Literaturang Filipino: Kabiguan at PagbangonsteemCreated with Sketch.

Kabiguan at Pagbangon

LITERATURANG-FILIPINO ENTRY (CONTEST #3)


“Nabigo ka!” ang laging tumatakbo sa utak ko ngayon.

Ngunit talaga bang nabigo ako? Paano nga ba masasabi kung kabiguan ang natamo ng isang tao? Nabigo ka ba kung sa unang pagsubok ay umaayaw ka na? Nabigo ka ba kung sumubok ka ngunit sa kalagitnaan ay bumitiw ka? O nabigo ka dahil paulit-ulit ka pa ring sumusubok sa mga hamon kahit na lagi kang nabibigo? Teka, paano nga ba?

Ilang hamon at paghihirap na rin ang sinuong ko sa mga nakalipas na taon. Oo, sadyang mahirap ang buhay. May mga pagkakataong gusto ko nang kumapit sa patalim ngunit hindi ko kinaya kaya pinili kong mabuhay nang marangal. Ilang sakripisyo na rin ang ginawa upang makaabot ako sa kinalalagyan ko ngayon.

“Mahina ka! Wala kang patutunguhan!” mga salitang hindi kayang iwaglit ng musmos kong isipan na dala-dala ko sa mga nagdaang taon.

Oo, inaamin kong napakahina ko. Mahina ang aking loob at wala akong kompyansa sa sarili. Ngunit ang kahinaang iyon ang naging inspirasyon ko para maging malakas. Dahil sadyang pinagtitibay ang kalooban ng isang tao ng mga masasakit niyang karanasan.

Sa kabila ng mga pangungutya ng iilan sa aking kakayahan, nagpatuloy pa rin ako…kahit paminsan-minsan ay naiisip ko ring wakasan na lang ang lahat.

Sa murang edad ay natuto akong magbanat ng buto para mabuhay. Ngunit hindi naging hadlang ang kinasadlakan ko upang magkaroon ng edukasyon na makapag-aahon sa pamilya ko mula sa kahirapan. Nag-aral akong mabuti simula elementarya hanggang hayskul. Nagbunga ang aking mga paghihirap nang makapagtapos ng hayskul dahil sa mga parangal na aking natanggap na naging dahilan upang makatungtong ako sa kolehiyo.

Gaya ng karamihan, hindi rin naging madali ang buhay ko sa kolehiyo lalo pa’t aral-trabaho ang ginagawa ko.

Napakahirap ng aking mga pinagdaanan, ngunit totoong lahat ng paghihirap ay magbubunga ng maganda kung magpapatuloy ka lang sa kabila ng lahat. Pagkatapos ng limang taon na pag-aaral ay nakapagtapos ako ng kolehiyo at pinalad ring makapasa sa board exam na naging dahilan upang maging isa akong ganap na enhinyero.

Nagbunga ang lahat at hindi ko maipapaliwanag ang kasiyahang aking nadarama.

Ngunit ngayong ilang taon na ang lumipas…tila nawawala ako. Hindi ko alam kung anong gusto ko sa buhay. Umalis ako sa dati kong trabaho upang hanapin ang gusto ko…gusto kong hanapin maging ang sarili ko.

Umabot sa puntong nagkaroon ako ng depresyon dahil sa kabila ng ilang subok na hanapin ang sarili, hindi ko pa rin ito mahanap-hanap.

Kaya naisip kong nabigo ako.

Ngunit nabigo nga ba talaga ako? Hindi ko alam. Pero ang alam ko, mabibigo ako kung susuko ako.

Oo, mahirap. Pero mas mahirap kung hindi ko mahahanap ang sarili ko. Mas mahirap kung aayaw ako sa mga pagsubok. Mas mahirap kung bibitiw ako sa kalagitnaan ng hamon. Mas mahirap kung susuko ako dahil sa paulit-ulit kong pagkabigo.

Masakit ang mabigo. Ngunit mas masakit kung hindi babangon mula sa kabiguang natamo. Kaya kahit nakakapagod, pipiliin kong sumubok nang paulit-ulit hanggang sa makamit ang aking minimithi.

Sabi nga nila, “hanggang may buhay ay may pag-asa”.


---WAKAS---


DSC_0488[1].jpg

Sort:  

Tama iyan sumubok lang. Kung manghihina minsan magpahinga. Ang pagkabigo ay mangyayari kapag hindi ka na lumaban.

Kaya natin ito! Salamat sa pagsusulat ng tagalog at nawa'y maging matagumpay ka rin sa patimpalak ng @steemph.cebu

Maraming salamat, @tagalogtrail! :)

Coin Marketplace

STEEM 0.17
TRX 0.16
JST 0.028
BTC 76637.36
ETH 2935.85
USDT 1.00
SBD 2.62