LASING (A Story About Obedience)

23718289_1788538928111340_1521400087_n.png

Ang isang paglabag sa utos ang siyang magdadala ng kapahamakan.


Nakaupo ako sa pang-isahang silya habang paminsan-minsang tinitingnan si Mikael na hindi naman mapakali sa kalalakad at katitingin sa labas ng bintana. Naiiba ang suot niya ngayon sa karaniwan. Bihis na bihis at para bang may balak na gumala. Kunsabagay, iyon naman talaga ang kanyang pakay.

Alam ko kung bakit siya mukhang kinakabahan. Sa buong durasyon ng buhay niya, ngayon pa lamang siya pinahintulutang sumama sa kanyang mga tinatawag na barkada; barkadang ngayon nga lamang yata niya nakilala. Laki si Mikael sa probinsya kung kaya't hindi pa bihasa sa buhay sa siyudad. Maski sa bukid ay malimit din siyang pinagagala ng aming mga magulang. Kung kaya't nang magkaroon ng mga kaibigan dito at pinayagang sumama sa kanila, sobra ang kanyang galak na hindi niya maitago sa kabila ng mga nerbyoso niyang mga galaw.

"Ate, okay lang ba tong porma ko? Baka kasi pangit tingnan." Tanong niya sa akin, bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha.

"Ayos naman ang suot mo, Mikael." Sagot ko matapos muling hagurin ng aking mata ang kanyang kasuotan.

Ngumiti siya sa akin ng matipid saka bumalik sa pagtingin sa labas ng aming bahay. Binalik ko na lamang ang aking paningin sa binabasa kong libro. Maya-maya lamang ay lumabas siya. Dumating na pala ang kanyang mga kasama.

Ilang sandali pa man ay pinapasok na sila ni Mikael sa aming munting bahay. Apat silang mga lalaki at nakaporma rin sa pananamit.

"Magandang umaga po." bati nila sa akin. Tumayo naman ako at binati rin sila. Inanyayahang umupo na kanila namang tinanggap ang alok at nagpakilala sa akin saka nag-usap-usap pagkatapos.

Pumunta akong kusina para bigyan sila ng pagkain bago sila umalis man lamang. Pagbalik ko sa sala ay narinig ko ang kanilang usapan tungkol sa hindi pagsunod sa bilin ng kanilang mga magulang.

"Bakit ka pa kasi nagpaalam?" rinig kong tanong ni Isaiah, ang pinakamatangkad sa kanilang lima, kay Zeke.

Napakamot naman ang huli saka ngumisi. "Eh sa nagtanong eh. Sinagot ko kaya lang hindi ako pinayagan. Pero alangan namang hindi ako sumama sa inyo. Alam naman nilang hindi din ako nakikinig sa kanila."

Sa isip-isip ko ay napailing na lamang ako. Pinagmasdan ko si Mikael na paminsan-minsang makikita sa mukha ang kaguluhan at pagkabigla sa pinapakitang ugali ng mga kasama. Pipi kong hiling ay sana sa kabila ng pagiging hindi magandang impluwensya ng mga kaibigan niya ay hindi siya madala. Lubos ang aming pagpapahalaga sa pagsunod sa mga utos ng aming mga magulang lalo na kung ang aming kabutihan lang naman ang kanilang hangad.

Gusto ko mang makisawsaw sa kanilang usapan ay pinigilan ko ang aking sarili. Sa ngayon ay pagbibigyan ko muna sila. Kunsabagay ay ito pa lang naman ang unang pagtatagpo namin.

Matapos nilang kainin ang meryenda ay napagdesisyunan rin nilang umalis kaagad. Hindi ko man alam kung saan ang kanilang punta pero may tiwala ako sa aking kapatid. Wala siyang gagawin na ikapapahamak niya at ng kanyang mga bagong kaibigan.

"Ate Leng, mauna na kami." Imporma sa akin ni Mikael. Hinatid ko sila sa may pinto. Tango lamang ang aking sagot.

Papatalikod na sila nang may huli pa akong binilin bago sila tuluyang umalis. "Matuto sana kayong makinig sa mga mas nakakatanda sa inyo." sabi ko at matiim na tinitigan ang apat na lalaki. Nakapaskil ang gulat sa kanilang mga mukha na agad napalitan ng pagkalito. "Huwag niyo sanang hayaang malasing ang aking kapatid. Yun lamang ang aking gustong ipaalala sa inyo."

Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Binasag naman iyon ni Mikael. "Si-sige na, ate Leng. Aalis na kami." saka sila iginiya ni Mikael palabas ng bahay. Pinagmasdan ko pa sila hanggang sa makasakay sa kotse, ang pag-andar nito at ang unti-unti nitong pagkawala sa aking paningin.

Mabilis na tumakbo ang oras at namalayan ko na lamang na malapit na palang magpalit ng araw. Wala pa rin si Mikael na inaasahan kong dadating mga alas-otso pa lamang ng gabi. Labis na ang aking pag-alala hindi man bakas sa aking mukha. Kinakabahan ako sa mga senaryong naglalaro sa aking isipan. Sana lamang ay hindi mangyari.

Nasa kwarto lamang ako at tinatanaw sa aking bintana ang labas, hinihintay ang pagdating ng aking kapatid. Paminsan-minsang naipipikit ko ang aking mata ngunit pilit ko pa ring nilalabanan ang antok. Dahil na rin siguro sa tagal ng paghihintay ay hindi ko na napigilan at tunog ng pagbukas ng pinto ang aking huling narinig bago ako tuluyang nilukob ng dilim.

Nagising ako sa ingay na nanggagaling sa aming sala. Tinapunan ko ng tingin ang orasan na nasa mesa sa tabi ng kama. 7:38. Sobrang aga yata ng aming mga bisita at ganitong oras ay nandirito na sila. Marahil ay ang mga kaibigan na naman iyon ni Mikael.

Bumangon ako at inayos ang sarili saka nagdesisyong pumunta sa sala. Ngunit ang inaasahan kong mga kasama ni Mikael na nag-uusap ay wala doon. Sa halip, nadatnan ko ang dalawang nakaunipormadong mga pulis. Gulat ko silang tiningnan, naestatwa pa ako sa aking kinatatayuan, nagtataka kung bakit may mga alagad ng batas sa loob ng aming tahanan.

"Magandang umaga po, Miss Kasimsiman." bati ng dalawang pulis kasabay ng kanilang pagtayo.

"Ma-magandang umaga din ho. Ano pong kailangan ninyo?" tanong ko kaagad. Dumiretso ako sa isang pang-isahang upuan at inilagay ang buong bigat ng aking katawan dito. Hindi ko yata gugustuhing nakatayo lamang kapag sumagot sila sa aking tanong dahil pakiramdam ko ay masamang balita o bagay ang hatid ng dalawang panauhin namin sa umagang ito.

"Tinatanong lamang po namin ang inyong kapatid na si Mikael. Kagabi po kasi ay may nangyaring krimen." muli akong napatda. Krimen? "Kagabi lamang po sa bahay ni Isaiah de Guzman ay natagpuan ang apat na katawang puno ng saksak kabilang na po ang katawan ng binatilyong si Isaiah. May nakapagsabi po sa amin na ang huling kasama ng apat na binatang ito ay ang inyo pong kapatid."

"Tama po kayo roon, chief. Kaming lima po ang huling magkakasama kagabi. Ngunit nauna po akong umalis sa kanila dahil alam ko pong naghihintay sa akin ang aking kapatid at bilin niya rin po sa akin ay huwag akong magpagabi masyado." sagot ni Mikael. Wala akong mabakas na kasinungalingan sa kanyang mga sinabi.

"Maaari mo bang ikwento sa akin ang mga nangyari simula sa kung anong ginawa niyo nang kayo'y magkasama nang lima?" Agad namang kinwento ni Mikael ang lahat.

Hindi ko narinig ang lahat ng kanyang mga sinabi dahil pumunta pa akong kusina at naghanda ng pagkain sa mga bisita. Ngunit hindi ko inaasahan ang aking nakita doon sa basurahan nang minsang itatapon ko sana ang mga patapon nang mga gulay at plastik.

Ngunit sa kabila niyon ay pinanatili ko ang aking normal na paghinga at umakto na parang wala akong nakita.

Pagbalik ko sa sala ay papaalis na ang mga pulis. "Mauna na po kami. Salamat po sa mga impormasyong ibinigay ninyo. Malaking tulong po iyon sa pag-usad ng imbestigasyon."

"Huwag po muna kayong umalis at kumain na muna kayo. Naghanda po ako ng pagkain sa kusina." paanyaya ko sa kanila.

"Hindi na po. Salamat na lamang. Kailangan na naming bumalik sa bahay ni Isaiah de Guzman para sa karagdagang imbestigasyon." pagtanggi nito. Hindi na ako nito binigyan ng pagkakataong pigilan sila dahil agad din silang lumabas ng bahay.

Tiningnan ko na lamang si Mikael na nakaupo pa rin habang sapo ng dalawang kamay ang ulo. "Mikael."

Nag-angat ito ng tingin sa akin, ang mga mata ay nagtatanong. "Bakit po, ate?"

"Anong oras ka nakauwi? Nakatulog na lamang ako sa kakahintay sa'yo."

"Hi-Hindi ko rin alam, ate. Nabigla na nga lang din ako na nakahiga na ako sa kama ko pagkagising ko. Ang huli ko lang kasing naalala ay pauwi na ako sa bahay nun."

"Nag... Nag-inuman ba kayo kagabi? Nalasing ka ba?" Kinakabahang tanong ko.

"Nag-inuman sila kagabi, ate Leng. Inaya nila ako ngunit tumanggi ako dahil yun din ang bilin mo sa akin." wika ni Mikael. Kumunot din agad ang kanyang noo. "Pero isang beses, makikiinom sana ako ng tubig. Binigyan ako ni Isaiah ng isang baso. Pero ilang sandali lang nun, bigla na akong nahilo kaya nagpasya na lamang akong umuwi."

Nalasing nga siya. Bagamat inaasahan ko na ang sagot ay hindi ko pa rin maiwasang magulat.

Tama ang aking hinala. Mga suwail talaga!

"Bakit po, ate Leng?"

"Ah, wala. Sige, mag-ayos ka na diyan at magsisimba pa tayo." wika ko na lamang saka tumalikod.

Tatlong araw ang lumipas, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagkamatay ng apat na binata. Wala pa ring lead kung sino ang pumatay. Absuwelto naman si Mikael dahil wala namang patunay at rason para gawin niya ang krimen.

Nagtipon-tipon ang mga pamilya ng apat na binata pati na rin ang mga kakilala at kaibigan nila dito malapit sa ilog. Malayo-layo ito sa siyudad kung kaya't kaunti lamang ang dumalo. Ipina-cremate ng pamilya ang mga labi at balak itapon ang abo sa ilog.

Halos ang pag-iyak ng pamilya at mga salita ng pakikiramay ang naririnig ko sa buong paligid. May iba na kahit dapat ay nandirito para makiluksa ay hindi maiwasang punahin ang mga ugali ng mga namatay nang sila pa ay nabubuhay na maaari daw dahilan ng pagkahantong nila sa kamatayan. Mga bulakbol at parang walang gustong marating sa buhay, lapitin sa gulo at palaging sunod sa luho.

Halos isang oras ang lumipas, kaunti na lamang ang natitirang mga tao. Nanatili ako sa aking pwesto, nakaupo sa may batuhan, malayo sa karamihan. Nakita ko pa si Mikael na nakikipag-usap sa mga magulang ni Isaiah. Bakas ang lungkot sa kanyang mukha.

Tumayo ako at lumapit sa paanan ng ilog. Pinagmasdan ko ang kalmadong pagdaloy ng tubig. Ang krimeng nangyari ay mahahalintulad din sa ilog kung saan isinaboy ang mga abo ng mga pinatay. Kalmado at malinis. Walang anumang babala o signus na may masamang mangyayari.

"Simpleng utos lamang ng nakakatanda sa inyo ay hindi niyo binigyan ng halaga. Kung sana sinunod niyo ang aking bilin, di sana ay buhay pa kayo. Huwag niyong lalasingin ang aking kapatid." Walang panghihinayang at lungkot na saad ko kasabay ng pasikretong pagtapon sa kutsilyong may mantsa pa rin ng dugo na nakita ko sa basurahan sa aming kusina, umaga matapos mangyari ang krimen.

Note: Hello, guys! Do you like the story? For more stories, visit my wattpad account: https://www.wattpad.com/user/iluvmycielo

Coin Marketplace

STEEM 0.19
TRX 0.12
JST 0.027
BTC 59198.54
ETH 3287.69
USDT 1.00
SBD 2.43