Kulay ng Pag-asa

in #story7 years ago (edited)

pcoA6eoKi.jpg


Si Juan ay isang mamamayang Pilipino, dalawampu't pitong taong gulang, nakatira sa ilalim ng tulay, pinanganak na mahirap, hindi nakapagtapos ng pag-aaral, walang permanenteng trabaho, may asawa at may dalawang masayahing anak. Ang kaniyang asawa at ang kaniyang dalawang anak, na may edad na pito at walo, suot ang mga luma at maduming damit na nagmula sa mga donasyon, ay naglalako ng sampaguita sa mga nagdaraan sa harap ng simbahan. Habang siya ay tumutulong sa kanyang kumpare sa pagbubuhat ng mga semento at buhangin para sa ginagawang bahay ng kakilala ng kumpare niya. Puspos sa trabaho, hindi iniinda ni Juan ang pagod at uhaw at gutom sapagkat mamayang gabi ay may pagsasaluhan silang pamilya. Sa isip niya, sa wakas, matapos ang ilang buwang pagkain ng de lata o kaya ay instant noodles o kaya naman ay wala talagang kahit na ano, makakatikim na ulit sila ng kalahating litsong manok na binebenta sa gilid ng simbahan, na ang amoy ay nagsisilbing sumpa sa kumukulong sikmura ng kanyang mag-iina na maghapong lumalagi doon.

Sa kabila ng pagod at hirap at gutom, abot-tenga ang ngiti ni Juan habang pasan pasan sa kanyang pawisang balikat ang isang sakong buhangin. Isa, dalawa, tatlo! Bilang niya, sabay bagsak niya ng sako sa imabakan. Muli ay naglakad siya para maghakot ng panibago. Kaunti nalang at matatapos na ang kanyang trabaho at mapupuntahan na niya ang kanyang pamilya.

"Bili na po kayong sampaguita", sigaw ng magkapatid habang nakangiti at magkahawak ng kamay. Hindi sila nagpapatinag sa pagod. Saksi ang hagdan sa kanilang paghihirap na kanilang inuupuan kapag nangalay na ang kanilang mga paa kakalibot sa paligid ng simbahan. Hindi sila nagpapatinag sa gutom kahit na ang kanilang sikmura ay pinipilipit ng amoy na nanggagaling sa tindahan ng litsong manok na malapit sa kanila. Hanggang tingin lamang sila. Hanggang amoy na lamang sila. Ang huling kain nila ng manok ay noong nagkapera ang kanilang tatay mula sa paggawa ng gripo ng kakilala nila, ilang buwan na ang nakalipas. Kanila na lamang inaamoy ang bango ng bulaklak na hawak nila.

Nakangiti si Juan habang kinukuha niya ang bayad sa kanya sa pagtatrabaho. Sabik na sabik na siyang makita ang asawa at mga anak niya. Pagkakuha ng sweldo ay dali-dali siyang nagtungo sa simbahan kung saan naroon ang pamilya niya. Noong magkita sila, hindi maipinta ang tuwa sa mukha ng buong pamilya.

"Pasok muna tayo sa loob ng simbahan." ani ni Juan.

Palagi silang nasa paligid ng simbahan pero ni minsan ay hindi pa nila nasubukang pumasok doon. Sa pagpasok ay nag alay sila ng sampaguitang tinda at nagdasal. Si Juan ay nagtungo sa pinaglalagyan ng kandila. Iba't ibang kulay.

Snapseed.jpg

Luntian para sa kalusugan, bughaw para sa paglalakbay at pagsusulit, puti para sa kalinisan ng kaluluwa, pula para sa katatagan sa mga pagsubok at kung ano-ano pa. Ang pera ni Juan ay sapat lang sa isang kandila. Sa kanyang kamay, na nanginginig pa mula sa pagtatrabaho na balot ng kalyo at buhangin, hawak niya ang pulang kandila. Napatingin siya sa pamilya niya na nakangiti habang nagdadasal. Nagsindi siya ng puting kandila, at kaniyang iniwan na doon. Nakangiti siyang pumunta sa kinaroroonan ng kanyang mag-iina dahil napagtanto niya na walang kulay ng kandila ang makakapagbigay kahulugan sa kaniyang mga panalangin para sa pamilya niya, walang kulay ang kayang maging simbolo ng pag-asa... at ang pag-asa na balang araw ay magiging maayos din ang kalagayan ng pamilya niya ay hindi natatapos sa pagkaubos ng kandila na kaniyang sinindihan o kaya naman kapag namatay ang apoy nito. Walang kulay ang magbibigay sa kanya ng pag-asa para maging matatag sa mga pagsubok. Walang kulay ang magdudulot sa kanya ng pag-asa... walang kulay. Pero may nag-iisang hugis na siyang pinagkukuhanan niya ng lakas ng loob at ng hindi nauubos na pag-asa... ang hugis ng ngiti ng kanyang mga anak at asawa. Ang mga ngiti na suot nila na masasabi nilang kanila at hindi nagmula sa kahit anong donasyon.

Lalaban si Juan.

Dahil si Juan ay isang mamamayang Pilipino, dalawampu't pitong taong gulang, nakatira man sa ilalim ng tulay, pinanganak man na mahirap, hindi man nakapagtapos ng pag-aaral, wala mang permanenteng trabaho ay mayroon namang asawa at may dalawang masayahing anak.

pcoA6eoKi (copy).jpg

Ang nilalaman nito — mga tauhan, lugar at pangyayari — ay kathang-isip ko lamang at nabuo lamang mula sa imahinasyon ko upang maipahayag ang gusto kong iparating ukol sa pag-asa. Nawa'y tayong lahat ay magkaroon ng pag-asa sa lahat ng oras. Kung nauubos man ito, alamin natin ang mga bagay o tao na nagbibigay satin ng pag-asa.

Ang "clip art" ay nagmula sa http://clipart-library.com/clipart/pcoA6eoKi.htm.

Coin Marketplace

STEEM 0.20
TRX 0.13
JST 0.030
BTC 64504.36
ETH 3414.70
USDT 1.00
SBD 2.51