TULA # 001: LIHIM

in #filipino-poetry6 years ago (edited)


pinanggalingan

Lihim

gold heart.png

Nakita kitang naglalakad, kasama'y mga kaibigan
Nagtatawana't nagkwekwentuhan patungo sa inyong tambayan
Kahit sa malayo, iyong ganda'y pinagmamasdan
Mukha mong maamo sadyang kay hirap makalimutan

Minsan kitang nakita, tahimik at walang kasama
Hanggang napansin, lumuluha mong mga mata
Nais kang lapitan dahil ako'y nabahala
Ngunit bakit dibdib ay biglang dinadaga

Ipinikit mga mata at napabuntunghininga
Nanalangin ng mataimtim upang kaba ay mawala
Ngunit ng ako'y magmulat, ako ay natulala
Mayroon kang kausap at niyakap kang bigla

Ako'y napatungo, damdamin ko'y itinago
Siguro'y sadyang ganto, magmamahal nalang sayo sa malayo
Sino ba naman ako, higit na lamang ang mahal mo
Isa lang sisiguraduhin ko, pagmamahal ko sayo'y totoo

Dumaan ilang buwan, bigla kang nakasabay sa daan
Hindi ko inaasahan, mga ngiti mo'y pinakawalan
Ako'y kinabahan at nagkautal-utal
At dun nagsimula pagkakaibigang nagtagal

Damdaming hindi maamin, pinapadaan nalang sa hangin
Gusto ko mang sabihin, minamahal kitang lihim
Ngunit alam ko na kaibigan lang ang iyong tingin
At ang makasama ka ay sapat na sa akin

Hindi man ngayon, siguro'y darating rin ang panahon
Pag-ibig ko sayo, mababalingan mo rin ng atensyon
Andito lang ako parati para sa iyo
Pag-ibig kong buong-buo, labis at siguradong totoo

gold heart.png

Lagi kang nakikita, saan man ako magpunta
Minsa'y nahuli pa, nakatitig sa aki't nabigla
Nakita kang namula, damdamin ko ay natuwa
Gusto kang makilala, ngunit pano, nakakahiya

Andiyan ka 'pag ako'y masaya o kahit ako'y lumuluha
Nakita kang nag-aalala, ngunit bakit ayaw lumapit at magkusa
Dumating aking barkada, niyakap ako't nangumusta
Ngunit bakit bigla kang nawala, naglahong parang bula

Buwan ay lumipas, presensya mo'y di mahagilap
Hanggang landas natin, nagtagpo sa isang iglap
Ako ay nagalak at gusto kang makausap
Ngunit pano? Ngayon lang tayo nagkaharap

Ako'y napangiti sa kilos mong hindi mapakali
Hindi maikukubli, damdamin mo'y nakakatili
Puso ko'y bumilis ang pintig, ako ba'y kinikilig
Nang marinig boses mong napakagandang tinig?

Nagsimula ang pagkakaibigan sa simpleng Hello lamang
Ngunit kay sarap balikan unang araw na tayo'y nagkakilanlanan
Sana'y hindi magwakas pagkakaibigang nasimulan
Ngunit sa panahong lumipas, pagtingin ko sayo'y naging higit sa kaibigan

Hindi ko inasahan, kahit ako'y di ko maipaliwanag
Puso ko'y nagi mong tahanan, pangalan mo lang ang tanging tinatawag
Ako ba'y sadyang nahihibang o talaga lang nagmamahal
Ngunit ayaw kong masisira pagkakaibigan nating kay tagal

Hindi man ngayon, siguro'y darating rin ang panahon
Pag-ibig ko sayo, mababalingan mo rin ng atensyon
Andito lang ako parati para sa iyo
Pag-ibig kong buong-buo, labis at siguradong totoo
gold heart.png

Madalas may mga damdamin tayong hindi maamin, ngunit paano kong parehas kayong may natatagong pagtingin.
Nag-aantayan lamang kung sinong unang magbibitiw, mga salitang kay tagal na gustong sambitin.
Paano kung hindi dumating ang pagkakataon, mga inaantay nyong tamang panahon.
Masarap ang pagmamahalang sinbuok ng panahon lalo na kung sa huli sabay kayong aahon
Mapait ang damdaming napako, nabaon sa limot dahil ito'y itinago
Huwag hayaang siya ay mapagod dahil ang paglayo nya siguradong hindi mo ikalulugod
Kaibigan, oras ay hindi mo hawak, sa isang iglap pangarap mo'y maaaring mawasak
Eh ano kung ikaw ay umiyak, paano kung ang sagot pala niya'y iyong ikagagalak
Wag mag-atubiling ipaalam kanyang silbi sa buhay mong punong-puno ng pagtangi
Mainam ang maaga pa'y masabi nang sa huli ay hindi ka magsisisi
Huwag matakot kung ika'y masasaktan dahil pre' parte iyan ng pagmamahalan
Huwag hayaang basta siya mawala dahil hindi ka makakahanap ng isang tulad niya
Masarap ang magmahal, masarap ang minamahal, kaya pag nakita mo na siya, wag mo ng pakawalan!


Sort:  

Aba'y ang galing naman ng iyong tula, aking kapatid. 😍

Salamat atenggg 😘😘😘

Im inlove...Hindi po bitter ang feeling ko while reading po. Yehay! Galing.

💕 kaya pag dumating,,, wag matakot!! Eh ano kung masaktan... mahalaga wala kang pagsisisihan ☺️☺️☺️

hooooomaaaayyyygggguuuuuussss!! 'mahalaga wala kang pagsisisihan!' tindi nang advice mo teng! ang sakit sa puso na parang ang sarap mag keep on going! hahahaha!!! inlove nga yata akeng. hay hay hay!

Feel the love in the air 💕

bakit nag-iba ang font? 😃 gayun pa man nakakabighani ang iyong tula aking kaibigan... payo para sa mga takot umibig.. try and try lan until you found the one and only love ❤️❤️❤️

Gamitin mo ung na code ☺️☺️ Samahan mo ng partner yan na /sub sa loob ng < > ganto lalabas compared sa normal ☺️☺️

Maraming salamat sa iyong papuri,,, ikinatutuwa kong malamang ikay nasiyahan ☺️ Tumpak ang iyong payo... huwag mapagod magmahal,,, darating tin ang tamang taong magmamahal ng totoo. 😍

Coin Marketplace

STEEM 0.26
TRX 0.11
JST 0.033
BTC 64107.21
ETH 3073.84
USDT 1.00
SBD 3.88