad mo."

"Paulit-ulit aman po wento 'nyo Ninong Al-man.", reklamo ng batang si Erika sa kanyang bulol na pananalita.

Tatlong taong gulang pa lamang si Erika. Bibong-bibo sa kanyang edad. May tumutubong ngipin sa harapan, bandang ibaba ng kanyang nakausling sungki. Palaging naka-pigtails ang buhok. Madalang siyang magsuot ng tsinelas. Sanay na sanay ang paa niya sa malamig na tiles na nagsisilbing sahig ng kanilang tahanan. Bagama't bukas palagi ang aircon sa kanilang sala, palagi pa rin siyang pinagpapawisan. Pango ang maliit na ilong. Bilugan ang dalawang mata na hugis almond. Madalas siyang kagiliwan ng mga nakakasama dahil sa kanyang kadaldalan at cute na pagtatanong.

"Hahaha! Arman kasi. Sabihin mo nga. Ar-man. Arman.", pagtatama nito.

"Hmph! P'rehas lang aman po un Nongnong."

"Hahaha! Ang cute mo talaga.", natuwa sa pagkakarinig ng Nongnong na itinawag sa kanya. "O siya, maiwan na muna kita dito. Nand'yan na ang mama mo. Ako'y aalis muna. May lalakarin lang ako. Pagbalik ko, bibilhan kita ng pasalubong."

"Yehey! 'Ubong! Gut-to ko 'yun!", tuwang-tuwa ang bata.

"Sige na anak. Mahuhuli na sa pupuntahan mo 'yang Ninong mo."

"Sige na Estela, ikaw na bahala kay Erika.", sabay halik sa pisngi nito at nagpaalam na.

"Arman!", mariing napahawak si Estela sa kamay ng lalake. "Mag-iingat ka."

"Kahit 'di mo sabihin 'yan, mag-iingat pa rin naman ako. Alagaan mong mabuti si Erika."

Hindi ito tumugon. Tahimik na bumuntong-hininga, at sa pagsarado ng kahoy na pinto kasabay na dumaloy ang luha sa mga mata nito.

"Mama, umiiyak ka po ba?", pag-uusisa ni Erika sa ina.

"Hindi anak. Pinawisan lang mga mata ko. Ang init talaga ng panahon ngayon. Teka, lalakasan ko nga 'yung aircon natin."

Labing-dalawang taon ang lumipas...

"Ma, ano nga ba ulit pangalan nung lalakeng dumadalaw dito palagi nung bata pa lang ako?", tanong ni Erika sa ina.

"Lalake? Sino doon? Mga tito mo ba? 'Yung dating kapitbahay natin? O 'yung tagahatid ng bills?", nililito siya ng ina.

"Ninong ko yata 'yun eh.", sagot nito.

"Ah! 'Yung ninong mo pala tinutukoy mo. Nasa abroad na 'yun. Dun na nanirahan.", pilit pa ring kinukubli ang katotohanan sa kanya.

"Ma, nung na-cremate si Papa, saan n'yo isinaboy 'yung mga abo niya?"

"Uhm... ihinalo namin sa spaghetti na inihanda nung lamay niya. Kabilin-bilinan n'ya 'yun para daw maalala siya palagi at makasama ng mga taong dumalo sa burol niya.", malupit na alibi ng ina.

"Eeew! Yuckness! Buti na lang hindi pa ako marunong kumain nung namatay si Papa. Baka sinubuan n'yo ako ah?..."

"Hindi anak. Hindi ko gagawin 'yun sa'yo."

"Pero Ma, bakit wala akong makitang picture ni Papa?"

"Ibinilin din niya na isama sa pag-cremate sa kanya. Lahat ng ala-ala."

"Mmm... Ganun po pala."

Binuksan ni Erika ang tv at inilipat sa news.

"Ma, tignan mo, dali! Parang kilala ko 'yung nasa tv."

"Nasaan dyan?"

"Ayun oh! 'Yung may kargang bata."

May kirot na naramdaman si Estela. Hinding-hindi niya makakalimutan ang mukha ng lalakeng umangkin sa kanya. Ang lalakeng nag-iisang naging nobyo. Ang lalakeng nanloko din sa kanya. At sa isang gabing naganap ang pakikipag-ugnayan niya dito, nagbunga ang kinatatakutan. Nabuo agad sa sinapupunan niya ang bata. Siyam na buwan siyang nagpakahirap dalhin ito. At sa ikaapat na buwan ng kanyang pagbubuntis, nalaman niya na may ibang pamilya pala ang lalakeng minahal. Nahuli niya sa isang restaurant, kumakain kasama ang asawa. Ang tunay at lehitimong asawa. Reserved for Mr. & Mrs. Pamintuan nakalagay pa sa lamesa na kinakainan ng dalawa na tila ba nagmamalaki. Na parang gustong ipamukha sa kanya na kabit siya. At kasama ngayon ang original, secondary lamang siya. Pantanggal stress lamang, 'yun ang naisip niya na papel niya sa buhay ng lalakeng nakinabang sa puri niya. Pero hindi siya nagtanim ng galit dito. Hindi siya nakipagkalas. Pumayag sa kasunduan na palalakihin ang bata at susustentuhan siya. Pero kapalit nun, hindi sila maaaring magsama. Hindi sila maaaring lumantad sa publiko na may relasyon sila. 'Yun ang napagkasunduan.

"Governor Armando Pamintuan", binasa ni Erika ang pangalan na nasa news.

"'Nak, ilipat mo sa channel 5. Manunood si Mama ng basketball."

"Ay oo nga Ma! Finals pala ngayon ng Talk & Text at Rain or Shine.

At tahimik na nanood ang kanyang ina. Paminsan-minsan natutulala ito. Hindi nakikisali sa pagsigaw niya at pag-cheer sa sinusuportahang koponan.

"Anak, maaga ka gumising bukas. Pupunta tayo ng munisipyo ng Caloocan."

"Ano gagawin natin dun, Ma?"

"May ipakikilala ako sa'yo."

Umalulong ang mga aso. Kasabay ng malakas na pagkidlat. Dumagundong ang tunog mula sa kalangitan ng nakakatakot na kulog. Kasunod noon ay ang hindi mabilang na patak ng ulan na kusang humugas sa kanilang bubungan. At sa pag-ulan na iyon, humihikbi ang isang babae. Tumatangis. Nakasalampak sa sahig ng banyo. Iniwang nakabukas ang tubig mula sa shower na lumalagaslas patungo sa kanyang hindi pa hinuhubad na saplot. At sa pagkapa niya sa sariling dibdib, muling kumirot ang puso na nagpapa-alala sa kanya ng nakaraan. Katulad ng pagkakakabit ng kurtina sa shower room, para siyang sinampal ng nasaksihang kagamitan. Pagkakakabit ng kurtina. Pagkakakabit. Kabit.


Anumang pangalan na nagamit sa kwento ay kathang-isip lamang at hindi halaw sa tunay na pangyayari. Humihingi po ako ng pumanhin sakaling may kaugnayan sa tunay na buhay ang kwento at pagkakakilanlan ng mga nabanggit na tauhan. Pati ang paggamit ng larawan ay orihinal kong akda at nilapatan lamang ng kaunting pag-ibayo upang pagmukhaing misteryoso ang kwento.
Sort:  

Pagkakakabit ng kurtina. Pagkakakabit. Kabit.

Ito talaga ang nagdala eh. Haha ang galing talaga, isa sa lagi kong inaabangan ay kung paano mo binibigyang kulay yung paglalahad ng mga kaganapan.

akala ko ung alulong ang aso ang nagdala. nyahaha! sinabayan pa ng kulog at kidlat. akala ko papunta na sa horror ung kwento. naisalba ko pa pala at naibalik sa melo-drama. 😁

ikaw na Japs. Steemit is your platform. Ikaw na gumawa ng bloogers of the day. Kasi pag ako ..ikaw na naman cover image haha

uy wag mo gagamitin ung picture nito sa cover image. nyahaha! baka paghinalaan ng iba kung sino yang mga nasa picture. nyahaha! 😁

gagamitin ko...haha

Coin Marketplace

STEEM 0.17
TRX 0.13
JST 0.027
BTC 60497.39
ETH 2637.52
USDT 1.00
SBD 2.56