Imposible Tayo

in #poetry8 years ago

IMG_20180204_093942_299.JPG
Hindi ko batid,
Kung papaanong ang mga salita,
Kapag pinagsama-sama,
Ay nabubuong parang tula.
Hindi ko alam,
Kung papaanong ang bawat alon,
Na humahampas sa may dalampasigan,
Ay bumabalik sa dagat na kanyang tahanan.
Nasusukat ba ang bawat butil,
Ng ulan o ng luha,
Na humahalik sa 'yong pisngi,
Sa tuwing umuulan?
Nababatid mo ba, kung aling hangin,
Ang niyayakap ka,
Sa tuwing ang gabi'y lumalalim?
Imposible, pero ramdam mo. Alam mo.

Hindi ko matanto,
Kung papaanong ang dagat at ulap,
Ay tila ba kay lapit,
Ngunit ang totoo'y kay layo.
Hindi ko mawari,
Kung bakit kay sayang pakinggan,
Ng mga ibong humuhuni,
Ngunit bakit parang may kulang?
Inaabangan ko ang bawat paglubog ng araw.
Masaya, ngunit bakit ang lungkot pala talaga?
Hinihintay ko kinabukasan ang bawat pagsikat niya,
Ngunit parang may kulang pa.
Nasusukat ba ang bawat saya,
Sa bawat halakhak o tawa?
Talaga bang ok ka,
Kapag sinasabi mong ok ka?

Nakakamangha kung papaanong sa mundong ito,
Ay maraming tanong na 'di nasasagot, dahil 'di na kailangan pa.
Sapat na ang bawat tula,
Na nagdudulot ng lungkot at saya;
Sapat na ang bawat alon,
Na bumabalik sa mahal niya;
Sapat na ang bawat ulan o luha,
Na pumapatak para maibsan ang kalungkutan;
Sapat na ang bawat hangin,
Na yapusin ka para malaman mong mahal kita;
Sapat na ang distansya sa pagitan ng dagat at ng ulap,
Na maabot ka, kahit malayo ka;
Sapat na ang huni ng mga ibon,
Na marinig mo, ang dalangin ng puso ko;
Sapat na ang bawat paglubog at pagsikat ng araw,
Na malaman mong kailanman, hindi ako nawala sa'yo.

Pero sa bawat posibleng imposible,
Alam mo kung anong pinakamalungkot?
Noong sabihin mong:
Imposible tayo.
Hindi tayo.
Walang tayo.

(photo credits: Google)

Sort:  

Great piece . keep Steeming fellow Cebuana.

Salamat @jennfer very kind of you :) :) :)

Coin Marketplace

STEEM 0.04
TRX 0.32
JST 0.082
BTC 62333.05
ETH 1669.91
USDT 1.00
SBD 0.41