Literaturang Filipino: Takipsilim at Bukang-Liwayway

27153337_1825297244212380_809846127_n.png

Paborito kong pagmasdan ang bukang-liwayway sa umaga at ang takipsilim sa gabi. Nakakaganda sa pakiramdam habang pinagmamasdan ko ang kalangitan, mapalapit sa kalikasan, at maituring din na kayamanan.


Ang pamumuhay ko ngayon ay payak, taliwas sa uri ng buhay na inaasam ng karamihan. Mga walang katapusang luho, polusyon sa kalsada, ingay ng paligid ay mga bagay na hindi ko nais makasama hanggang sa matapos ang aking kwento.

Nang ako ay makapagtapos ng pag-aaral, sa kabutihan ng Diyos, agad akong nakapagtrabaho. Kahit limitado lamang ang perang nakukuha ko, ginamit ko ito sa matalinong paraan. Sa tulong ng aking mga kaibigan, naitatag namin ang isang negosyong hindi man gaanong popular sa bansa, nagkaroon naman ng pangalan. Ang kita ko doon ay ginamit ko sa pagpapaaral sa aking dalawang kapatid at ipinagawa ng limang-palapag na bahay. Pinahinto ko sa pagtatrabaho ang aking ina at hinayaan ang aking mga magulang na maranasan ang mga bagay na noon ay hindi nila nagawa.

Lumipas ang mga taon at nakilala ko ang lalaking aking minahal at pinakasalan. Nagawa niyang kilalanin ang aking sarili. Anuman ang aking pinakita ay minahal niya at tinanggap ng lubusan nang walang pagdadalawang-isip. Biniyayaan kami ng kambal na anak na siyang pinakamagandang biyaya ng aming bagong pamilya.

Hindi naging madali ang pamumuhay matapos noon. Maraming pagsubok ang dumating. Maraming hindi pagkakaunawaan at muntik nang umabot sa pagputol sa taling dumudugtong sa aming pagmamahalan. Ngunit anong paghihirap pala ay malalagpasan basta may mga karamay ka sa buhay, handang tulungan ka at palakasin ang iyong loob.

‘Habang may buhay, may pag-asa.’

Noong una ay hindi ako naniniwala sa kasabihan na iyon. Ngunit sa mga pinagdaanan ko noon at ngayon, ang kasabihang iyon ang nagpapalakas din sa aking loob na ipatuloy ang buhay.

Naniniwala akong naging mabuti akong ina dahil napalaki ko silang may takot sa Diyos at marunong makipag-kapwa. Nabigyan namin sila ng mabuting buhay at tinuruang huwag dumepende sa iba. Natupad ko ang aking mga pangarap.

Lahat ng kwento sa aking nakaraan ay nakasulat sa aking talaarawan. Bawat hinagpis at kasiyahan, pagbagsak at pagbangon, at pagdududa at pagtitiwala ko sa buhay ay dokumentado. Nais kong ibahagi ang aking talaarawan sa susunod na henerasyon upang malaman nila ang kahulugan ng buhay para sa akin. Nais kong maalala nila ako hindi dahil sa kung sino ako, kundi dahil sa kung ano ang naiambag ko sa mundo.

Paborito kong pagmasdan ang bukang-liwayway sa umaga at ang takipsilim sa gabi. Nakakaganda sa pakiramdam habang pinagmamasdan ko ang kalangitan, mapalapit sa kalikasan, at maituring din na kayamanan.

Masaya kong pinagmasdang buo ang aking pamilya ngayon habang ako ay naghihintay ng takipsilim at nakasilong sa ilalim ng punong mangga. Masaya akong naging makahulugan ang aking buhay sa mundo.

Tulad ng isang kwento, naniniwala akong dumating na ang aking wakas na sinisimbolo ng takipsilim na paparating. Matapos man ang huling kabanata ng aking kwento, alam kong sa panibagong librong buuuin ng aking mga anak, magpapatuloy ang aking sinimulan. Isang bukang-liwayway na hindi ko man na makikita, ay magdadala ng panibagong pag-asa.

Sort:  

Ang galing kabayan!

Salamat po. :)

Steem On!

Take some imaginary @teardrops (Smart Media Tokens)

Thank you for resteeming.

galing namn :)

salamat po.:)