Labis Na Pagmamahal Ng Isang Ina (A Filipino Short Story)

in #life6 years ago

Related image
Pinagmulan ng imahe

"Nay, pabili po ng Sampaguita, beinte pesos lang po" sabi ng isang babae na galing sa loob ng Simbahan.

Tahimik namang binigyan ng matanda ang babae ng kaniyang tindang Sampaguita at inilagay niya iyon sa loob ng supot saka iniabot.

"Salamat neng" nanghihina niyang sambit.

Halos buong buhay na ginugol Ni Nanay Trining ang pagtitinda ng Sampaguita sa labas ng Simbahan ng Saint Joseph Cathedral. Siya ay nasa edad na ng kaniyang Dapit Hapon. Nagkaroon siya ng isang anak at maaga siyang nabalo ng kaniyang asawa. Itinaguyod niyang mag-isa ang kaniyang anak upang ito ay makapagtapos ng pag-aaral. Pinilit niyang magtinda ng Sampaguita araw-araw mula alas singko y medya ng umaga hanggang alas siyete ng gabi. Kumikita Si Nanay Trining ng 150 hanggang 250 pesos kapag maganda ganda ang bentahan o tuwing Linggo. Naging matipid siya simula ng solohin niya ang lahat ng gastos para sa pangangailangan ng kaniyang anak. Noon kasi'y katuwang niya ang kaniyang asawa na maghanap buhay. Bagamat kapos sila sa buhay, hindi naman sila noon hustong nasasairan ng panggastos sa pang-araw araw lalo na sa pagkain dahil nandiyan ang kaniyang asawa noon.

"Nay Trining, sabay na po tayong umuwi" wika ng isa sa mga nagtitinda rin ng Sampaguita sa labas ng simbahan.

Manaka naka pa'y naglalakad na sila patungo sa bahay na inuuwian ng matanda na may ilang kilometro lamang ang layo mula sa simbahan.

"Ayaw ninyo po ba talagang umuwi muna kina Ben?" Sabay sambit ng babae ng sila'y makarating sa tinutuluyang maliit na barung-barung na nasa gilid ng kalsada na ang tinutukoy ay ang kaniyang nag-iisang anak na lalaki.

Walang kibo na pumasok sa loob ng kaniyang tahanan Si Nanay Trining.

"Ayoko Digna. Alam mo naman na ayoko na may masabi ang aking manugang kay Ben. Baka dagdag lang ako sa kanilang isipin. Ay' ayoko naman ng ganon. Malakas pa naman ako at kaya ko pa ang aking sarili!" Mahabang paliwanag Ni Nanay Trining kay Digna.

Simula kasi ng makapagtapos ang kaniyang anak na Si Ben ay nagkaroon ito ng Nobya na may isang taon na ring nagsasama ang dalawa. Bagamat wala pang anak ang mga ito, ayaw niya na makaistorbo man lang sa dalawa o maging pabigat sa mga ito. Mahal niya ang kaniyang anak kaya ayaw niya na pati ang kaligayahan nito ay kaniyang masira pa.

" Aba eh' kayo ho' ang bahala! Ayaw ninyo naman sa amin. Nagtitiis kayo dito. Nag-aalala lamang po ako at walang kayong kasama rito baka mamaya eh' mapano kayo," may pagpupumilit pa ring pagpapaliwanag Ni Digna sa matanda.
"O' siya siya Digna! Ika'y umuwi na at hinihintay ka na rin ng iyong mag-ama sa inyong bahay! Hayaan mo't kapag nagbago ang aking isipan ay' sasabihan agad kita" papapalubag loob na wika niya kay Digna.
"Sabi mo yan Nay Trining ha'? Aantayin ko po yan! Sana'y magbago na ang inyong isipan para naman kahit pano ako rin ay mapanatag ang kalooban. O' siya, ako ho'y aalis! Mag-iingat po kayo rito ha'? Magkita na lamang tayong muli bukas ng umaga! Uwi na ho ako Nay Trining!" Mahabang pagpapaalala Ni Digna kay Nanay Trining.

Nahiga na ang matanda sa kaniyang higaan matapos siyang kumain at magpahinga. Bago pa siya nahiga ay inilagay niya ang kaniyang kinita sa araw na iyon sa kaniyang panyo na nakatago sa kaniyang mga damitan. Iniipon niya iyon hindi para sa kaniyang sarili kundi para ibigay sa kaniyang anak na Si Ben. Dahil hindi lingid sa kaniya na nais na nitong pakasalan ang kaniyang Nobya, naisip niyang mag-ipon para sa mga ito.
Mahimbing na ang pagtulog Ni Nanay Trining, nang may pilit na nagbubukas sa kaniyang pintuan. Dahil hindi ganun katibay ang kaniyang pinto, agad nabuksan ng kung sinong tao ang kaniyang pinto at tuluyang nakapasok sa kaniyang maliit na barung-barong.
Nag-umpisang magmasid ang namumulang mga mata ng lalaking nagpumilit pumasok sa loob ng munting tahanan Ni Nanay Trining. Nakita niya ang matanda na mahimbing ang pagtulog nito kaya naman dali-dali siyang naghalungkat sa mga gamit nito. Napadako ang paningn niya sa maliit na kabinet nito na natatakpan ng kurtina. Nag-umpisa siyang maghalungkat sa damitan nito, may nakita siyang panyo. Nakabuhol ito at nakabukol. Alam niya na pera iyon. Nakatayo pa lamang siya sa kabinet ng matanda nang biglang nagmulat ito at sinigawan siya.

"S-sino ka?! Anong ginagawa mo dito?!" Gulat na tanong Ni Nanay Trining ng mamulatan niya ang lalaking hindi niya kilala at hawak-hawak ang kaniyang panyo na kung saan niya nilalagay ang kaniyang ipon para sa anak na Si Ben.

Tatakbo na ang lalaki palabas ngunit nakatayo na ang matanda at hinarangan ang pinto na tila makukuha niya ang kinuha nitong pera sa kaniya. Pinilit ng lalaki na paalisin ang matanda sa pinto upang siya ay makalabas ngunit sadyang makulit ito at dahil sa ginagawang pagsigaw may tila nagbubukas na ng ilaw ng mga kalapit bahay kaya naman may isang paraan na ginawa ang lalaki para di siya mapigilan ng matanda.

"Ugh!" Tumbang bumagsak Si Nanay Trining sa kaniyang sahig habang sau-sapo ang kaliwang dibdib.

Dali-daling kumaripas ng takbo ang lalaking may hawak-hawak ng kaniyang panyo. Huling lingon ang ginawa ng lalaki sa matanda at tuluyan itong nawala sa parteng madilim ng lugar na iyon.

"Ibalik mo yan... Sa anak ko yang inipon-ipon kong pera..." Hanggang sa malagutan ng hininga ang matanda matanda.

May ilang sandali pa bago nadala sa Ospital ang matanda. Ngunit siya ay wala ng pulso ng dumating sa ospital...
Maraming magulang ang ganito ang sitwasyon. Naghahanap-buhay para sa kanilang sarili upang hindi maging pabigat sa kanilang mga anak. Hanggang sa huling sandali, anak pa rin ang iniisip. Kaya hangga't tayo ay may mga magulang pa, mahalin natin sila at ingatan. Dahil kahit anung gawin natin, hindi natin kayang tumbasan ang pagmamahal at pag-aaruga na ibinigay nila sa atin.
Sort:  

Ibinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng Curation Collective Discord Community, binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.
This post was shared in the #pilipinas channel in the Curation Collective Discord community for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.

Maraming salamat @c-squared!

You received an upvote as your post was selected by the Community Support Coalition, courtesy of @steemph.antipolo

@arabsteem @sevenfingers @steemph.antipolo

Coin Marketplace

STEEM 0.22
TRX 0.20
JST 0.034
BTC 98713.95
ETH 3352.77
USDT 1.00
SBD 3.07