# ULOG #6: Swerte

in #ulog8 years ago

image

Huwag kang naniniwala sa mga swerte-swerte na yan. Malas yun!

May bumanat ng ganiyang biro sa akin noon. Nakatatawa rin naman kung tutuusin. Pero napaisip ako sa birong iyon. Kung totoo ba ang tinatawag na swerte o nagkakataon lang ang mga bagay-bagay.

Naalala ko kasi napadaan ang sinasakyan namin kahapon sa isang peryahan. Wala nang perya sa Maynila kaya kahit papaano ay nakaka-miss din pala ang mga ganito. Yung pagsakay sa buwis buhay na Ferris Wheel. Yung Caterpillar ride nilang hindi ata hihinto hangga't walang maglalabas ng kinain nila bago sumakay. Yung Color Game na napaka-inosenteng pangalan pero napagtanto kong sugal pala. At siyempre pa, ang pinakadinudumog ng lahat, ang Bingo.

image
Peryahan

Naalala ko noong high school pa lang ako, nadatnan ko ang tatay ko na naglalaro sa bingo. Imbes na tipikal na bingo cards ang nakalagay ay pininturahan ang isabg mahabang lamesa ng kulay green para magmukha itong pisara. Saka naman pininturahan ng mga parihaba na pinintahan ng mga numero at ng mga letrang BINGO. Kaya imbes na batong panantos ang gagamitin, chalk na lang at basahang pambura ang kailangan.

Bilang isa sa mga libangan ko dati ang buntutan ang tatay ko kung saan man siya pumunta, sinamahan ko siyang magbingo. Tantos lang ako nang tantos ng chalk. Basta binanggit yung numero sa card ko, tantos lang. Tinanong ko si Papa kung paano malalaman kung panalo na o hindi.

Kailangan makabuo ka ng pa-tatsulok.

Parang ganito?

Sabay turo sa isa sa mga cards ko. Alerto si Mang Romy, kinatok agad ang lamesa para tawagin ang atensiyon ng nagbabasa ng numero. Panalo nga ako! Hindi ko na maalala ang napanalunan ko. Basta inilibre ko si Papa ng Pop noon.

Swerte!

Bumalik tayo sa mas bata pang alaala. Grade 6 pa lang ako noon. Sa lugar namin ay uso ang ending. Kung hindi mo ito alam, huwag mo nang alamin dahil isa itong uri ng sugal. Ang maibabahagi ko lang ay sangkot dito ang larong basketball. Karamihan sa mga kalugar ko noon ay wala naman talagang hilig sa larong ito pero pinanonood nila dahil inaabangan nila kung ano ang final score.

May kababata akong nagpapataya ng ending. Tatlong piso lang ang taya. May natitira pa akong baon noon pero dahil kuripot ako at ayaw ko nga ng sugal, tumanggi ako. May isa pa uli akong kakilala na pumunta sa bahay. Tumaya raw ako at baka manalo ako. Nang dahil sa kakuriputan ay hondi pa rin ako tumaya. Bibili ako noon ng sitsirya sa tindahan ay may nakasalubong ulit akong kakilala. Oo, pinatataya niya rin ako. Siguro ay nakulitan na ako, tumaya na rin ako. Dalawang piso lang ang taya sa kanya kaya naisip ko, pwede na rin.

May paborito akong numero noon. Seventeen. Hindi ko alam kung bakit kaya wag niyo nang tanungin. May mga bagay talaga na mahirap intindihin at ipaliwanag. Basta gusto ko siya. Tumaya na ako at kinalimutan ko na ang ending.

Hindi ako nanood ng basketball. Natulog na ako. Paggising ko kinaumagahan, nakasalubong ko yung naunang nagpapataya habang papunta ako sa bakery para bumili ng pandesal. Masaya siya kasi wala raw tumaya sa numerong nanalo sa card niya. "Ano ba'ng nanalong numero? tanong ko.

"1-7"

Nanlaki ang mata ko.*"Nanalo ako!"

image
Ending

"Eh hindi ka naman tumaya eh," nakasimangot niyang sagot. Noon ko lang naalalang hindi pala siya ang tinayaan ko. Pag-uwi ko ay naghihintay na ang tinayaan ko at ibinigay sa akin ang isandaan at apatnapung piso.

Akalain mo nga naman!

Swerte!

Fast Forward

Nasa kolehiyo na ako. Nanaginip ako ng dalawang numero. Paggising ko ay nagmamadali na akong pumasok at aabutin na ako ng rush hour. Sumasakay ako ng jip papasok sa eskuwelahan at naglalakad na lang pauwi kaya kailangan kong makipag-unahan sa mga sasakay ng jip papuntang Pier South. Naging abala ako sa buong araw sa mga gawaing pang eskwelahan pero hindi mawala wala sa isip ko ang mga numerong napanaginipan ko. Naalala ko ang sabi ng tsismosa naming kapitbahay na kapag ganiyan ay itaya ko raw baka sakaling manalo. Kaya pag-uwi ko galing school, hinanap ko agad sa pwesto niya sa palengke si mama para samahan akong tumaya. Nang papunta na kami sa tayaan, nakasalubong namin yung isang kakilala namin. Ibinalita niya sa amin ang numerong lumabas. Pagkabanggit niya ay sinabi ko na kay Mama na bumalik na lang kami kasi iyon ang numerong tatayaan ko sana.

Swerte? Di gaano.

Pero naisip ko, dapat nga bang naniniwala tayo sa mga swerte at malas? Hindi ba't tayo ang dapat na gumagawa ng 'swerte at malas' natin sa buhay? Marahil ay may ktotohanan din naman yung mga ganoong konsepto. Pero naisip ko (ulit), hindi sapat na puro sa swerte o sa malas lang natin iaasa at isisisi ang lahat. Dapat ay may kasama ring sapat na pagsisikap, pagtanggap ng pagkakamali at positibong pananaw sa buhay para magtagumpay.

image
Lotto

Subukan ko kayang tumaya sa lotto? Swertehin pa rin kaya ako?

ROMESKIE.gif

Sort:  

Nice blog i give you 1 upvote

Walang swerte (ala Nora Aunor na tono) Ang swerte ay nasa puso ng tao! Pero ako talaga kulelat! LOL. Daan lang ako @romeskie.

Coin Marketplace

STEEM 0.04
TRX 0.32
JST 0.092
BTC 62728.49
ETH 1763.30
USDT 1.00
SBD 0.39