Trapped (Short Story)

18010036_1706594476305786_9045773948719078550_n.jpg


"Nakakulong ako sa panahong hindi maaari ang magsama kaming dalawa."


Malalim na ang gabi. Malamig pa ang simoy ng hangin. Pero hindi ko alintana ang ginaw na pilit pumapasok sa kaibuturan ng katawan ko. May pupuntahan pa ako. Kaya heto at binabagtas ang daan papunta sa isang maingay na lugar kung saan siya naroroon.

Hindi ko na halos makita ang paligid dahil sa dilim. Bagamat may naggagalawang mga ilaw na may iba't ibang kulay, hindi iyon sapat para klaro kong maaninag ang paligid. Kahit na ganoon, pilit kong hinanap ang isang pamilyar na bulto ng isang lalaki. Nakaupo. Malayo sa entabladong sinasayawan ng mga tao. Mag-isa. At naglalasing.

Naglakad ako papalapit sa kanya. May problema na naman siguro sila ng nobya niya. Naglalasing lang naman siya kapag ang relasyon nila ang dahilan. Kapag nanganganib na mabuwag ang taling nagdudugtong sa kanilang dalawa.

"Ash." tawag ko sa pangalan niya. Hindi niya ako nilingon. Ang tingin niya ay nasa harap lang. Ngunit paniguradong naglalakbay sa malayo ang kanyang kaisipan. Tinawag ko siya ulit pero gaya ng nauna, hindi niya pa rin ako nilingon.

Nagbuntong-hininga ako saka nilagay ang kamay ko sa balikat niya. Nakuha nito ang atensyon niya at nilingon ako.

"Nandito ka na pala." wika niya at bumalik na naman sa pag-inom.

"Kanina pa akong nandito. Tinatawag kita, hindi mo naman naririnig."

"Ah ganoon ba. Pasensya na. May iniisip lang." sagot niya na wala sa akin ang paningin.

Umupo na lamang ako sa bakanteng upuan sa tabi niya. Nag-order din ako ng maiinom, pero hindi yung hard drink dahil hindi naman mataas ang tolerance ko sa alak.

"Aba, umiinom ka na ngayon ah!" komento niya. Inismiran ko lang siya.

"Alangan namang pabayaan kitang uminom mag-isa. Ano pa't tinawagan mo ko at pinapunta dito di ba?"

"Wala naman. Gusto ko lang may karamay."

"Kaya nga. Para may karamay ka."

"Alam ko namang hindi ka umiinom. Presensya mo lang naman ang kailangan ko." natigilan ako sa sinabi niya. Iwinaksi ko na lamang ang biglaang pag-usbong ng estrangherong damdamin sa dibdib ko.

"Tss."

Naging tahimik ulit kaming dalawa. Pakonti-konti lang ang pag-inom ko dahil iniiwasan kong malasing. Baka sa huli, pareho pa kaming malasing at may mangyari pang hindi maganda.

Hinayaan ko na lamang siya. Sabi na niya, presensya ko lang ang kailangan niya. Sasabihin naman niya sa akin ang problema kung gugustuhin niya. Maghihintay na lang ako.

"Nag-away na naman kaming dalawa." panimula niya. Hindi ako sumagot. Hinihintay ko lang siyang magpatuloy. "Yun pa rin ang dahilan. Lagi na lang niyang iniisip na niloloko ko siya. Na may babae ako."

Tumungga ulit siya ng isang baso ng alak. "Kahit ilang beses kong sabihin at iparamdam sa kanyang mahal ko siya, hindi pa rin nawawala ang agam-agam niya. Hindi ba kapani-paniwala? Na nagbago ang isang playboy na tulad ko dahil sa kanya? Nakakagago!" sinigaw niya ang huli kasabay nang paghampas ng baso sa mesa. Napaigtad ako ng kaunti. Hindi ko inaasahan ang bagay na iyon.

Nilingon niya ako. Mataman niya akong tinitigan. Kung isang yelo lang siguro ako, matagal na akong natunaw dahil sa paraan ng pagtitig niya. Anumang gawin kong pagpigil sa pagbilis ng pintig ng puso ko, ika nga nila, imboluntaryong kumikilos ang puso, kaya hiniling ko na lamang na hindi niya marinig ang malakas na pagtibok nito.

"Sabihin mo, anong dapat kong gawin? Anong dapat kong gawin para paniwalaan niya ako. Para tuluyan nang mawala ang pagdududa niya?"

Matagal bago ako nakasagot. Hinuhukay ko pa sa isip ko ang sagot na sa tingin ko ay tama para sa sitwasyon niya. Nila.

"Hindi naman nawawala ang agam-agam sa pag-ibig. Dahil mahal ka niya, natatakot siyang mawala ka." sagot ko na ikinatawa lang niya.

"Takot mawala? Ako? Eh bakit niya ako hiniwalayan? Yun ba ang takot? Kung mahal niya ako, ipaglalaban niya ako at hindi siya papayag na makuha ako ng iba."

Napangiti ako sa sinabi niya. "Ganoon nga talaga sa pag-ibig, Ash. Nakakatanga. Hindi mo malaman kung ano ang dapat gawin." tumawa lang ulit siya. Bigla niyang nilapit ang sarili sa akin. Hindi ko tuloy malaman kung ano ang gagawin. Ang manatiling estatwa sa harap niya o ang lumayo. Palapit nang palapit na siya sa akin. Kusa na lang ding pumikit ang mga mata ko. Hanggang sa naramdanan ko na lang ang pagpat niya sa ulo ko. Napadilat muli ako.

"Tanga nga siguro. Mahal pero iniiwan." huling sabi niya bago nakatulog sa kalasingan. Mabuti na lamang at nasalo ko kaagad siya.

"Tama ka, Ash. Tanga nga siguro. Dahil kahit mahal kita, kaya kong iwan ka maging masaya ka lang sa piling niya."

Mabilis na lumipas ang panahon. Matapos ang pag-uusap naming iyon sa bar, marami na ang nagbago. Sa kanilang dalawa. Sabihin na lang nating mas naging maganda na ang takbo ng relasyon nina Ash at ng nobya niya. Masasabi kong masaya si Ash. Dahil nawala na ang pagdududa at agam-agam ng nobya niya sa kanya. Isa lang naman ang solusyon na ginawa niya eh.

Ang yayain na itong magpakasal.

At ako pa ang nagbigay ng suhestyon na iyon kay Ash.

Malaking bagay ang pagpapakasal. Kaya alam kong sa paraang yun lang tuluyang mabubuo ang tiwala ng nobya niya sa kanya.

Napakaswerte niya kung tutuusin. Isang playboy ang nagbago para sa kanya. Kahit na maraming away na at problema ang dinaanan nila, hindi pa rin sumuko si Ash sa kanya. Isang bagay na gustong-gusto ko kay Ash. Sobra kung magmahal.

Ngayon ang kasal nila. Bilang isang kaibigan niya, malaki ang ambag ko sa kasal nila. Hindi naman engrande ang kasal dahil pinili nilang maging simple ang pagdaraos. Ang mahalaga naman ay mapag-isang dibdib sila.

Isang bagay na hinihiling kong sana, sana, ako na lang. Ako na lang at siya.

Nakatitig ako sa salamin. Pinagmamasdan ang aking repleksyon. Kulay asul ang aking suot na bumabalot sa aking buong braso. At sa ibaba nama'y hanggang paa ang haba.

"Handa ka na?" napalingon ako sa likod. Si Ash. Nakatayo at sobrang kisig sa suot niyang formal suit. Nakasandal sa pinto habang nakatago ang mga kamay sa bulsa.

Ngumiti ako sa kanya. "Parang ako naman ang ikakasal niyan."

Tumawa lang siya. Lumapit siya sa akin at inakbayan ako. "Siyempre. Importante ang presensya mo sa kasal ko no. Kung hindi dahil sa'yo, baka hanggang ngayon ay away-bati pa rin kami ng mapapangasawa ko."

"Psh. Oo nga no? Kaya dapat magpasalamat ka sa akin. Ilibre mo na lang din ako." sabi ko na ikinatawa niyang muli. Halatang sobrang saya niya. Hindi mo makikita ang kaba sa mukha niya.

"Ikaw talaga, puro libre ang nasa isip mo no? Huwag kang mag-alala, lilibre kita matapos ang honeymoon. Haha!" saka ginulo ang buhok ko.

"Aish! Huwag mo ngang guluhin. Psh. Ang saya mo no?" naiinis na sabi ko.

"Oo eh. Siyempre, ikakasal na ako sa mahal ko. Sinong hindi sasaya dun?" ngumiti pa siya nang pagkalaki-laki.

Napatitig ako sa kanya. Sobra nga ang saya niya. Ni hindi man lang niya makitang nagpapanggap lang akong masaya kahit mahirap sa aking tanggaping ikakasal na siya.

"Oh bakit? May problema ba sa mukha ko at sobra ka kung makatitig?" tanong niya.

"Tss. Wala. Masaya lang ako para sa inyo." pagsisinungaling ko. Ano pa nga ba? Kahit masakit, kailangan kong tanggapin. Masaya siya sa kanya eh. Kaya dapat masaya rin ako.

"Nagdrama pa oh. O siya, mauuna na ako sa'yo. Susunod ka ah. Kailangan kita doon!" sigaw niya habang papalayo.

"Oo na! Atat lang eh." sigaw ko rin.

"Haha! Kita tayo doon, Bestman!"

Saka siya nawala sa paningin ko. Napangiti ako ng mapait. Ibinalik ko ang aking paningin sa aking harap. Sa salamin.

Bestman...

Kung kanina ay nakita ko pa ang isang magandang dilag sa salamin. Ngayon ay bumalik ako sa katotohanan. Sa katotohanang nakakulong ako sa isang katawang taliwas sa gusto ng aking kaluluwa.

Hindi ko magawang ipaglaban ang lalaking naging akin noon. Dahil nakakulong ako. Nakakulong ako sa reyalidad at sa panahong hindi maaari ang magsama kaming dalawa.

Nakakalungkot isipin na kung kailan hindi mga tao ang pumipigil sa amin, tadhana naman ang pilit na ipinaglalayo kami.

Sort:  

Interesting story:)
Steem On!

Take some imaginary @teardrops (smart media tokens). You can read about these special tokens Here!!!

Thank you. :)

Nice story! :)

Thank you. :)

Your Post Has Been Featured on @Resteemable!
Feature any Steemit post using resteemit.com!
How It Works:
1. Take Any Steemit URL
2. Erase https://
3. Type re
Get Featured Instantly – Featured Posts are voted every 2.4hrs
Join the Curation Team Here | Vote Resteemable for Witness

Coin Marketplace

STEEM 0.19
TRX 0.12
JST 0.027
BTC 60185.13
ETH 3290.40
USDT 1.00
SBD 2.44