Bicol Express
Tinanong ko ang kapatid ko kung ano ang gusto nyang ulam ngayong tanghali. Hindi na ako nagulat sa isinagot niya. Siguro kung may pagkakataon, aaraw arawin nyang ulamin ang Bicol express. Kahit pasong paso na ang dila ko sa anghang, iyon at iyon pa rin ang gugustuhin niyang ipaluto.
Hindi naman gaano mahirap magluto ng bicol express. Pero ang totoo, kamakailan ko lang naman talaga natutunan lutuin ang putaheng ito sa kadahilanang paborito ito ng aking esposo.
Kaya ano pa nga ba ang gagawin kundi bumili na ng mga sangkap.
Ang mga kakailanganing sangkap:
- 1kg baboy (dahil hindi ako kumakain ng taba, yung malaman lang na baboy ang binibili ko.
Pero siyempre, kailangan pa rin ng kahit konting taba dahil ang mantika nito ang isa sa magdadagdag sa lasa nito.)
sibuyas (yung kulay pula, kung pula nga ba ang kulay na yun) at bawang (hiwahiwain nang maliliit)
bagoong (kapag sinipag sipag ako, nagluluto ako ng sarili kong bagoong alamang. Pero ngayon, dahil galing pa ako sa opisina, bumili na ako ng luto nang bagoong)
siling green (yung madalas na ginagamit sa sinigang) ipagpaumanhin nyo dahil hindi ako nakabili nito. Nagkaron kasi ng aberya sa binilhan ko ng mga sangkap at nawala ma sa isip ko na may nakalimutan pa pala ako.
sitaw o maaari rin ang green beans (nakalimitan ko rin bilhin ito, wag nyo na akong pagalitan kasi pinagalitan na ako ng kapatid ko)
gata ng niyog (pwede kang nagpapiga na lang nito sa palengke) pero walang ganun ngayon sa talipapa kaya bumili kami ng niyog at pinahiram kami ng kudkuran ng niyog ng kapitbahay namin.
Nagulat ako kasi ngayon na lang ulit ako nakakita ng kudkuran ng niyog.
Yung may uupuan tapos may dulong parang puro ngipin na kung saan kukudkurin yung niyog.
Nakakatuwa!
Siyempre, alam kong mahirap magkudkod kaya yung kapatid ko ang pinagawa ko. Haha
Kapag nakayod na, lagyan ng maligamgam na tubig ang niyog at saka pigain.
Ang pagluluto
- Pakuluan nang sandali ang baboy hanggang sa lumambot. Mga 3-5 minuto ayos na yun. Ihiwalay ang taba sa laman.
- Lagyan ng kaunting mantika ang kawali. Sapat lang para hindi dumikit ang sibuyas at bawang.
- Igisa ang sibuyas at kapag medyo mapusyaw na ang kulay nito, isunod na agad ang bawang.
- Igisa ang taba hanggang sa bahagyang lumabas ang mantika nito.
- Isunod ang laman ng baboy. Sangkutsahin hanggang sa nahalo nang maigi ang mga sangkap.
- Lagyan ng bagoong. Haluing maigi. Maanghang yung bagoong na binili ko kaya hindi na namin kailangan ng siling green
- Ihalo ang gata. Nasubukan ko nang unahin ang gata bago ang bagoong dati. Naluluto masyado yung gata kaya nagiging matamis masyado yung bicol express. Kaya ngayon, sinubukan kong ihuli ang gata.
Et voila!
Bicol express na kulang man sa sangkap ay puno naman ng pagmamahal at pagsisikap ang pagkakaluto.
Maligayang tanghalian!
Puwede bang makikain minsan diyan? Sana matapat na gata ang ulam para madami ako makain.
Pwede naman. Kaya lang eat at hour own risk kumbaga. Kasi marunong lang ako magluto. Pero di ko masasabing masarap lahat ng luto ko. Hahaha
Importante mabusog hehe di ako choosy kung ano nakahain kinakain ko lol