Salpakan

in #pilipinas8 years ago (edited)

This was written in Filipino and it was originally a part of my portfolio submitted to our BLL 140 Class - a creative writing class back when I was in my last year in college


“Atapang a tao!” natatawang sabi ni Nini habang mukhang aburido si Bong.

“Ang lakas ng loob sumugod ng Flag mo eh wala man lang nakabantay maski Private o kaya Sergeant,” singit ni Trina.
Tumaas ang kilay ni Bong habang nakapangalumbaba. “Ganon naman talaga, diba? Kailangang kumilos at umabante. Naglaro ka pa kung ibuburo mo lang yung Flag mo sa dulo.”

Humalakhak si Nini. “Pero syempre kailangan mo rin ng assurance. Hindi basta sugod ng sugod.”

“Kinain ni Trina lahat ng officers ko eh. Wala nang magtatanggol sa Flag ko. ”

“Yun ang tinatawag na taking risks the right way. Iyong pagsugod na may pinapatunguhan,” sagot ni Nini.

“Tama na ‘yan. Ako naman ang arbiter. Laban kayo,” humihikab na wika ni Trina.

Umaalingawngaw ang boses ng reporter mula sa radyo ng cellphone ni Bong. Sa sobrang lakas ng radyo ay hindi na halos marinig ang patak ng ulan sa makalawang na bubong ng tinutuluyan nila. Alas onse na ng gabi pero heto at gising na gising pa rin sila.

“So, sa tingin nyo bakit natatalo ng Spy lahat ng officers except sa Private?” Tanong ni Nini habang hinahalo ang bagong lutong pancit canton.

“Ang Spy ay isang taksil at ang isang taksil ay kayang patumbahin lahat kahit na gaano pa katas ang rango,” wika ni Bong. Bahagya nyang itinabi ang ilang piraso ng dyaryo ng Karapatan at ipinatong ito sa ilang bungkos ng papel.

“Eh bakit natatalo ng Private ang Spy? Kung tutuusin ay nasa pinakababa ng hiyerkiya ang Private,” tanong ni Nini habang inaabante nya ang isang pyesa sa board.

“Kailangan naman kasi yata ng twist dahil kung hindi, boring na ang kalalabasan, ” nakangiting sagot ni Trina.

“Kasi kung ihahalintulad mo sa isang tunay na sitwasyon; ang Spy ay mas lumalapit sa matataas na rango. Ano nga ba ang mapapala nila kung sa mga opisyal na walang alam sila lalapit? Hindi ba ay kabobohan kung kakapit sila sa mga Private kung wala silang impormasyong makukuha? Kaya ang mga Private… sila yung mas nakakita ng sitwasyon mula sa isang distansya. Hindi kasi sila involved kumbaga,” seryosong sagot ni Bong.

“Sabog!” Nagulat naman sila Bong at Nini sa biglaang pagsigaw ni Trina. Bahagyang nakunot ang noo ng dalawa.

“Wala na tuloy tayong General of the Army,” reklamo ni Nini. “Sayang.”

“Ganyan naman ang buhay. Kadalasan hindi nakaabot hanggang dulo ang mga may pinakamataas na posisyon,” patango-tangong sabi ni Bong.

“Saang balon ka ba nahulog at ang lalim yata ng pinaghuhugutan mo? Games of the General pa rin ba ng pinaguusapan natin dito? ” natatawang tanong ni Trina.

“Hayaan mo na si kuya Bong Trina. Napagod kasi ‘yan sa pulong kaninang madaling araw kasama ang mga makukulit na magsasaka sa N.E. ,” wika ni Nini.

“Hindi naman sila makulit. May mga ideya lang talaga silang ayaw intindihin marahil na rin sa takot nila sa mga militar,” sagot ni Bong.

“Binisita nga pala namin ni Trina si Terry kahapon. Biruin mong pinagbawal ang mga lutuan sa selda nila kaya pinipilit na lang nilang kainin ‘yung mga rasyon na kahit siguro yung alagang aso ng kapitbahay namin ay hindi kakainin.”

“Bakit naman daw? Samantalang ‘yung mga intsik ay malayang nakakapaglaro ng mahjong sa ALS room.”

Si Trina naman ang sumagot, “may nahuling nagpuslit ng cellphone sa kabilang wing. Eh hindi naman alam na idadamay ang mga political prisoners sa right wing.”

Umiling-iling na lamang si Bong habang matapang na sinugod ang isang pyesa nito sa balwarte ni Nini.

“Aba! Matapang ‘to ah. Malamang Spy ‘yan kasi natalo nya ‘yung General at Lieutenant General ko.”
Umismid si Bong habang inaayos ang salamin nitong tila galing pa noong dekada sitenta. “Malamang tatapatan mo na ng Private ‘yan.”

“Buti nga sana kung meron pang natira,” sagot ni Nini.

Tumunog ang cellphone ni Bong bilang hudyat na malapit nang mawalan ng baterya ito. Lalong lumakas ang ulan at tila galit na galit ang ihip ng hangin. Kasabay ng pagkulog at pagkidlat ay biglang bumukas ang yerong pintuan. Pumasok ang anim na matitikas na lalaki na nakasuot ng camouflage na pantalon. Sa kanilang kamay ay may mga baril na nakatutok sa tatlong magkakaibigan.

Hinalughog ang buong kwarto at kinalap ang ilang mga papeles pati na ang pinakahuling isyu ng dyaryo ng Karapatan. Natilapon ang plato ng pancit canton sa sahig. Kumulog muli.

Noong Hunyo ng nakaraang taon, sa lumang kwarto sa Project 8 ay nagumpisa ang salpakan.


Hapong sumalampak sa may sidewalk si Marta pagkatapos pumunta sa Regional Trial Court sa Quezon City. Dala ng pagod at marahil na rin ng tindi ng init at polusyon ay nakaramdam ng panghihina ang kanyang mga tuhod. Hindi na nya mabilang kung pang-ilang RTC at kulungan na ang napuntahan nila ng kanyang anak na si Noel.

“Ma, magpahinga po muna kayo kila Tito Lito,” wika ni Noel.

“Aba’y hindi pwede. Kahit sa dulo pa ng mundo hahalughugin ko. Ang pagod ng katawan napapawi pero ‘yung pag-aalala ko bilang ina, hinding-hindi mawawala.” Pinunasan niya ang patulo ng pawis mula sa noo nya. Pagabi na ngunit mataas pa rin ang sikat ng araw.

“Baka po kasi mapano kayo ma,” pilit pa rin ni Noel na may isang malaking bag na suot. Nakalagay rito ang mga damit nilang mag-ina dahil hindi na sila nakakauwi para makapagpalit.

“Ikaw na lamang ang umuwi at baka hinahanap ka na ng asawa mo,” matigas na sagot ni Marta. Nainis bigla si Marta nang maalala ang manugang na tila linta kung makakapit sa panganay niya. Maasim ang mukha nito nang nagpaalam si Noel na sasamahan ang ina sa paghahanap sa kapatid.

“Ma naman. Alam nyo naman pong ganoon ang mga buntis,” depensa ni Noel.

“Sigurado ka bang ngayon ay totohanang buntis iyang babaeng ‘yan? Aba’y pinikot ka noon bakit ako magtataka kung uulitin nya ang kasinungalingan nya?”

Hindi na lamang umimik si Noel at kinuha na lamang sa dala nyang bag pack ang baong tubig. Tumayo na si Marta at pinagpagan ang maong na pantalon na nung isang araw pa nya suot-suot.

“Kumain na muna tayo sa may karinderya doon at wala pang laman ang sikmura natin,” wika ni Marta na bahagyang nakapikit ang mata. Siguro dahil sa init ngunit alam ni Noel ang tunay na dahilan. Ilang linggo na ang nakalipas pero hindi makitaan ng panghihina ng loob ang ina. Hindi siya ‘yung tipong maghuhulagpos sa sahig at magwawala sa pagkadukot ng bunso nyang babae. Siya iyong mabilis mag-isip. Wala dapat inaaksayang panahon. Dapat magbilis mag-isip tapos kumilos na agad. Hindi na nagtaka si Noel kung bakit naging principal ito sa maagang edad. Hindi rin sya nagtataka na sinusunod ni Nini ang mga yapak ng ina.

Narating nila ang pinakamalapit na karinderya. Halos punuan ang nga upuan dahil na siguro sa malapit na ang oras ng hapunan. Nakahanap ang mag-ina ng bakante sa may bandang dulo sa katabi ng estante ng mga kutsara at baso. Paupo pa lamang sila nang may dalagang lumapit sa kanila.

“Magandang hapon po ma’am,” nakangiting wika ng dalaga.

Noong una ay akala ni Noel at Marta na isa ito sa mga relihiyoso kuno na nag-aabot ng sobre para sa mga donasyon. “Pinapabigay po ito ni Nini in case na may mangyari daw po sa kanila.”

Halatang namutla ang mukha ni Marta kaya’t si Noel na lamang ang nagtanong, “Paano mo nalaman na nandito kami?”

“Huwag po kayong mabigla at matakot. Part time work ko po ito at nagkataon lamang na nandito kayo. Binigay nya sa akin yan nung March pa po. Kadorm ko po sya sa Diliman at magkacourse din kami,” mahabang paliwanag ng dalaga.

Bagamat nabawasan ang putla ng mukha ni Marta ay hindi pa rin ito nagsasalita at gumagalaw. Sa isip ni Noel ay marahil ay kailangan nya lamang ng oras. Masyadong mabigat ang mga nangyari nittong mga nakaraang linggo para sa kanya.

Inabot ni Noel ang sobre at unti-unting binuklat. Sa kanya rin ay mabigat ang mga pangyayari at ang pag-aalala nya ay tila kasinglaki ng pagmamahal nya sa kapatid. Tahimik na binasa nya ang sulat ni Nini.

Ma, Kuya

Hindi ko man natupad ang pangako kong makakapagtapos ay ‘wag kayong malumbay. Ang pangako ko naman sa bayan ang natupad. Kung kamatayan ko at ng mga kasamahan ko ang daan patungo sa mas mainam nyong pamumuhay ay malugod kong tinatanggap ito.

Ma, ikaw ang inspirasyon ko sa buhay. Kung hindi dahil sa walang kupas na pagpupursigi mo para sa mga estudyante mo at sa mga magiging kinabukasan nila ay hindi ako mangangahas na mangarap ng ikagaganda ng kinabukasan ng bayan.

Kuya, ikaw ang gabay ko. Kapag wala si mama ay ikaw ang gumagabay sa akin. Noong una ay sa paglakad, ngayon naman ay sa direksyon ng buhay. Ang tindi ng pagmamahal mo sa pamilya ang syang naging liwanag ko sa pagmamahal sa mga tao ng bayan. Sa bayan. Nawa’y hindi magmaliw ito kahit na alam kong magiging matindi ang galit nyo sa mundo. Wag naman sana kung sakali.

Hanggang ditto na lamang ang simpleng liham ko. Ito ay pagpapaalala lamang na kayong dalawa ng naghubog sa isang nilalang na katulad ko. Kayo ang mga bayani ko. Ngayon naman ay hayaan nyong ako naman ang maging bayani ninyo.

Hanggang sa muli,
Nerisha Nikita.


Nahihilo pa rin si Bong hanggang ngayon. Hindi sya makahinga ng maayos dahil sa ilang araw na pagkakatakip ng muka nya ng itim na trash bag na may kaunting butas lamang para sa paghinga nya. Ilang araw din silang byahe ng byahe para siguro makapunta sa mga safe houses ng mga ito.

May dalawang malalakas na tumulak sa kanya paupo sa tingin nya ay isang swivel chair. Tinanggal na ang trash bag at tanging piring sa mata na lamang ang natira. Nalanghap nya na parang nasa isang silid sila na may air conditioner. Marahil isa itong office.

Narinig nya ang mga naghahagalpakang mga baritonong boses mula sa malayo at ang ingay ng pagtapak ng mabibigat na mga sapatos sa tiles. Nandito na marahil ang boss isip ni Bong.

“Robert Paladin. Bente uno anyos at graduating na sana sa Mayo sa susunod na taon. Anong nangyari? Sayang naman. Nabulilyaso pa.” Naghalakhakan ang sa tingin nya ay mga limang tao sa silid. Ngumisi lamang si Bong.

“Anong nginingisi ngisi mo?” Inis na tanong ng lalaking nagsalita kanina ngunit hindi umimik si Bong. Naramdaman na lamang nya ang lasang metal sa labi nya. Dumugo ito marahil sa malakas na pagkakasampal sa kanya. “Magsalita ka lang kundi alam mo naman saan ang bagsak nito hindi ba? Bigyan mo ko ng pangalan. Totoong pangalan hindi tulad ng binigay nung gagong lider-lideran nyo.”

“Wala kayong makukuha sa akin,” sagot ni Bong na iniinda pa rin ang sakit ng putok sa labi nya.

“Isang beses pa Paladin. Bibigyan pa kita ng isang beses kung hindi tortyur na ang kasunod ng kaduwagan mo.”

“Mas duwag ang ipagsabi ang pangalan ng mga kasama ko,” matapang na sagot ni Bong.

Naramdaman nya na may mga matitipunong kamay na naman ang bumuhat sa kanya at nilublob ang ulo nya sa tubig. Tila tumigil ang ikot ng mundo nya nang maramdaman nan yang mapupugutan na sya ng hininga. Ngunit bago pa man nangyari ‘yun ay iniahon na rin sya.

“Bigyan mo ko ng pangalan!”

“Nagsasayang ka lang ng laway,” wika ni Bong at isa pang beses ay nilublob sya sa tubig. Naramdaman diin nyang binuhusan ang buong katawan nya ng tubig at pilit na pinaupo sa malamig na upuan. Kukuryentehin na siguro ako singhal ni Bong sa isip nya.

Sumigaw ng malakas si Bong sa unang beses na pagtama ng kuryente sa basa nyang katawan. Nanigas sya at tila mamamatay na sya sa tindi ng lakas ng kuryente. Nang pangalawang beses na ay piinatigas nya ang katawan bago pa lumapat ang pangalawang pagdaloy ng kuryente. Ito ay para hindi sya masyadong maapektuhan. Isang Engineering student si Bong at 5th year na sana sya sa pasukan.

Habang lupaypay ang katawan at pakiramdam ay sumagi sa isip ni Bong ang kalagayan ng dalawang babae. Kamusta na kaya sina Nini at Trina? Wala naman sanang mangyaring masama sa kanila. Huwag naman sana silang manyakin n g mga gagong ‘yun. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya ang mga nangyayari. Nakakasiguro syang hindi sila natiktikan sa tinutuluyan nila ngunit nalaman pa rin ng mga talipandas ang tinitirhan nila.

Hindi nagtagal ay hinila na sya patayo at kinaladkad sa isang direksyong hindi nya alam. Tinaggal na ang piring nya pagkatapos nilang marating ang isang madilim at mabahong lugar na may mga rehas.

“Swerte ni Sarhento Tomas. Nakatikim agad. Balita ko ay anak ng principal ‘yun a,” wika ng isang lalaking may kapandakan.

“Malakas ang kapit kay General Magunsahi e,” singit naman ng isang matangkad na lalaki.

Parang naestatwa na lamang si Bong sa narinig. Huwag naman sanang si Nini iyon. Diyos ko. Kahit ako na lamang ang patayin at pahirapan.

“Ano ba Paladin? Maglakad ka nga ng mas mabilis?” asik ng isang lalaking gumagwardya sa kanya.

Habang naglalakad ay nahagip ng mga mata ni Bong ang pamilyar na bulto sa isang kwartong walang harang. Hindi sya maaaring magkamali! Si Trina iyon at sa awa ng Diyos ay mukhang maayos naman ang lagay nito. Napalingon si Trina sa gawi ni Bong at tila nagulat ito at umiwas ng tingin.

Nakarinig ng matinis na tawa si Bong. Matinis ang boses ngunit halatang lalaki ito. Sa kwarto kung saan nya nakita si Trina ay lumabas ang lalaking may matinis na boses. Sa bawat sabit sa uniporme nito ay malamang ito ay isang heneral.

Kinalabit si Bong ng isa pang tagabantay na may katandaan na ngunit malakas pa rin ang mga bisig dahil sa mahigpit na pagkakahawak sa kanya. Kinunot ni Bong ang noo nya sa bantay nya ngunit ngumisi ito bago nagsalita. “Mag-ingat ka sa mga pinagkakatiwalaan mo. Ang akala mong kakampi mo ay isa pa lang ahas.”


Salpakan is the Filipno term for the board game named Game of the Generals

the_generals_ideal_1980_back2.JPG

Image Source

Sort:  

na Asiong Salongga dre.

Coin Marketplace

STEEM 0.04
TRX 0.32
JST 0.080
BTC 60288.06
ETH 1572.33
USDT 1.00
SBD 0.47